Walang tutang makapupurol sa tibay ng panulat

“O pag-ibig na makapangyarihan, ‘pag ika’y pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat, masunod ka lamang.” 

Likas sa mga Pilipino ang pagmamahal nang walang pasubali. Hindi natin alintana ang daan-daang pagkakamali’t pang-aabuso sa oras na pakitaan tayo ng kakarampot na pag-intindi at paglilingkod. Handa tayong magpatawad at lumimot kapalit ng ipinangakong sukli sa ating pagsinta. 

Kaya marahil kusa pa ring bumabalik ang Pilipinas sa yapos ng kaniyang dating mananakop. 

Kamakailan lamang, inilatag ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. ang kulay-dugong karpet para sa paglapag ni U.S. President Donald Trump sa bansa para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Mula noon hanggang ngayon, nagpapatuloy at mas pinaigting pa ng pamahalaan ang pagsunod nito sa kapritso ng mga Amerikano sa ilalim ng isa na namang Marcos sa Malacañang. 

Sanay na si Trump maglakad sa karpet na gawa sa natuyong dugong dumanak sa kaniyang mga kamay. Sa bawat yabag niya, sumusunod ang anino ng kaniyang mga kaso at atrasadong paniniwala. 

Sa kabila nito, nagpapapatihulog pa rin si Marcos Jr. sa kaniyang matatamis na salita upang patunayan na walang nagbabago sa pagmamahal ng kaniyang pamilya sa Amerika.

Tila handa rin siyang isantabi at yurakan ang karapatan ng mga Pilipinong bumoses upang mapanatiling kaaya-aya ang pagtanggap sa mga dayuhang bisita. 

Tinago ng Pangulo ang mukha ng kaniyang kapalpakan sa anyo ng malawakang kahirapan. Hindi niya maatim na makita ng ibang bansa kung gaano kalayo ang sinasabi niyang estado ng Pilipinas mula sa tunay nitong kalagayan sa ilalim ng kaniyang pamunuan. 

At hindi na lang ang kahirapan ang nais niyang itago, kundi pati ang mga mata, kamay at bibig na naglalantad ng katotohanang ito.

Makapangyarihan ang pag-ibig. Nakauubos ng katinuan. At nakahahawa rin ang pagpapahinuhod na dulot nito. 

Kaliwa’t kanang pag-aresto, pananakit at pananakot ng pulisya ang sumalubong sa mga nagprotesta at nag-ulat noong unang araw pa lamang ng ASEAN Summit. Sumusunod lang daw sa utos at tawag ng tungkulin, anila. 

Dalawang estudyanteng mamamahayag mula sa Tinig ng Plaridel ang tinangkang arestuhin ng Manila Police District sa Liwasang Bonifacio habang dinodokumento ang pagdampot ng kanilang mga kawani sa isang walang malay na aktibista patungong presinto.

Ikinulong naman ng tatlong araw ang hindi bababa sa 18 peryodistang nagbabalita sa Lakbayan ng Timog Katagalugan, kasama ang higit sa 200 kalahok ng protesta. Kabilang dito ang kapuwa mga miyembro ng mga pahayagang pangkampus mula sa Philippine Collegian, UPLB Perspective, Tanglaw at The Staple. 

Mandato ba ng mga nanumpang lingkod-bayan na ibilanggo ang mga Pilipinong tumitindig para sa karapatang pantao at mga estudyanteng pawang nag-uulat lamang?

Lantarang binaliktad ng estado ang gampanin ng midya nitong nakaraang linggo sa tabing ng pagtupad sa kanilang ‘tungkulin’: ang midya na ngayon ang pinanonood at binabantayan. 

Hindi nagkamali si Trump — nagmana nga si Marcos Jr. sa kaniyang ama. Nananalaytay sa dugo nila ang mga pamana ng diktadura.

Nakabubulag nga ang pagmamahal. Kumakawala ang katwiran ng tao. Kinalimutan agad ng Pangulo ang pangako niyang proprotektahan ang mga mamamahayag laban sa anumang banta sa seguridad at paigtingin ang demokrasya. 

Handa siyang gamitin ang batas laban sa mga tagapaglantad ng katotohanang patuloy na sinasamantala ng estadong pinakamamahal niya ang bansang dapat niyang pinaglilingkuran.

Kung sabagay, matagal nang tapat ang mga administrasyong nagdaan at magpahanggang ngayon sa dayuhang interes habang ang mga Pilipino ang ginagawa nilang kalaguyo. 

Mula nang sakupin tayo, pinipilit na ng Estados Unidos na manatiling nakasandig ang ekonomiya at seguridad ng Pilipinas sa kanila. At lalo lamang hihigpit ang kapit ng US sa bansa sa oras na lagdaan nina Trump at Marcos Jr. ang kasunduan tungkol sa ipinaplanong industrial hub sa New Clark City, Capas, Tarlac ng inisyatibang Pax Silica. 

Bagaman hindi pinirmahan ang kasunduan kasabay ng pagdalaw ni Trump, hayagang sinusuportahan pa rin ng pamahalaan ang pagtatayo ng proyektong ito. 

Kaysa dinggin ang pinagmumulan ng sigaw ng mamamayan, tila mas pipiliin pa ni Marcos Jr. na pakinggan ang ingay ng mga makinaryang huhukay sa 1,600-ektaryang lupa na kakamkamin mula sa mga katutubo at magsasaka. 

Handang isangla ng Pangulo ang lupa ng sarili nitong bayan para sa ganansya ng mga dayuhan. Kahit sira-sirang kalikasan at watak-watak na pamayanan ang maging kabayaran, maisakatuparan lamang ang hiling ng mahal niyang Amerika. 

Nagwakas man ang ASEAN Summit at ang panandaliang pagbisita ni Trump sa lupaing halos ibenta na sa kaniya ni Marcos Jr., hindi magmamaliw ang pagtindig ng mga Pilipino. 

Bulagin at busalan man ang midya, hindi nito tuluyang mapapapurol ang ating panulat. 

Sapagkat habang sambit ng estado ang pag-ibig nito sa banyagang tinatangi — O Amerika na makapangyarihan, ‘pag ika’y pumasok sa bansa ninuman, hahamakin ang lahat, masunod ka lamang — lalo lamang tatalas ang ating pagmamasid.

At lalo lamang magpupunyagi ang midya upang isiwalat ang katotohanang pilit na ikinukubli ng mga makapangyarihan sa mas malawak na masa.