Pasismo ang Tunay na Halimaw

Ilang dekada man ang nakalipas mula nang ideklara ang Batas Militar, nananatiling gising sa bangungot ng korapsiyon at pamamasista ang Pilipinas ngayong nagbabalik sa Malacañang ang dugo ng yumaong diktador.

Bakas sa kasalukuyang sitwasyon ang nakababahalang pag-ulit ng kasaysayan, at matingkad itong ipinakita ng sarswelang “Halimaw” na isinulat ni Isagani R. Cruz at muli namang itinanghal ng De La Salle University Harlequin Theatre Guild (DLSU HTG) sa direskyon ni Romualdo Tejada.

Mula sa makulay na entablado, mga kasuotan at masining na pagkukuwento gamit ang musika, mistulang nabalot ng hiwaga ang Yuchengco Hall upang ipakilala ang mga manonood sa pantasya at alegorya ng “Halimaw.”

Nagsimula ang dula sa monarkiyang bersyon ng Pilipinas kung saan aligagang naghahanda sa palasyo ang 13 asawa ng “hari” para sa kaniyang kaarawan at pagdating. Subalit sa tagal ng kanilang paghihintay, unti-unting lumabas ang kinikimkim na hinanakit ng mga asawa laban sa hari.

Umawit sila tungkol sa hindi patas na pagtratong kanilang natatanggap, kabilang ang mungkahing bumalik na lamang sa demokrasya upang lahat ay mabigyan ng boses.

Sinasalamin ng panimulang eksenang ito kung paano nabubuo ang mga pag-aaklas laban sa kawalan ng hustisya at pantay-pantay na pagtingin: mula sa pagtitiis, pananawa, pagkamulat at hanggang sa pagtutol.

Bukod pa rito, hinayaan din ng tagpong maamoy ng mga manonood ang masangsang na kapabayaan ng hari na kung mismong mga esposa ay hindi kayang tugunan, ano pa kaya ang tinig ng buong taumbayan?

Mas tumingkad ang pagiging makasarili ng hari nang dumating ang dula sa tunggaliang nagpatakbo sa istorya — ang pagkawala at pagdakip sa kaniyang tatlong anak.

“Ako ang bida ng sarswelang ito,” pagpapakilala ni Alberto, isang janitor sa palasyo ng hari na sumubok hanapin ang tatlong prinsesa. Bagaman alipin na maituturing ng kaharian ang bidang si Alberto, hindi ang mga mas malaking suliranin ng kaharian sa patayan, karahasan at pagkamal ng yaman ang kaniyang tinunggali.

Ang suliranin ng dula at bida ay problema lamang ng naghaharing pamilya, at hindi ito nalalayo sa totoong danas ng maraming Pilipino ngayon. Bukod sa hindi na nga napagtutuunang-pansin, madalas na estado mismo ang ugat ng mga lasong pumapatay sa sambayanan.

Bago tuluyang maiuwi ni Alberto ang tatlong binibini, kinailangan niya munang malagpasan ang tatlong kalabang “-ismo” ng Pilipinas na isinabuhay ng iba’t ibang elemento at nilalang: si Binibining Sirena, ang tusong matrona ng mga batang naghahangad ng radikal na pagbabago; si Ginang Purista na personipikasyon ng konserbatismo; at si Ginoong Dragon, ang negosyanteng kumakatawan sa modernismo at banyagang mga kaisipan.

Itinuring na kaaway ng kaharian ang tatlong pangkat dahil kailangan umanong ituwid ang mga ideolohiyang ito. Mahusay man ang pagganap sa mga halimaw, kailangang ipulido ang ilan sa mga mensaheng nais nilang iparating.

Aktibismo, purismo, modernismo

Matagal nang ikinakahon ang mga progresibong grupo sa ideyang sila ay sunud-sunuran lamang sa isang lider o paniniwala. Ang maling konseptong ito ang tumatak sa pagganap ng drag queen na si Viñas Deluxe bilang Binibining Sirena na lumikha ng kontroladong grupo ng mga kabataan upang ipatambol ang kanyang ideolohiya. 

Nag-uumapaw sa aktibismo ang kilusan sa ilalim ni Bb. Sirena at malinaw ito sa umaalingawngaw na pag-awit ng mga salitang imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo — mga panawagang maririnig lamang sa lansangan at mga kilos protesta.

Subalit, bigla na lamang nawalan ng kahulugan ang lahat nang isiwalat ni Sirena na kumikilos lamang ang kabataan sa ilalim ng kaniyang hipnotismo.

Sa panahon kung saan labis ang pag-aantagonisa sa mga progresibong mag-aaral, nararapat lamang na tibagin ang ganitong maling pagtingin na siyang ginagamit mismo ng estado upang supilin ang mga boses ng kritisismo.

Bukod dito, taliwas din ang naratibong ito sa kasaysayan ng Pilipinas, partikular sa mga pagkilos na nagpabagsak sa diktaduryang Marcos gaya ng Diliman Commune at EDSA Revolution na iniluwal ng boluntaryong pagkamulat sa reyalidad at hindi ng kontroladong ideyalismo.

Samantala, sa bahagi naman ng purismo, lumitaw ang ilang mga konserbatibong pananaw ng mga Pilipino laban sa kaunlaran at pagbabagong dala ng panahon. Sa pagganap ni Alexis Hidalgo bilang Ginang Purista, ikinintal sa isipan ng mga manonood na ang labis na pagkapit sa mga lumang tradisyon ay maaaring maging hadlang sa pagkamit ng kaunlaran.

Kaakibat naman nito ang pag-aalinlangan sa modernismo na siyang ipinamalas nina Huse Timbungco at John Custer sa kanilang pagganap bilang ang pinakahuling halimaw na si Ginoong Dragon.

Malinaw sa strikto at mabigat na karakter ng Ginoo na hindi palaging sagot ang modernisasyon at banyagang kaisipan sa mga suliranin ng lipunan, dahil mismong ang mga produkto nito ay maaaring maging instrumento ng dahas at pagkamkam ng kapangyarihan.

Posibleng “halimaw”

Bagaman kapuri-puri ang nilatag na kritisismo ng dula sa ideyalismo, purismo at modernismo, nasapawan nito ang pagkundena sa mas malaking kaaway ng kuwento — ang kultura ng pamamasismo at paghahari-harian ng tunay na “Halimaw.”

Bilang mga aral, itinampok ng dula ang kahalagahan ng kritikal na boses sa gitna ng mga nagtutunggaliang panig. Ipinakita rin ang halaga ng pagtanaw sa nakaraan bilang gabay sa kasalukuyan at ng pagiging bukas sa mga pagbabago upang makasabay sa agos ng progreso.

Sa huli, matagumpay na nasagip ni Alberto ang tatlong Maria at mula rito ay itinanghal siyang isang bayani.

Subalit, biglang nagunaw ang panandaliang selebrasyon matapos masilaw ni Alberto sa kinang ng kapangyarihan, maluklok sa trono bilang bagong hari at magpatupad ng sarili niyang mga represibong polisiya.

Ang tunay na halimaw ng dula ay mismong si Alberto at ang mga tulad niyang nagpapasilaw sa kamay ng pasismo at tawag ng kapangyarihan. Itinuturo ng dula na sinuman ay maaaring maging isang halimaw at alipin ng kasamaan.

Nagtapos ang palabas sa pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas na siyang mas nagdikit ng usapin ng kamalayang makabayan. Ang pag-awit nito ay naghatid ng kilabot sa loob ng buong teatro at epektibo ring naging pagsusuma sa mensahe ng higit sa dalawang oras na dula: ang pagbabago ay nakasalalay sa sambayanang Pilipino at magsisimula ito sa kolektibong pagbuo ng nagkakaising prinsipyo.