Love Letter ng Isang Isko

Sa pagitan ng takipsilim at liwayway kita unang napagmasdan 

Payapa sa kaguluhan ng Commonwealth at Katipunan

Ang tapang ng kamao’y tumatagos sa kalangitan

Sa gitna ng martsa, sa tulak ng katawan

Tayo’y nagkatinginan, inaya mo ‘ko sa isawan

 

Iniilawan ng iyong ngiti ang buong mundo

Inaalalayan ako sa daan, binubuksan ang bawat pinto

Sa estranghero man o kaibigan, may pusong ginto

Ang tinig mo, kahit bulong, ay buong-buo

Sa bawat galaw at pagkilos, nahuhulog ako

 

Kalauna’y ang piring sa mata’y tinanggal at pinalitan

Ng iyong mga palad bago tayo maghabulan

Sa pagsindi mo ng aking kalamnan, mirasol ay nagsibulan 

Nagningning ang mga tala sa ating paghagkan

Kay tagal ko itong ipinagdasal kay Bathaluman

 

Kinabisado ko ang iyong mga kasulok-sulukan 

Inakyat ang pulang hagdan, sinikap habulin ang hininga

Ngunit nakalimutan mo yata akong iwanan ng silya

Hugas-kamay kang umupo, hindi mo ako makita

Nangangawit ako, pinipilit ang sarili na magkasya

 

Sa lubog na damuhan, napagtanto ang pangamba

Napagtanto ko na iba ang pagsinta sa pagsamba

Nakita kitang bukang-braso’t nakatingala

Sa ating pagsinta, may masamang binhing naitanim

Bakit pati ba naman ikaw, nakikipaglaro sa lagim?

 

Nagpipigaan tayo ng diwa, nagsasaluhan ng katas

Ang mga hiwang nahipan ay mababakas

Nakapalibot sa’king batok ang panatang iyong iniwan

Nakasabit, nakasablay, yaong kaluluwang hubo’t kadakilaan

Araw-araw ko itong napapanaginipan

Pero hindi ito panaginip, nakasakay tayo sa ikot ng buhay
Nasa isang palad ang pangarap, sa kabila ay iyong kamay

Hindi kita kinabisa upang sa isip mo’y mawalay

Huwag mong ipagkait sa akin ang iyong dangal at husay

Kahit sa takipsilim ka uuwi, ihatid mo ako sa liwayway