Tuwing bakasyon, ang inaalala lang ng mga estudyante ay kung paano papalipasin ang pagkabagot sa bahay. Ngunit para sa high school student na si Jerald, ito ay panahon kung kailan lalong kakapal ang kanyang mga kalyo.
Sa halagang P350 kada araw, isa-isang kinakatok ni Jerald ang mga bahay sa kanilang barangay bitbit ang litro-litrong tubig. Ang naturang trabaho ay nagbibigay sa kanya ng pagkakataong makatulong sa pamilya, kaya ito ang tangi niyang pinagkakaabalahan sa mga panahong malaya siya sa apat na sulok ng silid-aralan.
Ngunit nitong nagdaang bakasyon, hindi na lamang mga galon ng tubig ang bitbit ni Jerald kung hindi maging ang kanyang bag pamasok.
Isa si Jerald sa mga Grade 7 na estudyante ng Krus na Ligas High School (KNL HS) sa Quezon City na lumahok sa ikalawang taon ng National Learning Camp (NLC)—isang boluntaryong programa ng Department of Education (DepEd) na ginaganap tuwing bakasyon.
Sa “Intervention Camp” ng programa kabilang si Jerald. Sa grupong ito napapabilang ang mga estudyanteng nangangailangan ng paggabay sa Mathematics at English.
Ibinahagi ni Jerald kung saang aralin sa Mathematics siya nahihirapan. Pero sa puntong ito, bakas ang hirap niya na tukuyin ang mismong paksa. Kaya naman kamay ang naging pangunahing gamit ni Jerald nang siya’y magkwento.
“Sa Math po, yung gano’n-gano’n po,” saad niya habang gumuguhit sa hangin ng dalawang numero, isa sa taas at isa sa baba na napapagitnaan ng linya.
‘Learning loss’
Isa sa pinakamabigat na idinulot ng pandemya sa sektor ng edukasyon ay ang “learning loss.” Inilarawan ito ng World Bank bilang kawalan ng kaalaman at kakayahan ng mga estudyante dala ng matagal na pagkagambala sa kanilang pag-aaral.
Ayon sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2022, tinatayang nahuhuli ang Pilipinas nang lima hanggang anim na taon sa pagtupad sa angkop na literacy at proficiency skills ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang. Pang-anim ang bansa sa pinakamababa sa Reading at Mathematics habang pangatlo sa huli naman sa Science mula sa 81 na bansang lumahok sa naturang assessment.
Lumalabas din na siyam sa kada sampung batang Pilipinong edad sampu ang hindi marunong magbasa at umintindi ng simpleng kwento ayon sa pag-aaral ng World Bank noong 2022.
Para mas matugunan pa ang naturang “learning loss,” isinusulong naman ngayon sa Kamara ang House Resolution (HR) 1805 kung saan planong suspendihin nang walo hanggang labindalawang linggo ang susunod na regular na akademikong taon upang mabigyang pokus ang “learning recovery.”
Ngunit ang bagong programa ay nangangahulugang dagdag trabaho para sa mga guro, dagdag oras at enerhiya na ilalaan ng mga estudyante, at dagdag badyet na huhugutin mula sa bulsa ng bayan.
Sa ginawang NLC nitong Hulyo, tinatayang P200 milyon kada araw o P1.8 bilyon ang kabuuang nagastos ng gobyerno. Habang ayon naman sa 2025 proposed budget ng DepEd, aabot sa P4.8 bilyon ang gagastusin para sa implementasyon ng panibagong programang solusyon anila sa “learning loss.”
Walang naibahaging timeline ang DepEd kung hanggang kailan ang implementasyon ng isinusulong na resolusyon nang hingiin ito ni Sen. Nancy Binay sa pagdinig ng Basic Education committee sa Senado noong Set. 16.
Kaya ang tanong: Paano kung ang mga inihahaing programa ay siya pang magiging problema?
Kulang na Tulong
Sinimulang ipatupad ang NLC sa Grade 7 at 8 noong End of School Year break ng 2022-2023 sa ilalim ni Bise Presidente Sara Duterte nang siya’y nanunungkulan pa bilang DepEd secretary.
Sa ikalawang taon ng pagsasagawa ng programa, nagtagal ito nang tatlong linggo mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 19 at pinalawig ang implementasyon mula Grades 1-3 at Grades 7-10.
Binubuo ang programa ng tatlong camps na nakadisenyo para sa iba’t ibang kakayahan at pangangailangan ng bawat estudyante:
- Enhancement Camp: para sa mga mayroong “advanced proficiency” sa mga itinakdang grade-level competencies pero nangangailangan pa ng komprehensibong pag-unawa sa mga aralin.
- Consolidation Camp: para sa mga mag-aaral na “proficient” sa mga grade-level competencies at kailangan pang turuan ng “supplemental practice and application” ng mga aralin.
- Intervention Camp: para sa mga mag-aaral na kinakailangan ng gabay sa “foundational Mathematics or English skills.”
Sa nagdaang bakasyon, siyam na araw isinagawa ng mga paaralan sa bansa ang NLC. Ngunit sa maiksing panahon na ito, patong-patong na isyu agad ang lumitaw.
Ayon kay Mary Anne Mananquil, NLC Coordinator ng KNL HS, isa sa mga naging problema nila ang kakulangan sa materyales na nagtutulak sa kanilang paaralan at mga kaguruan na maglabas ng pera mula sa sariling mga bulsa.
“Ang sabi sa seminar, dapat ay one is to one [ang student module na gagamitin para sa NLC]. Pero dahil dumating siya nang hindi siya one is to one, so school na ang nag-provide [ng pondo para sa module]. School fund [ang ginamit], ‘yung iba teachers’ funds,” ani Mananquil.
Taliwas ito sa nakasaad sa DepEd Order No. 14 na hindi dapat pasanin ng mag-aaral o guro ang gastusin sa mga materyales pang-aral.
Napapansin din ni Mananquil ang pagbaba ng bilang ng mga dumadalong estudyante sa NLC. Dahil boluntaryo lamang ang paglahok sa programa, karamihan sa mga mag-aaral ay late o hindi na talaga sumusulpot sa mga sesyon.
“Kapag itatanong mo, bakit hindi pumapasok? It will all boil down [to] family problems. Minsan naman, kahit na labas ka [sa problema], dahil ikaw ‘yung teacher, gagawan mo ng paraan [para pumasok sila]. Pero may mga bagay na out-of-reach na hindi mo na kaya,” saad ni Mananquil.
Idiniin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na hindi na dapat maging boluntaryo lamang ang paglahok ng mga estudyante sa mga learning recovery program. Inilahad nila ito batay sa naging resulta ng kanilang pag-aaral sa naging implementasyon ng NLC sa nagdaang dalawang taon.
Hindi rin nakapagbigay ang DepEd ng datos ng kung sino at ilang mga estudyante ang nangangailangan ng interbensyon.
Sa kabila kasi ng Simple Literacy and Numeracy Screening Test na isinagawa bago matapos ang panuruang taon, huli nang naibibigay ng kagawaran ang resulta nito sa mga paaralan.
Dahil dito, ang mga guro na lamang ng KNL HS ang tumutukoy kung sino-sino ang mga estudyanteng dapat lumahok sa programa.
Maliban sa NLC, mayroon pang mga programang nakatuon sa learning recovery ngunit hindi pa naipapatupad sa lahat ng paaralan sa bansa, gaya ng National Reading Program, National Mathematics Program, at National Science and Technology Program.
Patak-patak na solusyon
Sa kabila ng mga programa ng DepEd upang matugunan ang problema sa pagbabasa, patuloy pa ring pumapalpak ang programa dahil ito ay mga “stopgap” measures lamang, ayon kay Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas.
“These [interventions] are made to cure the emerging disease of the system. Ang problema is not to cure the emerging disease of the DepEd but to prevent it from occurring,” diin ni Basas.
Bago pa man ang “learning loss” na idinulot ng COVID-19, mababa na sa minimum level ang proficiency ng mga edad 15 na nasa ikapitong baitang sa Reading, Science at Mathematics.
Nasa pinakamababang puwesto sa Reading Comprehension at pumapangalawa naman sa pinaka-kulelat sa Science at Mathematics ang Pilipinas sa 79 na bansang lumahok sa PISA noong 2018.
Kinumpirma ng 2018 PISA ang datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) kung saan 10% lamang ng mga estudyanteng Pilipino na nasa ikalimang baitang ang may sapat na kakayahan sa pagbabasa bago tumuntong ng high school.
“Ang problema natin ay hindi lang talaga pandemic. We had PISA result in 2018, that’s pre-pandemic and 2022, the post-pandemic, pero pareho ‘yung result,” saad ni Basas.
Naging daan naman ang naging resulta ng 2018 PISA upang ilunsad ng kagawaran ang “Sulong EduKalidad” na hangad tutukan ang paglago ng kalidad ng edukasyon sa bansa.
Layon ng programang pag-aralan ang K-12 curriculum, pagbutihin ang learning environment, paigtingin ang kakayahan ng mga guro, at pagsama-samahin ang iba’t ibang sektor para suportahan ang pag-aaral ng mga estudyanteng Pilipino.
Ngunit hindi rin ito lubos na naipatupad dulot ng pandemya na pansamantalang nagpahinto sa face-to-face classes.
Sa kasalukuyan, naglunsad ang DepEd ng kaliwa’t kanang inisyatiba tulad ng NLRP, NLC at Catch-up Fridays na nakaangkla sa bagong MATATAG Curriculum.
Layunin ng naturang curriculum na bawasan ang mga asignatura ng mga estudyante at mas pagtuunan ng pansin ang foundational skills gaya ng literacy at numeracy skills.
Subalit ayon kay Basas, walang pinagkaiba ang naidudulot ng MATATAG sa pinalitan nitong K-12 curriculum.
“Ang ipinagmamalaki rito ng DepEd ay na-reduce at na-decongest ‘yung curriculum pero ‘pag titignan natin, ang tinanggal lang naman talaga rito ay Mother Tongue,” saad niya.
Ang mother tongue ay tumutukoy sa unang wikang natutuhan ng isang tao.
Itinuturo ito bilang isang asignatura sa K-12 curriculum ngunit tinanggal na ito sa MATATAG at ginagamit na lamang bilang midyum sa pagtuturo.
Sistematikong problema
Para naman kay Dra. Portia Padilla, propesor sa University of the Philippines (UP) College of Education, “band-aid solution” lamang ang ang pag-antala ng pagsisimula ng susunod na regular na akademikong taon para sa reading at math programs na isinusulong ng HR 1085.
“The literacy problem in our country is systemic. I think it can be linked to two things: low regard for both literacy, particularly, reading, and low regard for education,” sabi ni Padilla.
Dagdag niya, walang “reading culture” ang Pilipinas. Bagaman nakamandato sa batas na dapat magtayo ng mga silid-aklatan at barangay reading center ang lokal na pamahalaan, hindi pa rin ito gaanong nasusunod.
Sa panahon kung saan mabilis ang pagkalat ng mis- at disimpormasyon, idiniin ni Padilla na higit na kinakailangan ang pagbabasa. Aniya, ito ang makatutulong para mahubog ang kaisipan ng mga Pilipino.
Inihayag din niya na hindi mataas ang pagtingin sa propesyon ng pagtuturo sa bansa. Dulot nito, nababawasan ang mga pumipili sa naturang trabaho at mas lumalala ang kakulangan sa mga gurong gagabay sa kabataan.
“When you have teachers having low salary but heavy workload, it does not send a very good signal to the young people and also to the other people in the community,” ani Padilla.
TINGNAN: Kumusta nga ba ang sahod ng mga guro?
Matagal nang sinasagupa ng mga estudyante’t guro ang higanteng krisis sa edukasyon. Ang tanging hiling lamang nila ay mabigyan ng sandata—isang nakatuon sa tunay na problema at may maayos na implementasyon.
Subalit hanggang sa ngayon, ang kagawaran ng edukasyon ay paulit-ulit na naghahain ng mga solusyong hilaw at pantapal lamang. Kung magpapatuloy ito, hindi lang basta lalakas ang kalaban, kun’di lalalim din ang sugat na tinatamo ng bayan.