Hindi pa man tuluyang nagsasara ang main library ng University of the Philippines Diliman para sa gagawing renobasyon ay umaaray na ang mga manininda sa paligid ng nasabing gusali.
Apektado ng gagawing renobasyon ang kanilang kabuhayan, sapagkat kaalinsabay ng pansamantalang pagsasara ng main library ay ang pagbawas rin ng mga taong pumupunta rito na maaaring magdulot ng pagkalugi sa kabuhayan ng mga manininda sa paligid nito.
Ayon kay Tintin, isa sa mga manininda sa paligid ng main library, mula sa dati niyang kita sa isang araw na umaabot ng P2,000 hanggang P3,000, ay kulang-kulang P1,000 na lamang ang kanyang kinikita kada araw hindi pa man tuluyang nagsasara ang gusali.
“Kaya nga po kami ngayon, magpupull out na talaga […] Hindi na [kami] dito sa UP [magtitinda]. Nag survey kasi ang amo ko, mahina na talaga [ang kita],” aniya.
Ganito rin ang dinaranas ng mga kasama ni Tintin na manininda sa paligid ng main library. Ayon kay Marivic na dalawang taon nang nagtitinda sa Diliman Brew, humina rin ang kanyang kabuhayan simula nang isaayos ang gusali.
“Simula noong nag-renovate, humina na ‘yong pwesto namin. Dati kami malakas [ang kita] eh, alas otso [pa lang] nakabebenta na kami,” ani Marivic.
Ayon naman sa pangulo ng Samahan ng mga Manininda sa UP Campus (SMUPC) na si Narry Hernandez, naabisuhan na sila ni Vice Chancellor for Planning and Development Dr. Raquel B. Florendo sa posibleng magiging epekto ng pagsasara ng library sa kanilang kabuhayan.
Nabanggit ni Hernandez na inalok sila ng pamunuan ng unibersidad na lumipat sa ginagawang food hub malapit sa College of Fine Arts sa oras na maapektuhan sila ng renobasyon ng gusali.
Ayon sa isang balita ukol dito, ang naturang food hub ay naglalayong gawing sentralisado ang lokasyon ng mga manininda at iba pang mga serbisyong naapektuhan ng nangyaring sunog sa Shopping Center (SC) noong nakaraang taon.
Ngunit, iginiit ni Hernandez na hindi sila papayag sa alok na ito dahil magiging malaking dagok ito sa kanilang kabuhayan.
“If I were the student, kunwari ikaw nandito subjects mo, do you think pupunta ka pa doon [sa food hub] para kumain,” ika niya.
Nilinaw rin ni Hernandez na hindi sila pinupwersa na lumipat ng pwesto dahil sa renobasyon ng gusali.
Maparaang gampanin ng mga mag-aaral
Lubos na makaaapekto ang renobasyon ng main library para sa mag-aaral ng Civil Engineering na si Carlos dela Cruz. Para sa kanya, ang main library ang pinakamainam na lugar para mag-aral bukod sa iba pang serbisyong hatid nito. Sa napipintong pagsasara ng gusali ay magiging mahirap para sa kanya na humanap ng lugar na pwede niyang pag-aralan hanggang madaling-araw.
“Ilan lang dito ‘yung 24 oras na bukas, ‘yung CS lib, Melchor. Kapag pumunta ka doon, marami nang tao. Kapag nagsara itong main library, mapipilitan kaming mga students na maghanap pa ng iba. Siguro mapipilitan kaming mag-coffee shop kaso cost din sa amin iyon,” ani niya.
Sa pagsasara ng gusali, umaasa si dela Cruz na ang pansamantalang paglilipatan ng main library ay kaya pa ring tumugon sa mga pangangailangan ng mga katulad niyang laging gumagamit nito.
Para naman sa mag-aaral ng Elementary Education na si Mieko Zabala, bagamat mayroong silid-aklatan sa Kolehiyo ng Edukasyon ay pinipili pa rin niya ang main library upang mag-aral at magsaliksik.
“Dito kasi for me ‘yong pinaka-comfortable mag-aral, sa iba kasing library minsan maraming tao. Dito rin mas marami akong pwedeng gamiting sources sa mga requirements ko,” ani niya.
Kung sakaling magiging malayo para kay Zabala ang paglilipatan ng main library ay mapipilitan na lamang siyang maghanap ng iba pang lugar na pwede niyang pag-aralan na malapit sa gusali ng kanyang kolehiyo.
Sakripisyo mula sa mga empleyado
Sakripisyo naman para sa mga empleyado ng main library ang gagawing renobasyon.
Para kay Rhoel E. Rondilla, puno ng Filipiniana section ng main library, ang pagkakaroon ng hiwa-hiwalay na mga opisina ng mga nagtatrabaho sa main library ay isang malaking pagbabago na kanilang kahaharapin. Magiging mas mahirap ito para sa tulad niyang empleyado dahil maiiba ang daloy ng kanilang trabaho.
Hatid din ng nagbabadyang renobasyon ang limitasyon ng kanilang magiging serbisyo sa mga mag-aaral dahil sa kakulangan ng espasyo ng gusaling kanilang pansamantalang paglilipatan.
Sa kasalukuyan, ang Information Services and Instruction Section (ISAIS), Filipiniana Section, Social Sciences and Philosophy Section, at ang Foreign Serials ay pansamantalang mapupunta sa Kolehiyo ng Arkitektura. Ang isa pang kumpirmadong lokasyon ng paglilipatan ng iba pang mga seksyon ay ang lumang gusali ng Chemical Engineering Laboratory sa Melchor Hall.
Ayon kay Rondilla, nasasabik naman siya para sa pagbubukas ng bagong gawang main library sa taong 2022 kung saan ipagdiriwang nito ang ika-100 taon pagkakatatag.
Renobasyon para sa kaligtasan at modernisasyon
Ayon kay University Librarian Prof. Chito Angeles, pangunahing layunin ng renobasyon ng main library ang modernisasyon at kaligtasan ng gusali.
Ika niya, magmula nang matupok ng sunog ang SC noong nakaraang taon, nangunguna na ang main library sa listahan ng mga pinaka fire-prone na gusali sa buong unibersidad.
Bilang tugon dito, lalagyan ng gas-based fire suppressant system ang itatayong gusali mula sa dating water sprinkler system. Ang nasabing paggamit ng gas-based fire suppressants, ayon kay Angeles, ay nararapat lamang na gamitin lalo na sa mga gusaling kagaya ng main library na tahanan ng mga sensitibo at mahahalagang dokumento na hindi maaaring mabasa ng tubig.
Napansin din ng administrasyon na hindi na angkop ang mga pasilidad ng kasalukuyang main library sa paraan ng pag aaral ng mga mag-aaral. Aniya, isusulong ng bagong library ang collaborative learning style na makatutulong sa paraan ng pag-aaral ng mga estudyante. Nais ng administrasyon na magkaroon ng mga modernong pasilidad ang main library tulad ng mga discussion rooms, creative studios at mga modernong teknolohiya na hindi lamang para sa mga estudyante kundi pati na rin sa mga guro.
Dagdag niya, maaasahan sa bagong main library ang pagkakaroon ng mga multi-purpose hall na magiging paraan upang magamit nang husto at matiwasay ang lahat ng mga espasyo sa na kadalasa’y hindi mabisang nagagamit noong mga nakaraang taon.
Bukod sa mga nabanggit, plano rin ng administrasyon na lagyan ng kainan ang itaas na palapag na gusali.
Karagdagang ulat mula kay Alison Caitlin A. Cruz
Correction: Rhoel E. Rondilla* is the correct name of the head of the Filipiniana section and not as published. We apologize for this oversight.
Correction: Prof Chito N. Angeles is the University* Librarian and not as published. We apologize for this oversight.