Sa pagawaan ng paglaban

Hindi lahat ng likhang-sining ay naglalayong ipagbili at manatili. May mga obrang nakasandig ang halaga sa kakayahan nitong maging sisidlan ng sama-samang paninigil at pananawagan ng masa.

Sa paggawa ng mga effigies, batid ng mga manlilikha nito na pagkawasak ang kahahantungan ng kanilang pinagpaguran sa loob ng halos isang buwan bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Ngunit hindi kabalintunaan para sa kanila ang pagkasira ng kanilang likha — ito ang katuparan ng layunin nito.

Ngayong #SONA2026, binigyang-anyo ng “Papet at Papet Master” ang pagtutol ng masa sa mga isyung dulot ng lumalawak na impluwensya ng Estados Unidos sa ekonomiya, politika at militar ng Pilipinas.

May mga obrang nililikha upang manatili — nakakulong sa mga hangganan ng kuwadro o nakasabit sa mga dingding ng tahanan at museo.

Ngunit may mga piyesa ring binubuo upang wasakin.

Tuwing protesta, sa pagsunog o pagwasak nakakamit ng mga ipinaparadang effigy ang sukdulan ng kanilang kahulugan.

Sa kaniyang matingkad na kulay, dambuhalang hugis at mapanghamong tindig, binibigyang-mukha ng mga effigy ang galit ng sambayanan. Inilalantad nito ang mga puwersa at sistemang nag-uugat ng pang-aapi’t paghihirap sa lipunan.

Ngunit bago nito tanganin ang hinaing ng sambayanan, halos apat na linggo muna itong hinuhubog ng sama-samang pagod, talino at talento ng mga artista ng bayan.
Hindi nagmumula sa personal na kagustuhan ng mga artista ang konsepto ng effigy.

Bunga ang disenyo nito ng kolektibong pagsusuri at mga panawagan ng iba’t ibang sektor.

“Dito lang nagkakaroon ng pagkakataon ‘yong mamamayan na makaganti doon sa naghaharing sistema na nang-api sa kanila daang taon na nakalipas,” ani Tambisan sa Sining campaign officer Glenn Gonzales.

Mula sa pagsasalin ng konsepto tungo sa dibuho at mismong paglikha ng effigy, kapuwa nila ginagamit ang sining bilang bahagi ng gawaing pangkultura at paglilingkod sa bayan.
Pinangunahan nina Gonzales at Tambisan sa Sining secretary-general Jaime Calma ang pagbuo ng obra.

Katuwang nila ang First Quarter Storm Movement, isang kolektibo ng mga artistang bihasa sa iba’t ibang anyo ng sining.

Inihalintulad ni Calma ang produksyon sa isang pabrika: nahahati ang proseso sa iba’t ibang bahagi at hindi matatapos ang kabuuan nang hindi umuusad ang isa.

Humigit-kumulang 10 hanggang 15 katao ang nagtutulungan sa paghuhulma, pagma-mache, pagkakarpintero at pagpipintura.

Bagaman likas na indibidwal ang kasanayan sa sining, mapag-isa ang mga kasanayan sa paggawa ng sining.

Binibigyang-diin nina Gonzales at Calma na ang pagbuo ng effigy ay isang kolektibong lakas na naglalayong linangin ang kaalaman at kakayahan ng kanilang mga kasama.

Para kay Jan, miyembro ng Tambisan sa Sining – Diliman, nagiging pagkakataon ang paggawa ng effigy upang matuto ng mga kasanayang wala sa kaniyang kurikulum. Isang “organic learning” kasama ang iba pang artista.
Gawa sa mga lumang papel, poster, magasin at tambak na kahoy ang kanilang mga binubuhay na obra.

Para kay Gonzales , hindi dapat higitan ng gastos sa paggawa ng effigy ang halaga ng mga pangunahing pangangailangan ng mga maralita.

“Halos katumbas na rin [iyon] ng pagpapagawa ng bahay,” aniya tungkol sa paggamit ng malalaking kahoy. Kaya pinipili nilang bumuo gamit ang mga materyales na maaari pang mapakinabangan.

Para sa ilang mga volunteer, kaugnay ng bawat papel na kanilang idinidikit at kulay na ipinipinta ang mga talakayang higit na nagbibigay-lalim sa mga usaping politikal at isyung panlipunan.

Inuugnay ng mga manlilikha ang disenyo sa lumalawak na impluwensiya ng Estados Unidos sa ekonomiya, politika at militar ng Pilipinas.

Kabilang sa mga usaping binatikos ng mga artista ay ang Pax Silica, isang industrial hub na ibinida ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) bilang hakbang tungo sa paglikha ng mga trabaho, pagpapalakas ng industriya at pagpapaunlad ng ekonomiya.

“Mahigpit nating tinututulan ‘yong economic partnership ng Pilipinas sa US [at]

‘yong Pax Silica dahil malinaw na ibinuyangyang ng tutang Marcos Jr. ‘yong malawak na lupain o libu-libong ektarya ng produktibong lupain sa imperyalistang pandarambong,” ani Calma.

Inilalarawan ng effigy ngayong SONA ng bayan si Donald Trump bilang puppet master na kumokontrol kay Marcos, habang ang uring manggagawa at magsasaka ang ginagamit na bala sa imperyalistang pandarambong.

Sa bisperas ng SONA, nanatiling gising ang pagawaan.

Muling binisita ng mga manlilikha ang bawat kulay, hugis at dugtungan ng effigy.

Pagsapit ng madaling-araw, ang dating putik, lumang papel, kahoy at pintura ay ganap nang nagkaroon ng katawan.

Matapos ang ilang linggong paghuhulma, nilisan na ng obra ang espasyong pinagsilangan nito upang dalhin sa lansangan ang mga panawagang kaniyang bitbit.

Sa pagitan ng salita at pagkilos, nagiging daluyan ng pag-unawa ang sining.

“Ang malinaw na gusto nating politikang [isyung] patambulin sa pamamagitan ng maka-sining na pamamaraan ay siyempre ‘yong pag-e-expose doon sa imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo,” ani Calma.

Batid ng mga manlilikha na nakatakdang wasakin ang effigy bago pa man nila ito paglaanan ng oras at pagod.

Ngunit para sa kanila, hindi matitibag ng pagwalat ang kabuluhan ng mga araw at linggong binuhos sa pagbuo nito.

“Parte talaga ng proseso ‘yong pagsira nito,” ani Joaquin mula sa Tambisan sa Sining.

“Cathartic na ‘yong pakiramdam tuwing sinusunog ’yong mga ganitong effigy,” dagdag ng kasamang si Cloud. “Sa paraan ng pagsusunog ng effigy ay temporarily nilalabas ang galit natin na deka-dekada na natin binobote.”

Isinilang man ang mga obrang ito upang maglaho, hindi sa kanilang pisikal na anyo nagtatapos ang buhay nila kundi sa mga panawagang naipararating at pagkilos na patuloy nilang pinalalakas.

“Hindi masiyado sa’yo magma-matter ‘yung longevity ng isang artwork o ‘yung permanence niya,” ani Calma bilang paniniwala na ang lahat ay temporal at kasama ang mapang-aping sistema basta magsasama-sama ang masa.

“Kasabay ng pagbago ng lipunan, binabago natin yung kultura,” dagdag nito.

“Sa bawat pitik ng camera, bidyo na kumukuha, [at] bawat mensahe na sinusulat sa mga sa mga artikulo, doon tunay na nabubuhay ang mensahe,” ani Jan.

“Naging abo man ang effigy ang panawagang binigyan nito ng mukha ay maaari pa ring maglakbay lampas sa lansangan.”