Nanawagan ang mga propesor ng Department of Community Development (DCD) sa UP Diliman na paigtingin ang mga hakbang laban sa lumalalang kaso ng red-tagging at pangha-harass sa mga estudyante sa ilalim ng kanilang Field Instruction Program (FIP).
Matapos ang pagpupulong kasama ang All UP Academic Employees Union noong Abril 14, ibinahagi ng unyon ang “pananahimik” ng unibersidad sa karanasan ng mga estudyanteng naka-deploy sa mga lugar na “mainit ang mata ng mga puwersa ng estado”.
Sa curriculum ng CD, kinakailangang sumailalim ang mga fourth-year student sa FIP upang makipamuhay sa mga maralitang lungsod at komunidad sa kanayunan upang tumulong at magsaliksik.
Ngunit ayon kay Asst. Prof. Rielle Castro, labis agad na inuusisa ng mga barangay official ang bawat miyembro ng kanilang mga FIP team mula pa lamang sa courtesy call ng DCD-FIP sa local government unit (LGU). Ito’y sa kabila ng kumpleto nilang mga dokumento na nagpapatibay ng ugnayan nila sa mga non-government organizations at community organizers.
“To really show na well-documented kami, we’re showing courtesy na part talaga ng academic requirements ng kurso ‘yong gagawin natin,” paliwanag ni Castro.
Binigyang-diin naman ni Asst. Prof. Zoe Obedicen na hindi kinakailangan ng permiso ng LGU o law enforcement agencies dahil pang-akademikong karapatan ng unibersidad ang pagsasagawa ng field activities.
“Wala silang immediate authority para pigilan ang mga indibidwal na pumasok sa kanilang barangay provided na wala namang ginagawang krimen,” ani Obedicen.
Naranasan mismo ni Asiana Castañeda, isang fourth-year CD student, ang mariing pagsususpetya ng mga lokal na opisyal matapos mag-courtesy call sa isang barangay sa Metro Manila noong Pebrero.
“Siguraduhin daw namin na hindi namin sila hihikayatin mag-rally, ganiyan, kasi once daw na nalaman niya [barangay captain] ‘yon, paaalisin niya kami agad sa community,” ani Castañeda. “‘Yong mga remarks din niya, parang lagi niyang kinakabit na taga-UP [kasi] kami.”
Ibinahagi naman ni DCD-FIP Coordinator Assoc. Prof. Redento Recio ang isa pang kaso ng intimidasyon sa isang FIP team matapos itong paligiran ng mga militar sa gitna ng fieldwork noong Setyembre 2025.
“There were insinuations na isama sila sa kampo. Even if pinresent nila ‘yong coordination letter [and] leaders of our partner people’s organizations were vouching for them — dini-disregard nila ‘yon. They refuse to recognize legitimate academic programs,” bahagi ni Recio.
Kapag agaran ang banta sa kaligtasan ng mga estudyante gaya nito, mandato ng departamento ang madaliang pag-aalis ng mga mag-aaral sa komunidad.
Kakulangan ng ‘sense of urgency’ ng UP admin
Tinukoy ni Recio na hindi bababa sa tatlong kaso ang mga report na naibahagi sa mga pagpupulong ng kanilang komite noong nagdaang semestre.
Para sa mga malalang kaso ng harassment, bumubuo ang komite ng FIP ng incident report na ipinadadala sa Office of Field Activities (OFA) Diliman na siyang magsusumite nito sa UP Diliman Committee on the Protection of Academic Freedom and Human Rights (CPAFHR).
Subalit, sinabi ni Recio na kadalasang mabagal ang usad ng prosesong ito.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nalulutas ng CPAFHR ang isang incident report na isinumite ng CD faculty ukol sa pananakot ng militar sa isang DCD-FIP team mahigit isang taon na ang nakalipas.
Ayon sa OFA Diliman, nagpaabot ng counselling ang Office of the Vice Chancellor for Student Affairs sa mga estudyanteng apektado ng military harassment case na inireklamo ng CD faculty.
Sa pagpupulong nila noong Oktubre 2025, napag-usapan na tatalakayin pa umano ng CPAFHR ang insidente upang matukoy ang mga susunod na tatahaking aksyon ng unibersidad at maglalabas ng opisyal na pahayag ukol sa insidente.
Sinubukang hingan ng Tinig ng Plaridel ng pahayag ang mismong komite, ngunit wala pa itong tugon sa kasalukuyan.
Ang natatanging pahayag ng CPAFHR noong Abril 29 ay ang pagkundena sa pangkalahatang mga ulat na kanilang natatanggap ukol sa mga estudyanteng nakararanas ng red-tagging, harassment at intimidasyon ng estado habang nasa fieldwork.
Iginiit ni Recio ang responsibilidad ng UP sa pagtugon sa mga kasong ito, maging sa iba pang kursong nangangailangang lumubog sa iba’t ibang mga komunidad.
“‘Yong emotional and mental distress and impact sa kanila, hindi ‘yon agad-agad mawawala. And that also gets in the way of their learning,” ani Recio.
Ayon sa Facebook post ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Community Affairs, may walong hakbang ang protocol ng CPAFHR kapag may insidente ng paglabag sa karapatang pang-akademiko. Pang-anim dito ang pre-crisis action plan preparation na umaalalay sa mga biktima sa mga legal na aksyon at pakikipagpulong sa mga kaugnay na ahensya.
Bahagi rin ng protocol ang pagbibigay ng status update sa chancellor upang mapagdesisyunan ang mga susunod na tatahaking aksyon.
Para naman kay Castañeda, hindi lamang nito maaapektuhan ang mga mag-aaral kun’di pati ang mismong komunidad.
“Kahit sabihin mong umalis na kami doon, ‘yong iiwanan naming community, sila ‘yong sasalo ng bigat ng ganoong mga threats,” ani Castañeda.
Gayunman, hiling ni Recio ang agarang pagtugon ng UP sa mga karanasang ito. “Mahalaga na mayroong mabilis na aksyon. I think UP needs to really sustain the institutional push back against red tagging, whether it’s through legal cases or sustained public statements.”
“‘Yon ang isang magpapakita that we uphold academic freedom and human rights within and outside UP campuses,” aniya.
MULA SA PATNUGOT: Ang orihinal na bersyon ng artikulong ito ay isinumite bilang bahagi ng kursong The Newsroom (J 121) sa ilalim ni Senior Lecturer Ma. Theresa Martelino-Reyes.
