Saanman halos lumingon, naroon ang pangalang Quezon kaya’t pamilyar ang marami rito. Higit sa pagiging pangalan ng lungsod at lalawigan, nakatatak ito sa ating dalawampung pisong perang papel, nakaukit sa mga bantayog at mga gusali, at nababasa sa mga aklat. Maging sa mga karaniwang lansangan at mga espasyong pampubliko, ang pangalang ito ay naging bahagi na ng kamalayan ng mga Pilipino.
Hindi na kailangang maging historyador upang maunawaan ang katanyagan ng apelyidong Quezon at ang pangulong nagdala nito.
Kaakibat ng pag-alala sa apelyidong ito ang kaaya-ayang pagtingin ng publiko kay dating Pangulong Manuel Luis Quezon. Ang halos siyam na taong niyang panunungkulan ay inaalala bilang panahon ng kaunlaran sa iba’t ibang aspetong panlipunan liban sa pagsiklab ng digmaan.
Tinatamasa pa rin ng taumbayan ang mga ambag ni Quezon hanggang ngayon. Sapat ang mga itinaguyod niya para tratuhin siya nang mabuti ng kasaysayan — sa puntong napagtatakpan na ang kaniyang naging mga kuwestiyonableng kalakaran.
Higit isang buwan ang lumipas mula nang ipalabas ang pelikulang Quezon sa mga sinehan, ginunita rin noong Nobyembre 15 ang ika-90 anibersaryo ng panunumpa ni Quezon bilang unang pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas.
Mula sa direksyon ni Jerrold Tarog, pinapakilala ng pelikulang Quezon ang dating pangulo mula sa alternatibong pagtingin. Dinadalumat ng dalawa’t kalahating oras ang pagkatao ni Quezon batay sa kaniyang mga nakasama at nakatunggali sa pulitika.
Bunsod ng pagtingin ng pelikula sa iba’t ibang mukha ni Quezon, umani ito ng mga pagpuna mula sa mga kamag-anak ng dating pangulo. Anila, ang pagpapakilala sa Quezon bilang pelikulang historikal kahit may pagtrato itong satirikal sa mga tauhan ay naging dahilan upang magbago ang pananaw ng nakararami sa dating pangulo.
QUEZON V. HERNANDO: KATAPATAN
Kontrobersyal ang pagtingin ng pelikula sa likod ng belo ng katapatang iniharap ni Quezon sa taumbayan. Nakatago roon ang isang mabangis na hayop na handang sumunggab sa bawat oportunidad, kahit pa sa kapinsalaan ng pagkakaibigan.
Muling itinampok sa pelikula si Joven Hernando, ang mamamahayag na nakasalamuha ang bawat bayaning ibinida ng serye — Heneral Luna, Goyo saka Quezon. Isang paalala ang pagkatampok niya na bagaman nakaangkla ang pelikula sa mga tala ng kasaysayan, inihahayag pa rin ito sa malikhaing sining biswal.
Sa Quezon, ang pinamumunuang pahayagan ni Hernando na Alerta ang siyang simbolo ng kaniyang katapatan at tagumpay bilang mamamahayag. Ang dating saksi ay naging kabahagi na ng kasaysayan dulot ng pakikipagkaibigan niya kay Manuel Quezon.
Matatag ang pagkakaibigan ng dalawa sa simula bunga ng ilang taong pagsasama sa magkasanggang mundo ng pulitika’t peryodismo.
Binibigyang buhay ngayon ni Hernando sa Quezon ang kabayanihan at mga kapintasan ni Quezon bilang pulitiko — bagay na ikinadismaya ng dating pangulo at nagpalabnaw sa kanilang pagkakaibigan.
Dismayado man din si Hernando sa pagpapabangong ginagawa ni Quezon, alam niyang kabilang siya sa mga nagbigay-daan para dito. Pinalawig ng mga maiikling pelikulang likha ng kaniyang anak na si Nadia ang imahe ni Quezon bilang marangal na pulitikong nagtaguyod ng kasarinlan. Ito ang tumatak na karakter ni Quezon sa publiko hanggang sa kasalukuyan.
Kung marunong tumingin si Quezon ng kakaibiganin at marunong manatili si Hernando kapalit ng gantimpala, marapat pa nga bang tawaging “pagkakaibigan” ang kanilang ilang dekadang samahan, o mas angkop bang kilalanin ito bilang “paggagamitan”?
Sa paglipas ng panahon at pag-angat nila sa kani-kanilang larangan, ang tawag ng tungkulin at ambisyon ang nagmantsa sa dalisay nilang pagkakaibigan. Binaling nila ang katapatan sa kung anong mas pinapahalagahan.
Si Hernando sa tungkulin, si Quezon sa ambisyon.
QUEZON V. OSMEÑA: KOMPROMISO
Dulot ng pagkiling sa naturang ambisyon, tila kuwitis kung ituring ang pag-angat ni Quezon sa rurok ng pulitika. At katulad ng kuwitis, hindi ito magpapapigil sa pag-angat pagkatapos itong masindihan ng matinding ganid.
Malinaw ito para kay Sergio Osmeña. Batid niyang mas matindi ang kagustuhan ni Quezon sa kapangyarihan at mas malawak ang kaniyang impluwensiya bilang tagapangulo ng senado. Alam din niyang siya ay kabahagi ng isang magarbo ngunit magulong kompromiso. Kung may darating man para kay Quezon ay agad niya itong iilagan.
Bunsod nito, nabalot ng kumplikasyon ang tambalang Quezon-Osmeña. Magkaalyado kapag may pakinabang, magkaaway kapag may oportunidad.
Mula sa pag-angat, pagtamasa at pagkawala niya sa tugatog ng kapangyarihan, tinuon ni Quezon ang iba’t ibang uri ng kompromiso palayo sa sarili at patungo sa kanyang “mi querido” — matalik na kaibigan. Bilang resulta, urong-sulong ang karera ni Osmeña dahil sa paharang-harang na impluwensiya ni Quezon sa kaniya. Sa bawat tagumpay, may nakaambang sagot ang tusong pulitiko.
Nariyan ang pag-endorso kay Manuel Roxas bilang kapalit niyang tagapagsalita ng kongreso, pagbalewala ng naipasang Hare-Hawes-Cutting Act ng OsRox Mission pabor sa isinulong niyang Tydings-McDuffie Act, at pag-alok sa kaniyang isantabi ang ambisyong maging pangulo nang anim na taon upang maging bise.
Kahit pa humalili si Osmeña sa pagkapangulo nang pumanaw si Quezon, halos dalawang taon lang din siyang nanungkulan bago matalo sa dati ring kaalyadong si Roxas. Tila mailap sa kaniya ang tadhanang umayon naman sa kaniyang hinalinhan. Isang babala na ang sobra-sobrang kompromiso ay magbubunga sa sira-sirang pangarap.
QUEZON V. WOOD: KAPALARAN
Kung matagumpay mang nalagpasan ni Quezon ang hamon ng katapatan at kompromiso, ibang animal ang nakadaupang-palad niya sa katauhan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood. Tuso sa tuso, tipikal na politikong Amerikano.
Walang panama ang matayog niyang ambisyon sa taglay na pamamayani ng mga kano. Ang tuloy-tuloy na pag-angat ni Quezon mula gobernador hanggang pangulo ay naantala sa panunungkulan ni Wood.
Sa paglibot ni Wood sa bansa, napagtanto niyang masyado pang maaga para ipagkaloob sa mga Pilipino ang kalayaan dahil sa laganap aniyang “kamangmangan at kahirapan sa lugar.”
Para kay Quezon, balakid ang ibig sabihin nito. Tatagal pa ang pagtupad sa kaniyang mga hangarin. Sa pagpupumilit ni Quezon, lalo lamang humigpit ang kapit ni Wood sa liderato.
Binantaan, siniraan, nilasing at pinilit — anumang pagtatangka ay nauwi lamang sa kahihiyan. Dagdag pa na hawak ni Wood ang ebidensiya ukol sa unang kasal at anak ng dating pangulo.
Sa pambihirang pagkakataon, napilitang huminto si Quezon. Sapagkat alam niyang papunta pa lang siya, pabalik na ang mga kano. Sila pa rin ang mananakop, Pilipino pa rin ang nasasakupan.
Subalit mukhang may pagkiling ang tadhana sa dating pangulo. Isang kabalintunaan. Kung kailan siya naghinay-hinay, doon naman dumating ang tiyempong kaniyang hinihintay. Ang pagpanaw ni Wood taong 1927 ay nagpabilis sa pag-usbong ni Quezon tungo sa rurok ng kaniyang mithiin.
Magaling nang lumaro, dinapuan pa ng suwerte. Sa pagpanaw ni Wood, nailatag na ni Quezon ang aspaltong magsisilbing lakaran tungo sa inaasam niyang kapangyarihan — ang pagkapangulo.
QUEZON V. AGUINALDO: ISANG SALITA
Naging malubak at paliko-liko ang pinagdaanan niyang pangangampanya, pahiwatig na ito rin ang lupaing pamamahalaan niya sa oras na mahalal.
Bago pa ang bangayang Marcos-Duterte o Aquino-Marcos, matagal nang pinaghaharian ng propaganda at makinarya ang pulitika sa Pilipinas. Malinaw itong ipinamalas nina Emilio Aguinaldo at Quezon sa halalan noong 1935.
Ang hinahangaan noon, maaaring tutulan ngayon. Ang kakampi noon, maaaring kalabanin na ngayon. Bahagi na iyan ng kalakarang pampulitika.
Kasama ni Joven Hernando, tampok muli sa ikatlong pagkakataon sa serye ang karakter ni Aguinaldo. Taliwas sa matikas at mapanlinlang na paglalarawan sa kaniya sa nakaraang mga pelikula, sa Quezon, tumanda na siya at mapayapang namumuhay malayo sa girian ng mga naghahangad maupo sa Malacañang.
Pero ilang dekada man ang lumipas, nakaukit na sa kasaysayan ang mga desisyon niyang nakapahamak ng buhay. Umusbong ang mga debateng ang mga tauhan ni Aguinaldo diumano ang pumaslang sa mga rebolusyonaryong sina Andres Bonifacio at Antonio Luna. Bunsod nito’y mabilisang nawalan ng amor ang masa kay Aguinaldo.
Tumindi ang girian ng dalawa. Umabot pa sa puntong ipinasara ni Quezon ang hacienda ni Aguinaldo at binawi pa ang buwanang pensiyon niya bilang isang beterano. Pumait ang matatamis na papuring inihayag ni Quezon sa heneral sa harap ng mga Amerikano noon.
Sa isang iglap, nabalewala ang isang salita.
Nagtapos ang pelikula sa pag-upo ni Quezon bilang pangulo. Naiwang nag-aabang ang taumbayang umasa sa mga pangako’t plataporma habang abala siya sa pagpapaganda ng kaniyang reputasyon sa masa. Lingid sa kaalaman nila, habang nanunumpa’y nakaapak si Quezon sa likuran ng mga nilinlang niya — sa likod ng mga taong pinagkatiwalaan siya.
Ang pagtatapos ng palabas ay pagdagsa lamang nitong samot-saring mga tanong. Nababahiran ng pag-aalinlangan ang pagturing kay Quezon ng nakararami bilang bayani.
Masasabi nga bang nagbunga ang “pagsisikap” ni Manuel Quezon kung hindi naman niya natapos ang termino o nasaksihan man lang ang kalayaang kay tagal niyang ipinaglaban? O kuntento na siya sa pagtamasa sa kapangyarihang kay tagal niyang pinagtrabahuhan?
Sa Quezon, may pagdiin sa huli. Walang pulitikong lalabas na walang dungis sa maruming laro ng pulitika. Kung nais mong manguna, kailangan mong madungisan at mandungis.
Maraming nagawa si Quezon upang pagtibayin ang kalayaang tinatamasa, wikang sinasambit at lipunang ginagalawan ng mga Pilipino. Subalit marami rin siyang itinaguyod na mapaminsalang kalakaran sa pulitika na isinasabuhay ng mga pulitikong ganid sa puwesto hanggang ngayon — lalo na ngayon.
Sa kasalukuyan, nagkalat ang mga trapo at kaunti na lang ang may nais maglinis.
Napakaraming pulitiko sa bansa, kakaunti lamang ang lingkod-bayan.
Saan dapat ilugar si Quezon doon?