Sagipin ang katotohanan at kapangyarihan

Unang araw pa lamang ng taong 2026, nasaksihan muli sa Pilipinas ang lumang taktika ng militar — ang paglalarawan ng kanilang pang-aatake sa komunidad bilang isang “engkwentro.”

Noong Enero 1, binomba at pinaulanan ng bala ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang Brgy. Cabacao Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Nagresulta ito ng pagkasawi ng tatlong kabataang Mangyan-Iraya at isang estudyanteng mananaliksik na si Jerlyn Rose Doydora. Mahigit 100 na pamilya ang napilitang lumikas mula sa kanilang tahanan.

Ang pag-atakeng ito ay bahagi ng matinding militarisasyon sa Occidental Mindoro na siyang itinutugon ng estado sa pagtatanggol ng mga katutubong Mangyan-Iraya sa kanilang 31 ektaryang lupang ninuno na Hacienda Almeda.

Nangyari ang pang-aatake habang nasa komunidad si Chantal Anicoche, 24, isang Filipino-American na mananaliksik. Nagtapos siya ng BS Psychology sa University of Maryland, Baltimore County at kasalukuyang nagsisilbing lider ng Filipino American Student Association. Matapos ang sunod-sunod na bagyong nanalasa sa Pilipinas, sinadya niya ang Brgy. Cabacao upang magsaliksik sa komunidad — partikular na sa mga katutubo at mga magsasaka — na humaharap sa banta ng kalikasan at militarisasyon.

Naiulat na nawala si Chantal noong mismong araw ng pagbobomba ng mga militar. Kasabay nito, nanawagan ang iba’t ibang organisasyong pangkarapatang pantao na ilitaw siya sa publiko. Ayon sa kanila, kailangang matiyak ang kaniyang kaligtasan pagkatapos ng nangyaring pag-atake sa lugar. Naniniwala ang mga grupo na itinatago ng militar ang kinaroroonan ni Chantal upang maiwasan ang pagkondena sa kanila ng publiko.

Makalipas ang walong araw, natagpuan si Chantal ng mga sundalo sa isang hukay sa Sitio Mamara, Brgy. Cabucao, malapit sa sinasabi nilang “lugar na pinangyarihan ng engkwentro.”

Ngunit sa katotohanan, wala naman talagang engkwentro.

Sa mahabang kasaysayan ng militarisasyon sa lugar, malinaw na tanging presenya lamang ng militar ang nakita noong Enero 1 at walang kasapi ng New People’s Army (NPA). Nauna nang sinabi ng NPA na magsasagawa sila ng holiday ceasefire.

Ipinapakita ng pangyayaring ito na laging nag-iisip ng paraan ang mga militar at estado para baluktutin ang naratibo. Ipinapalabas nilang ang pagbobomba ay bahagi ng kanilang tugon sa paglaban ng NPA.

Kahit na nagbago na ang taon, lumang taktika pa rin ang ginagamit ng militar — ang mag-imbento ng kalaban. At mabilis pa rin itong kinakagat ng mainstream media sa Pilipinas.

Sa mga ulat na inilabas simula noong Enero 1, kapansin-pansin ang pagpipinta ng midya sa insidente sa Mindoro bilang isang “engkwentro.” Agad naman nilang ibinalita ang paglitaw kay Chantal pero nakasandig ito sa pagtingin na militar ang naging bayani sa pagkakahanap sa mananaliksik.

Inilabas pa ng midya ang buong video mula sa militar na kita si Chantal na kinukwestyon ng mga nakahanap sa kaniya. Nalimutan ng midya ang aplikasyon ng etika sa kanilang propesyon. Sa paglalabas ng video na ibinigay ng militar, nalabag ang privacy ni Chantal bilang pribadong indibidwal. Kahit na sunod-sunod ang pag-alarma ng mga organisasyon sa video na ito sa pag-aalalang ito ay scripted o staged, madalang na naisama sa mga ulat ang bersyon ng panig na ito.

Ang karamihan sa mga ulat pagkatapos lumitaw si Chantal ay nakabatay pa rin sa mga pahayag ng militar. Dagdag pa, madalang dito ang pagsabi ng konteksto sa tunay na pakay ni Chantal sa lugar at pati na rin sa nangyaring pagbobomba at pagpapaulan ng bala ng militar sa barangay. Ito ang mga dapat lamanin ng balita upang mapaintindi sa publiko ang isyu ng pang-aagaw ng lupang ninuno ng mga katutubo.

Sa mga ulat ng maintream media sa paglitaw ni Chantal, lumubog ang kapangyarihan ng katotohanan. Kung may naiahon man, ito ay ang interes ng militar at ng estado.

Ang pag-uulit ng midya sa mga sinasabi ng militar ay tahasang paglabag sa kanilang tungkulin na beripikahin ang mga pahayag ng mga otoridad.

Kung misyon ng midya ang mag-ulat ng katotohanan, dapat hindi sila laging nakaasa sa naratibo ng mga militar. Mahalagang maintindihan ng mga mamamahayag na lagi’t laging gagawa ng paraan ang puwersang ito para palabasing mayroon silang kalabang NPA sa bawat pang-aatakeng gagawin nila sa mga komunidad.

Saksi ang kasaysayan sa pag-target ng estado sa mga mananaliksik at tanggol-kalikasan. Taong 2010 nang patayin ng 19th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines ang botanist na si Leonard Co, matapos pagkamalang parte ito ng NPA. Labindalawang taon makalipas, pinaslang naman ang gurong boluntir sa mga Lumad at environmental defender na si Chad Booc ng 1001st Infantry Brigade ng Philippine Army na diumano’y tugon lamang nila sa nangyaring “engkwentro.”

Kung misyon ng midya ang mag-ulat ng katotohanan, dapat nilang alpasan ang luma at maduming taktika ng mga militar. Dapat na magkaroon sila ng sariling sistema ng pagbeberipika ng mga impormasyon. Kunin ang iba’t ibang pahayag lalo na ng mga grupong nakaangkla sa pag-aadbokasiya ng karapatang pantao. Nararapat na maglatag ng mas malalim na konteksto sa mga isyung panlipunan sapagkat alinsunod ito sa tungkuling nakaatang sa kanila na magbalita nang wasto.

Hangga’t hindi kinukwestyon ng midya ang baluktot na naratibo ng militar, mananatiling bihag ang katotohanan. Dapat nilang itayo hindi ang kapangyarihan ng estado kundi ng sariling industriya mismo — ang magsuri, mag-analisa at magpanday ng makabuluhang diskurso sa lipunan.