[EDITORYAL] May Pula sa Noo Ko

Parang hinatulan ka na raw ng kamatayan kapag na-red-tag ka. Sumama ka lang sa rally, komunista ka na. Tumutol ka sa gobyerno? Brainwashed. At kung taga-UP ka, kakantiyawan ka pa: “Sa bundok ba ang OJT mo?” Nag-field work ka lang naman sa probinsya.

Walang nakahihiya sa komunismo. Pero isang bansag lang nito sa iyo’y tila basbas na rin sa estado para busalan ka. 

At nagkatotoo na nga ang banta. Pinaslang na nila si Chad. Ikinulong si Amanda. Inaresto si Wovi. Ipiniit lalo si Frenchie. At ngayo’y kinasuhan si Joaquin. Pawang mga mamamahayag at lider-estudyante ng UP na tumindig kontra-katiwalian at karahasan ng mga nagpapakabundat sa kapangyarihan.

Alam naman iyan ng estado. Sadyang ugali lang niyang ibaling ang pondo’t panahon sa panggigipit kaysa pagpapanagot sa mga nagkakasala sa bayan.

Ngunit nakatagpo na siya ng mabisang alas pandahas. Napagtanto ng gobyerno na mas madaling pangatwiranan ang pagpaslang at pagpapakulong kung pauulanan ka muna ng red-tagging. Pinalaganap niya ang 60% ng mahigit 450 kaso ng red-tagging noong 2024, ayon sa tala ng Ateneo Human Rights Center. Ang masama pa, pinaaalingawngaw ito ng mga influencer kuno sa social media.

NPA. Terorista. Kaliwa. Ang kasalanan ng akusado? Aralin ang lipunan at makipamuhay sa masa. 

Kaya hindi na kataka-taka kung bakit buntunan ng sandamakmak na red-tagging ang UP. Bahag ang buntot ng estado sa pamantasang nagluluwal ng mga intelektuwal. Paano nga naman siyang magpapakasasa sa puwesto kung dadami ang mamumulat sa panggagahaman niya?

Sa UP, nagpapakadalubhasa sa lipunan ang mga estudyante. Lumalabas sa silid-aralan. Nakikipamuhay sa magsasaka, manggagawa at maralita. Natututong ugatin ang kahirapan at kawalan ng hustisya sa pananamantala ng iilan.

Totoong may mga bumibitaw sa maginhawang buhay para maging rebolusyonaryo. Pero hindi iyan nakukulong sa UP o anumang institusyon. At kasinungalingan ang sabi-sabing na-brainwash sila ng mga tinatawag ng estado na “makakaliwang grupo.” 

Nakatanim sa pamamalakad ng pamahalaan at kaayusan ng lipunan ang binhi ng rebolusyon. Pumalo na sa P1.09 trilyon ang nakurakot ng estado sa mga proyektong pangklima mula 2023. Wala pa ring sariling lupa ang 70% ng limang milyong magsasaka sa Pilipinas. At ni kalahati ng P1,251 family living wage ay suntok sa buwan para sa ordinaryong manggagawa.

Inaalagaan ng estado ang interes ng mayayamang nakikinabang sa sistemang iyan kaya todo iwas siya sa pagbabago. Sa madaling sabi, gawa-gawa at sinasadya ang kahirapan.

Alam ng isang rebolusyonaryo na pagtatayo ng bagong makamasang sistema ang tanging lunas diyan. Ang ayaw ayusin ng gobyerno, masa ang gagawa. Sumapi siya sa rebolusyon dahil itinulak siya ng estado sa sitwasyong iyon. At sariling desisyon niya na panindigan ang kaniyang pagkamulat. Walang kapintas-pintas sa pagnanais na wakasan ang paghihirap ng mga Pilipino. 

Kaya maaasahan mong gagawin ng estado ang lahat para panatilihin tayong mangmang sa sarili nating paghihirap.

At ngayong kung sino-sino na lang ang nire-red-tag niya, basta tumuligsa ka sa gobyerno’y puwede ka na ring tawaging terorista at patayin gaya ng mga minartir na rebolusyonaryo. 

Maging pagtuturo nga sa probinsya’y parang pahintulot na sa estado na barilin ka, tulad ng nangyari kay Chad Booc, Lumad teacher sa Mindanao. O kasuhan ng sedition, gaya nina Joaquin Buenaflor at Wovi Villanueva, kabataang nakiisa sa kilos-protesta sa Mendiola noong Setyembre 2025. Ikulong, tulad ni Amanda Echanis, peasant advocate na tinamnan ng baril, at Frenchie Mae Cumpio, mamamahayag na hinatulang guilty sa gawa-gawang kaso ng terrorism financing.

Lahat sila ay nagmula sa UP. Ngunit Iskolar ng Bayan ka man o hindi, hamon sa masa na manindigan laban sa pambubusabos sa atin ng estado. Nararapat tutulan ang bilyon-bilyon niyang pondo kada taon para sa pandarahas ng PNP-AFP at NTF-ELCAC sa ilalim ng Anti-Terror Law.

Kung simpleng pagpapahayag ng hinaing ay kaya niyang gawing basehan para patayin at ipiit ka, hindi na mahalaga kung totoo nga bang miyembro ka ng CPP-NPA-NDF. Wala na kayong pinagkaiba. Nabura na ang mga kulay, maliban sa pula sa noo mo.