Oda ng Tulay San Juanico

Ang likhang ito ay kathang-isip lamang.

May bagong tulay raw, sabi sa balita
Dal’wang kilometro, ‘sang milya ang haba
Oda para sa reyna
Gawa sa bakal at kongkreto
Para sa minamahal, isang regalo

Tone-toneladang semento,
Saka dugo ni Niña at Niño
Pero mito lang naman daw ito
Mga kwento-kwento
May katotohanan ba sa mga sabi-sabi?

Nabalitaan ko rin ang isang bagong tulay
Ngalan niya’y Jose Maria; aktibista, makata
Sa dal’wang kama inihiga: ulo sa isa, paa sa kabila
Humiga sa hangin, huminga nang malalim
Inihahanda ang sarili sa bawat bira

Mula sa galamay ng diktadura
Pinatatahimik ang pagtuligsa ng masa
Sa mga kabi-kabilang anomalya
Opresyong ikinukubli bilang “pagdidisiplina”
Ito ang katotohanan sa mga sabi-sabi

Ang ipinatayong bagong tulay
Ipinantalukbong sa kinitil na mga buhay
Tunay nga ba ang legasiya?
Walang katotohanan sa kasinungalingan

Limampu’t tatlong taon na ang nakalipas
May sira na ang dating magandang tulay
Gumuguho na’t nagkakabitak-bitak
Mga multo ng pumanaw at ninakaw
Ngayo’y nasisikatan na ng araw

Ang pinatahimik na pwersa ng masa
Nag-uumapaw na’t bumabaha
Naghahanda na muling rumagasa
Mula sa ama, ngayon sa anak
Na siyang patay na puno at bulok na bunga