Estudyante ng UP CMC, inaresto matapos ang iglap-protesta sa US Embassy kontra Balikatan

Sulat ni L.M.

Inaresto ng Manila City Police ang mag-aaral ng UP College of Mass Communication (CMC) na si Gabriel Magtibay matapos ang isang iglap-protesta sa Embahada ng Estados Unidos noong madaling araw ng Martes, Abril 11.

Isa siya sa anim na arestado, kabilang na ang kapwa niyang lider-estudyante na si Joanne Pagkaliwangan mula sa Far Eastern University. 

Inaresto sila mula sa isang demonstrasyon upang tutulan ang Balikatan Exercises, isang taunang military exercise ng Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng Visiting Forces Agreement na may 12,000 sundalong Amerikano na lalahok ngayong Abril.

Matapos arestuhin, dinala sina Magtibay at Pagkaliwangan sa Manila Police Station 5 para sa mga kasong illegal assembly, vandalism at resisting arrest.

Kinunenda ng mga lider-estudyante ang nasabing pag-aresto sa isang protesta sa harap ng UP Manila noong Martes ng hapon.

Ani Neo Aison, convenor ng Defend UP Network, “Ang interes ng kapulisan ay hindi interes ng mamamayan… Marapat lamang na palayain [sina Magtibay at Pagkaliwangan] dahil makatwiran ang kanilang panawagan.”

Naglabas din ng pahayag ang administrasyon ng CMC na nananawagan sa mga awtoridad na agarang palayain si Magtibay at sa pagtaguyod ng karapatan sa malayang pananalita at mapayapang pagtitipon.

‘Isang laro ng ping-pong’

Ayon kay Atty. Marwil Llasos ng UP Office of Legal Aid, naantala ang pagproseso ng mga dokumento sa pag-aresto. Pabalik-balik umano ang mga awtoridad sa pagitan ng Manila Police Station 5 at Manila Police District Headquarters.

This is a ping-pong game. Who does what, when, and how? The bureaucracy cannot seem to expedite the process,” sabi ni Llasos.

Dagdag ni Espiña, hindi naisapinal ng piskalya ang resolusyon ng kaso nina Magtibay at Pagkaliwangan dahil umano sa magkaibang bersyon ng mga pangyayari batay sa salaysay ng mga humuling pulis.

Kasalukuyang naka-detain ang mga lider-estudyante na sina Gabriel Magtibay at Joanne Pagkaliwangan sa custodial jail sa Manila Police District Headquarters sa Ermita. Inaasahang babalikan bukas, Abril 12, ang resolusyon sa piskalya ukol sa kanilang pag-aresto.

Mga pahayag ng pagsuporta kay Magtibay

Nagpahayag naman ng pag-suporta ang mga pormasyon ng mga estudyante para kay Magtibay at nanawagan para sa kanyang agarang pagpapalaya.

“Isa si [Magtibay] sa mga mukha ng kabataang buong-puso at buhos-oras na lumalaban para sa karapatan sa ilalim ng tumitinding krisis panlipunan at atake ng estado. Ang sapilitang pagdetene sa masikhay na lider-estudyante ng UP ay siyang atake rin sa buong komunidad ng UP,” sabi ng STAND UP sa kanilang pahayag.

Kasalukuyang officer-in-charge rin si Magtibay ng partidong Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (STAND UP).

“Ang insidenteng ito ay walang iba kundi pagtapak sa karapatan ng kabataan na mag-protesta nang mapayapa at pag-intimidate sa mga aktibista,” sabi ng UP CMC Student Council sa kanilang pahayag.

Naglabas din ng unity statement ang mga University Student Council ng bawat constituent unit ng UP sa pamamagitan ng Defend UP Network.


Kinundena rin ng UP Cineastes’ Studio at UP Broadcasting Association ang nangyaring pag-aresto kay Magtibay. Miyembro si Magtibay ng mga nasabing organisasyon.