Bagaman ngayong araw ang simula ng eleksyon para sa Konseho ng Mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman (UP Diliman University Student Council) at ng kalakhan ng mga lokal na konseho para sa susunod na taunang pang-akademiko, mayroon pa ring mga kolehiyo at paaralan sa loob ng unibersidad na wala o kulang ang kandidato.
Ayon sa College Student Electoral Boards (CSEBs) na nakapanayam ng Tinig ng Plaridel (TNP), walang naghain ng kandidatura sa Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon (School of Library and Information Studies) at Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan (College of Home Economics).
Samantala, mayroon lamang iisang mag-aaral na nagsumite ng kanyang kandidatura sa Kolehiyo ng Arkitektura (College of Architecture).
Tingnan: #BotongIsko2023: Final list of candidates for UP Diliman student council elections
Isa rin lamang ang tutuloy sa eleksyon sa Kolehiyo ng Musika (College of Music) matapos magkaroon ng “qualification issues” ang ibang mga kumakandidato.
Samantala, mayroon ding mga paaralan at kolehiyong hindi pa nagsasapubliko ng kalendaryo para sa daloy ng kani-kanilang lokal na eleksyon. Kabilang dito ang Sentro ng Pamamahala sa Teknolohiya (Technology Management Center), Paaralan ng Paggawa at Ugnayan sa Industriya (School of Labor and Industrial Relations) at Kolehiyo ng Pantaong Kinetika (College of Human Kinetics).
Habang may mga kolehiyo at paaralan na hindi pa rin kumpleto ang lahat ng posisyon sa konseho. Iilan sa mga ito ay ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication) kung saan hindi bababa sa lima ang bakanteng posisyon at ang Kolehiyo ng Agham (College of Science) kung saan pito naman ang kulang.
Hindi ito ang unang pagkakataon
Ayon sa mga opisyal na listahang inulat ng TNP noong nakaraang #HalalanUPD2022, hindi na bago ang bungi-bunging talaan ng mga kandidato para sa eleksyon sa loob ng unibersidad.
Noong nakaraang taon, tatlo lamang ang tumakbo sa Kolehiyo ng Arkitektura at Cesar EA Virata Paaralan ng Pagnenegosyo (Cesar EA Virata School of Business). Samantala, dalawa lamang ang tumakbo para sa konseho sa Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon.
May mga iilang kolehiyo rin na isa lamang ang tumayong “political party” noong nakaraang eleksyon. Kasama rito ang Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Kolehiyo ng Agham, Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan (College of Social Work and Community Development) at UPD Extension Programs in Pampanga and Olongapo.
Tingnan: #BotongIsko2022: Final list of candidates for UP Diliman student council elections
Habang noong #HalalanUPD2021, tatlo lamang din ang tumakbo sa Kolehiyo ng Pantaong Kinetika at dalawa naman sa Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon.
Alternatibong Solusyon
Upang magkaroon ng representasyon ang mga mag-aaral sa bawat kolehiyo at paaralan sa loob ng unibersidad, may mga alternatibong solusyon na tatahakin ang mga CSEB at mga kasalukuyang miyembro ng konseho.
Sinimulan na ang pagtawag ng mga boluntaryong gustong maging bahagi ng susunod na konseho ng Paaralan ng Aralin sa Aklatan at Impormasyon. Ito ay ayon sa SLIS Electoral Code na inilabas sa pinakahuling memorandum ng SLIS CSEB.
Samantala, susundin naman ng Kolehiyo ng Ekonomiyang Pantahanan ang konstitusyon ng lokal na konseho upang punan ang 17 na bakanteng posisyon.
Ang ibang mga kolehiyo at paaralan naman ay magkakaroon ng “special election” pagkatapos ng #HalalanUPD2023 o sa susunod na taunang pang-akademiko. Kabilang dito ang Kolehiyo ng Musika at Kolehiyo ng Arkitektura.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 18 ang bakanteng posisyon sa Kolehiyo ng Arkitektura. Mayroon namang pitong bakanteng posisyon sa Kolehiyo ng Musika ayon sa kanilang panawagan para sa kandidatura noong Abril 18.
Naghihintay pa rin ang TNP ng kompirmasyon galing sa konseho sa bilang ng bakanteng posisyon para sa taunang eleksyon.
Wala pang inilabas na anunsyo ang ibang mga kolehiyo at paaralan sa susunod nilang mga hakbang upang mapunan ang mga bakanteng posisyon. Kasama sa listahan ang Kolehiyo ng Pantaong Kinetika, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Kolehiyo ng Agham at iba pang hindi nabanggit.