Biglaang clear ops kinasa sa A2 at Dagohoy; mga manininda nabahala

Nagsagawa ng biglaang clearing operations ang mga tauhan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (QC DPOS) sa Area 2 nitong Martes, Abril 23.

Kinuha ng mga kawani ng DPOS ang mga karatula, halaman, upuan at kariton ng ilang mga tindahan na lumagpas ‘di umano sa puting marka sa gilid ng kalsada ng J.P. Laurel Street.

Kilala sa komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD) bilang “A2,” ang J.P. Laurel Street ay isang kalye na puno ng iba’t ibang kainan at tindahan na nag-aalok ng mga abot-kayang produkto at serbisyo.

Ito rin ang pinakamalapit na tambayan para sa mga estudyante, kaguruan at kawani ng Kolehiyo ng Pantaong Kinetika (College of Human Kinetics), Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication), Kolehiyo ng Musika (College of Music), at mga naninirahan sa mga dormitoryo tulad ng Acacia, Molave, Yakal, Sanggumay at Ipil.

Ayon sa ilang manininda, walang ipinakitang permit ang DPOS nang kumpiskahin ang kanilang mga gamit.

Dagdag pa nila, ngayon lamang nadamay ang kanilang mga tindahan sa clearing operations dahil dati naman ay mga sasakyan lamang daw ang pinapaalis sa nasabing kalye.

Noong nakaraang linggo lamang, nagbaba ng Memorandum Circular (MC) ang Department of Interior and Local Government (DILG) na naglilinaw sa mga direktiba para sa isinasagawang clearing operations ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng “Bagong Pilipinas Program.”

Kabilang sa nasabing memorandum ang mga batayan sa mga operasyong kinakasa sa mga kalye tulad ng A2. Isa rito ang hindi pagpapahintulot sa pagsira ng mga ari-arian na parte ng isang gusali nang walang abiso mula sa may-ari nito.

Bago pa man pumunta ang mga kawani ng DPOS sa A2, nagkaroon ng hiwalay na clearing operations sa Pook Dagohoy, isang komunidad malapit sa University Hotel.

Ibinahagi ng isang manininda na pinayuhan umano sila ng isa sa mga kawani ng pamahalaan ng QC na dapat nilangi uwi ang kanilang mga kariton kapag tapos na silang magtinda.

Dagdag pa, naabisuhan daw ng mga kagawad ang mga manininda tungkol sa clearing operations kahapon sa nasabing pook, hindi tulad ng nangyari sa A2 kung saan nabigla ang mga manininda sa ginawang pagkumpiska ng DPOS.

Ayon naman sa isang kawani mula sa OVCCA, hindi raw naabisuhan ng lokal na pamahalaan ng QC ang administrasyon ng UP patungkol sa clearing operations sa loob ng campus.

Ngunit ayon sa pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte, lumalabas sa kanilang paunang imbestigasyon na si VCCA Roehl Jamon ang nag-”request” ng clearing operations matapos itong ipadaan kay Kapitan Lawrence V. Mappala, punong barangay ng Barangay UP Campus. 

Hindi ito ang unang pagkakataon na umalma ang mga manininda dahil sa mga polisiya sa loob ng unibersidad.

Basahin: Vendors, students launch UP Not for Sale Network amid DiliMall’s looming opening

Kamakailan lamang, nakatanggap rin umano ng abiso ang ilang mga manininda mula sa mga opisyales ng OVCCA at Office of the Vice Chancellor for Planning and Development na hindi na raw pahihintulutan ang paglalagay ng mesa at kusina sa kanilang mga tindahan.

Sa kasalukuyan, wala pang pormal na pahayag ang mga opisina ng UP ukol sa nasabing clearing operations at pahayag ng lokal na pamahalaan ng QC.