Akala ko

Ni Karen Ann Macalalad

Ni minsan ay ‘di ko inakalang makikilahok ako sa gawaing tulad ng mga ito: ang paghawak ng karatula at pagtayo sa ilalim ng nakapapasong sinag ng araw.

Ngunit apat na taon na. Sa isang bansang tulad ng Pilipinas, isang nakalulungkot na katotohanan ang napakabagal na pag-usad ng hustisya sa isang napakabigat na pangyayari.

Kuha ni Thomas Benjamin Roca, UP Aperture
Kuha ni Thomas Benjamin Roca, UP Aperture

Naalala ko pa ang unang araw ng pagpasok ko sa Unibersidad bilang mag-aaral ng peryodismo. Kapansin-pansin pa ang ngiting nakaguhit sa aking mga labi, tanda ng aking pagkagalak na mapabilang sa mga estudyante na sa unang pagkakataon ay sasabak sa mapanghamong buhay-kolehiyo. Napakabibo ko noon at halos lahat na yata ng mga aktibidad na inilatag sa aming harapan ay sinalihan ko.

Akala ko, malaya na ako. Masaya ang lahat.

Ngunit sa paglipas ng mga araw ng pamamalagi ko sa unibersidad, tila nag-iba –nagiba – ang aking pananaw sa mundong ginagalawan ko. Unti-unting nabura ang kamusmusan at kamangmangan sa aking katauhan. Namulat ako sa totoong problema ng midya na hindi tulad ng karaniwan kong nakikita sa telebisyon. Sa isang iglap, sumiklab ang isang damdamin na nagtulak sa akin upang makilahok sa mga hakbang para sa hustisya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre.

Nang makilala ko ang pamilya ng mga biktima, naramdaman ko ang bigat ng pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan nila dahil sa kawalan ng hustisya. Sa apat na taon mula noong makita’t mabalitaan nila ang sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay, ramdam ko ang takot na unti-unting malimutan ng lipunan ang sinapit ng kanilang kapamilya.

Sa tulong ng mga kaibigan, kaklase, mga ate at kuyang nagbigay ng oras para manawagan sa mas mabilis na pag-usad ng hustisya, mas lumakas ang paniniwala kong ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Ngunit sa kabilang banda’y nakaramdam ako ng magkahalong takot, galit at awa—takot  para sa aking sarili at sa mga tulad ko na nakikibaka. Takot na malagutan ng hininga at ng kalayaan na mabuhay, tulad ng mga naging biktima ng malagim na pagpatay, kung saan karamihan ay mga peryodistang tulad ko. Takot na iwanan ang pamilya na nakasama mula pagkabata para lamang isakatuparan ang tungkuling sa aki’y iniatas.

Nakaramdam ako ng galit para sa mga estudyante na nagkikibit-balikat lamang, nananatiling kimi, at kinalilimutan ang kanilang tungkulin bilang alagad ng midya. Tulad sila marahil ng gobyerno na kahit marinig ang samu’t saring boses ng lipunan ay nananatiling bingi sa pagsigaw ng hustisya sa naganap na trahedya.

Sa kabilang banda, bilang estudyante ng peryodismo ay alam kong hindi ko ito dapat maramdaman sapagkat tayo ay hinuhubog upang maging instrumento ng katotohanan at tagapaghatid ng balita sa bayan. Bakit pa natin pinili ang landas na ito kung hindi rin tayo handang harapin ang landas ng pakikibaka upang tuldukan ang namamayaning kultura ng kawalang-hustisya?

Para sa katarungan ng mga naging biktima ng kawalang-hustisya, para sa kalayaang magpahayag sa mamamayan, sa pagkalaban sa mga nagbubusal sa katotohanan, handa na akong sumabak pa sa mga susunod na taon. Hindi sapat ang mga letra’t salita lamang sa mga pahina. Mas makabubuti kung magkakaroon ng matatag na pwersa kung saan ang bawat isa na may kursong kabilang sa larangan ng komunikasyon ay makikilahok at ibabalita sa marami ang ganitong mga pangyayari para sa tuluyang pagkamit ng hustisya sa Maguindanao Massacre. Sama-sama nating gawing tunay ang mga katagang:  never forget. #

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.