[EDITORYAL] Pagpapanggap ang paggunita nila kay Plaridel

Ipinagdiriwang ang National Press Freedom Day ngayon, Ago. 30, alang-alang sa kapanganakan ni Marcelo H. del Pilar, isang abogado, propagandista at peryodista noong panahon ng mga Espanyol. Kilala siya sa pangalang “Plaridel,” ang sagisag-panulat na ginamit niya sa mga pahayagan.

Gamit ang tinta, masikhay na ipinaglaban ni Plaridel ang kalayaan ng Pilipinas. Sa mga pahayagang Diariong Tagalog at La Solidaridad, inilantad niya ang mga pang-aabuso ng mga prayle sa ordinaryong Pilipino. Sinikap niyang maging boses ng reporma sa bansa ang mga pahayagang ito sa kabila ng dahas at pananakop ng mga Espanyol.

Mahigit isa’t kalahating dantaon ang makalipas, nananatiling buhay ang katapangan ni Plaridel sa bawat peryodistang sumusubaybay at naglalathala ng katiwalian ng mga makapangyarihan araw-araw.

Taong 2022, ipinasa ang Batas Republika (B.R.) 11699 na nagtatag ng National Press Freedom Day na humihikayat sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang maglunsad ng mga inisyatibang magbibigay-diin sa kahalagahan ng peryodismo, at ng pagiging malaya nito.

Ngunit, tila pagpapanggap ang paggunita sa malayang pamamahayag sapagkat ang modernong Plaridel na nagpapatuloy ng matapang at mausisang pagbabalita ay walang habas na binubulag, binubusalan at pinapaslang ng estado.

Kung buháy pa ang tinaguriang ama ng peryodismo, malamang panunupil pa rin — hindi pagdiriwang — ang sinasapit niya.

Pangunahing tungkulin ng midya ang magmulat ng tao sa tunay na kalagayan ng lipunang kanyang ginagalawan. Layunin ng midya na malayang makabuo ang mga Pilipino ng opinyon ayon sa katotohanan upang makapagpasya at, sa kalaunan, makatulong sa pagtataguyod ng pagbabago.

Kaya nga patuloy ang pag-uulat ng kabagalan ng mga proseso sa mga korte at mga anomalya sa mga gawain at gastusin ng gobyerno. Sa isang bansang talamak ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng sarili nitong mga lider, lalong sumisidhi ang katambal na gampanin ng peryodismo: ang paniningil ng hustisya.

Ngunit, paano matitiyak ang progresibong pagmumulat at pagpapalaya kung mismong ang gobyernong nagtatag ng paggunita sa pamamahayag ang siya ring bumubulag ng mga tagapaghatid ng balita? 

Ang Freedom of Information bill na naglalayong gawing abot-kamay ang pagkuha ng mga datos at impormasyon mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay halos 31 taon nang nakatengga sa Kongreso. Hindi ito kailanman naging prayoridad ng mga mambabatas, sapagkat maaaring gamitin daw sa paninira.

Ngunit ano ba ang kanilang itinatago? Kung pursigido ang gobyernong itaguyod ang karapatan sa impormasyon hindi lamang ng midya kundi ng publikong kanila dapat pinagsisilbihan, matagal na dapat naipasa ang panukalang batas na ito. 

Noong 2016, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 2 na ino-obliga ang mga ahensya ng gobyernong isapubliko ang mga dokumento nito tuwing may humihingi.

Ang problema? Nakalulusot pa rin ang ibang mga ahensya dahil hindi saklaw ng kautusan ang lehislatibo at hudikatura. Mas naging mahigpit din ang paglabas ng mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ng mga opisyal at mga kontrata na pinapasukan ng gobyerno. 

Sa ilalim naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., wala rin ito sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon.

Sa panig ng mga student publications sa hayskul at kolehiyo, mahina at kulang ang proteksyon sa karapatan nilang mamahayag.

Ang Campus Journalism Act (CJA) na naglalayong protektahan ang mga peryodista-estudyante ay walang klarong mekanismo upang maparusahan ang mga lalabag sa karapatan ng mga peryodista-estudyante. Sa batas na ito, hindi rin nasisiguro ang awtonomiya nilang magpasya tungkol sa editoryal at pinansyal na aspeto ng kanilang gawain.

Dagdag pa rito ang pasakit na dinaranas ng mga publikasyon sa ilalim ng mga administrasyon sa sari-sarili nilang eskwelahan at unibersidad sa porma ng burukratikong proseso sa pagkuha ng badyet at kawalan mismo ng pagkilala bilang mga publikasyon.

Malagim ang tunguhin ng pamamahayag sa Pilipinas kung ang paniniil ay umaabot pati sa mga kabataang peryodista.

Bagama’t nariyan ang Campus Press Freedom Bill na layong palitan ang CJA at palakasin ang kalayaan ng student publications, mahigit isang dekada na rin itong nakakulong sa Kongreso.

Basahin: Bill penalizing campus press freedom violations refiled (Part 1 of CJA series) 

Basahin: ‘Flaw-ridden’ Campus Journalism Act burdens high school journos (Part 2 of CJA series)

Ang pagbibigay-halaga sa tungkulin ng midya ay dapat pinagtitibay ng kongkretong aksyon para makamit ang malayang pamamahayag. Sa halip na pagpapahalaga, patuloy na pambubusal sa mga tagapagbalita ang inaatupag ng gobyerno.

Karaniwang ginagawang sandata ng mga opisyal sa gobyerno ang kasong libel laban sa mga peryodistang nagsusulat ng mga kritikal na lathalain tungkol sa kanila.

Maaalalang nagsampa ng libel ang dating kalihim ng Kagawaran ng Enerhiya na si Alfonso Cusi laban sa 20 mamamahayag dahil sa mga ulat nila tungkol sa pagbebenta ng Malampaya gas field. Binawi rin naman niya ang mga kaso kinalaunan.

Noong Disyembre 2022, hinatulan ng libel si Frank Cimatu, isang beteranong mamamahayag, dahil sa Facebook post niya noong 2017 tungkol kay Manny Piñol, dating kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura.

Ang libel ay isa lamang sa mga porma ng pag-atake na pilit kumikitil sa malayang pamamahayag. Sa unang taon ni Marcos Jr., hindi bababa sa 85 kaso ng atake sa midya ang naitala — tatlo rito ay pagpatay. Mga diumano’y ahente ng estado ang kadalasang nanunupil sa mga peryodista, ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility.

Ang masaklap pa, mabagal ang usad sa korte ng mga kaso ng pagpatay laban sa mga manggagawa sa midya. 

Kasama rin sa mga atakeng ito ang panre-red-tag sa mga miyembro ng midyang matalas ang pagbabalita at kritikal sa mga katiwalian ng pamahalaan. Isa ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa mga ginamit na ahensya ng gobyerno upang manguna sa paniniktik at pang-aatakeng ito, gamit ang limpak limpak nilang badyet.

Taktika ang mga atakeng ito upang takutin, kung hindi patahimikin, ang mga mamamahayag at ikubli ang katotohanan hanggang sa hindi na ito masilayan ng publiko. Sa isang bansang binubulag, binubusalan at pinapaslang ang mga peryodista, higit na kawawang biktima rito ang ordinaryong Pilipino.

Kaya kung tunay ang hangarin ng gobyernong makamit ang malayang pamamahayag, hindi sapat ang paggunita. Kailangan nitong alisin ang busal sa mata at bibig ng mga modernong Plaridel at tuluyang wasakin ang kultura ng karahasan. 

Marapat nilang alalahanin na ang midyang sinisiil at pilit na pinipigil ay pilit ding magpupumiglas. Tulad ni Plaridel, hindi titigil ang midyang ipaglaban ang kanyang kalayaan at pagsilbihan ang sambayanan, dayuhan man o kababayan ang makatunggali.