[EDITORYAL] Habang nalulunod ang masa, walang kokonsumo sa midya

Ikamamatay ng midya ang humuhupang pagtangkilik ng masa. 

Ngunit hindi mga bayarang mamamahayag ang unang sumalanta sa tiwala ng publiko. Matagal nang lunod ang masa sa mga kondisyong humuhungkag sa kanilang siglang kumonsumo ng dekalidad na impormasyon at makiisa sa gampanin ng midya.

Nitong Agosto 21, inakusahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang mga beteranong peryodistang sina Korina Sanchez at Julius Babao na tumanggap umano ng kabayaran kapalit ng mga panayam na pabor kina Sarah at Curlee Discaya. Sangkot ang contractor firms ng mag-asawa sa katiwalian sa flood control projects, ani Pangulong Marcos.

Kung mapatutunayan, ipinagkanulo nina Sanchez at Babao ang kredibilidad ng sariling larangan. Dinamay nila sa hagupit ng batikos ang naghihikahos na mayorya ng mga alagad ng midyang salat sa antas ng pribilehiyong tinatamo ng kilalang mga peryodista.

Bagaman hindi talamak, hindi na bago sa industriya ang kalakarang ito. Nananatili pa rin ang di-nakabubuhay na sahod na nagtutulak sa mga peryodistang maglako ng pampabangong pag-uulat sa mga makapangyarihang pulitikong maaaring makapagbigay ng dagdag-kita. 

KAUGNAY: NUJP Statement on allegations of pay for positive interviews and coverage.

Kung gayon, maiging ibaling ang nasabing kondisyon sa namamayaning kaayusang bumabalangkas sa ekonomiya ng midya.

Kadalasang pagmamay-ari ng iilang mayayamang pamilya at naglalakihang korporasyon, umaasa pa rin ang midya sa advertising, ayon sa 2023 Philippine Media Ownership Monitor. Ang pormang ito ay nakabatay sa readership o dami ng mga tumatangkilik.

Pero lumilitaw sa datos na lumalamlam na ang pagbabasa ng mga Pilipino sa balita. Sa inilabas na ulat ng Digital News Reports ng Reuters Institute, bumagsak sa 46% noong 2024 mula sa 69% noong 2020 ang bilang ng mga Pilipinong interesadong kumonsumo ng balita. 

Kabilang sa nangungunang mga dahilan ang pagbabago ng teknolohiya at paglipat ng mga Pilipino sa online information sources.

Ngunit sa patuloy na pagpapaagos ng estado ng mga polisiyang kontra-midya, malinaw na ang naaagnas na sistema ang tunay na ugat ng pagguho ng tiwala ng masa sa industriya.

Tahasan pa rin ang estado sa kaliwa’t kanang red-tagging, pagpapakulong sa mga mamamahayag at pagpapasara sa websites ng alternatibong midya. Pinasisidhi pa ito ng pag-iral ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na ang tanging saysay ay maging berdugo ng estado laban sa mga tumutuligsa rito.

KAUGNAY: Social media censorship, online attacks hound UP student publications – Tinig ng Plaridel

Paano tatangkilikin ng publiko ang midya kung itinuturol ng estado na kabusal-busal ang pagsisiwalat sa katotohanan? 

Tiyak na layunin din ng estado na panatilihin ang lumalalang krisis sa edukasyon. Humigit-kumulang 18 milyong Pilipinong nagtapos ng high school ay maaaring “functionally illiterate,” ayon sa datos ng Second Congressional Commission on Education ngayong 2025.

Kaya paano tatatak sa masa ang kabuluhan ng tamang impormasyon kung ipinagkakait ng pamahalaan ang karapatan nilang makatamasa ng dekalidad at aksesibleng edukasyon?

BASAHIN: From one generation to another: Students succumb to disinformation as result of PH history education dearth – Tinig ng Plaridel

Dapat nang tuparin ng estado ang konstitusyonal nitong mandato na paigtingin ang sistema ng edukasyong tunay na magpapalaya sa bayan mula sa mga karamdamang kinahaharap nito. Tuldukan na ang sadyaang pagpapapurol sa masa upang pairalin ang kapangyarihan ng iilan.

Hamon naman sa midya na pasikhayin ang kolektibo nitong lakas tungo sa mas kritikal na pamamahayag sa mga isyung sumasagka sa mga batayang karapatan ng masa. Ano pa ang saysay ng larangan kung tayo mismo ang magkukubli sa korapsyon ng naghahari-harian?

Hinahamig din ang bayan na makiisa sa midya sa paggiit ng pananagutan mula sa estado at mga kabalikat nito sa paniniil. 

Sapagkat ang pakikibaka mula sa mayorya ang tanging mag-aahon sa midya mula sa bahang sumusugpo sa tunay nitong diwa.