[TIMELINE] Pakikipagpatintero ng mga tsuper laban sa PUVMP

Matapos ang higit limang taong pagwewelga ng mga tsuper at komyuter laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), tuluyan nang paiigtingin ang nasabing programa sa pagsapit ng bagong taon.

Nitong Dis. 13, tinuldukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na bibigyan ng palugit ang pagkokonsolida ng prangkisa ng mga PUV operators na unang itinakda noong Hunyo. 

Nakasaad sa PUVMP na tatanggalin na ang mga pampasaherong jeep na mahigit 15-taon na ang kalumaan at papalitan ito ng mayroong “Euro-4 compliant engine” alinsunod sa “pamantayan” ng Land Transportation Office (LTO). 

Kabilang sa unang bahagi ng programa ang pagbabawal sa indibidwal na prangkisa ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan gaya ng jeep at UV Express.

Kinakailangang sumapi o bumuo sila ng mga korporasyon o kooperatiba na inaasahang magpapautang ng pera upang makabili ng modernong jeep.

BASAHIN: In lead-up to jeepney strike, transport groups tell Marcos: Junk franchise consolidation

Sa mga nakaraang buwan, kaliwa’t kanan ang isinagawang transport strike at protesta kontra sa “hindi makataong” PUVMP.

Bago pa man uminit nang husto ang diskusyon ngayong taon, matagal nang tinututulan ng mga grupo ng tsuper at operator ang PUVMP mula nang ibaba ng pamahalaan ang mga alituntunin nito.

Balikan ang mga pangyayari sa matagal nang pakikipagpatintero ng mga tsuper sa pamahalaan ukol sa PUVMP:

2015

Nobyembre 10: Nagkasa ng kilos-protesta ang daan-daang tsuper at operator sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) kontra sa pagbuhay ng noo’y Department of Transportation and Communication (DOTC) sa plano ng pamahalaan na tanggalin ang mga jeep na higit 15 taon nang bumabiyahe.

Disyembre 14: Nagkaroon muli ng protesta ang PISTON sa Quezon City, Baguio, Cebu, Tacloban at Davao para igiit sa LTFRB at LTO na tanggapin ang kanilang rehistro para sa mga mahigit 15-taong lumang jeep.

2016

Enero 3: Sinalubong ng mga tsuper at operator ang bagong taon ng mga taga-LTFRB at DOTC sa isang kilos-protesta sa labas ng kanilang mga tanggapan. Sabi noon ng pamahalaan, layunin ng PUVMP na mapaluwag ang kalsada bagaman hindi pa ganap ang planong phaseout.

Marso 1: Pinamunuan ng No to Jeepney Phaseout Coalition (NTJPC) ang isang transport caravan mula Quezon City papuntang opisina ng LTFRB sa East Avenue at sa DOTC sa Ortigas upang tutulan ang “boluntaryong” pagpapatupad ng PUVMP sa susunod na taon at ang full implementation umano nito sa 2018.

2017

Pebrero 6: Nagsagawa ng kauna-unahang nationwide transport strike ang miyembro ng “Stop and Go Coalition” laban sa planong pagpapatanggal ng pamahalaan sa mga lumang jeep.

Hunyo 19: Inanunsyo na sisimulan na sa Hulyo 2017 ang PUVMP dahil sa “Omnibus Franchising Guidelines” na naglalaman ng bawat detalye ng planong modernisasyon. 

Kabilang rito ang pagsali o pagbuo ng mga korporasyon o kooperatiba, pagkakaroon ng modernong jeep na gumagamit ng environmentally-friendly fuels at nagkakahalaga ng aabot sa mahigit dalawang milyong piso at ang pagtatakda na modernisado na ang lahat ng mga PUV pagdating ng 2020.

Oktubre 16-17: Nagdaos ulit ang PISTON ng tigil-pasada na siyang kinontra ng LTFRB bilang “destabilization plot” umano laban sa pamahalaan.

Disyembre 4: Nagkaroon ng transport caravan ang grupong PISTON at NTJPC para tutulan ang nakaambang pagtatanggal sa mga lumang jeep pagdating ng bagong taon at crackdown ng administrasyong Duterte laban sa mga tumututol sa patakaran.

Sa parehong araw, ipinag-utos ng isang korte ang pag-aresto kay George San Mateo, noo’y pangulo ng PISTON, dahil sa umano’y paglabag sa Public Service Law nang magsagawa sila ng tigil-pasada noong Pebrero.

2018

Enero 8: Dahil sa kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na layong alisin sa kalsada ang mga mauusok at sira-sirang PUV, napahinto ang maraming pampasaherong jeep sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman (UPD)

Marso 19: Naglabas ng circular memorandum ang LTFRB na nag-uutos sa mga tsuper at operator na sumali o bumuo ng kooperatiba bago ang Marso 2019. 

2019

Setyembre 30: Muling nagdaos ng nationwide strike ang mga transport group sa kabila ng patuloy na banta ng PUVMP.

2020

Marso: Tigil-plano ang modernisasyon dahil sa pag-igting ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng pandemya.

Hulyo: Muling binigyan ng palugit ang mga tsuper at operator para sa kanilang franchise consolidation hanggang Disyembre 31, 2020.

Disyembre 18: Hinabaan pa ang palugit ng LTFRB hanggang Marso 31, 2021.

2021

Marso 29: Dahil sa pabalik-balik na ECQ, hinabaan muli ang deadline para sa konsolidasyon hanggang Marso 2022. 

2022

Marso: Dagdag palugit ulit ang binigay ng LTFRB hanggang Marso 2023

2023

Pebrero 21: Ipinakita ni LTFRB chief Teofilo Guadiz III na 60% pa lamang ng mga jeep ang modernisado. Dahil dito, dinagdagan muli ang araw para sa konsolidasyon hanggang Hunyo

Pebrero 27: Naghanda ang iba’t ibang mga transport group para sa isang linggong tigil-pasada bilang pagtutol sa mandatory franchise consolidation.

Marso 1: Hinikayat ng pangulo na huwag ituloy ang tigil-pasada at nagbigay ng huling palugit ang LTFRB hanggang sa huling araw ng taon. Tuloy pa rin ang welga ng mga grupo dahil sa kanilang panawagan na buong ibasura ang PUVMP.

Marso 6: Nag-umpisa ang unang araw ng tigil-pasada, at nagprotesta mula Philcoa hanggang Mendiola at pabalik ng Katipunan ang mga transport groups kabilang ang iba pang mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Marso 7: Pinatigil ng grupo ang tigil-pasada matapos mangako ng Malacañang na rerebyuhin nila ang PUVMP kasama ang mga transport groups.

Oktubre 16: Muling nagkasa ng tigil-pasada ang Manibela matapos isiwalat ng isang “whistleblower” mula sa LTFRB ang di umano’y  “korapsyon” sa loob ng ahensiya.

Oktubre 17: Nag-anunsyo ang ilang mga lokal na pamahalaan at unibersidad na walang pasok kaugnay sa pagpapatuloy ng tigil-pasada. 

Nobyembre 20 – 22: Nagsagawa muli ang PISTON ng tatlong araw na tigil-pasada sa bansa dahil sa papalapit na Dis. 31 deadline para sa franchise consolidation.

Nobyembre 22 – 24: Natapos ang huling araw na tigil-pasada ng PISTON, at nagdagdag naman ang Manibela ng tatlo pang araw na tigil-pasada.

Disyembre 7: Nagkasa ng silent strike ang UP Transport Group sa limang ruta ng jeep sa loob ng UPD mula 4 n.h. hanggang 7 n.g. Kasabay nito ang isang mobilisasyon kasama ang mga lider-estudyante malapit sa Vinzon’s Hall.

Disyembre 13: Muling nagsagawa ng tigil-pasada sa loob ng UPD matapos inanusyo ng pangulo ang hindi pagbibigay ng palugit para sa konsolidasyon ng mga tsuper at operator. 

Disyembre 14: Nagkasa ng dalawang-araw na tigil-pasada at protesta ang PISTON sa harap ng LTFRB.  Iminungkahi ng grupo ang rehabilitasyon imbis na phaseout ng mga tradisyunal na jeep.

Disyembre 15: Nagkampo ang mga tsuper at operator sa labas ng opisina ng LTFRB at nagdaos ng isang kilos-protesta sa Mendiola. 

Disyembre 18-29: Bilang protesta sa inilabas na memorandum ng LTFRB na hindi na papayagang pumasada ang mga tsuper na hindi kasapi ng kooperatiba, nag-anunsyo ang mga transport groups ng tigil-pasada hanggang sa huling “working day” ng taon.

Disyembre 31: Huling araw para sa mga tsuper at operator ng PUV upang tumugon sa franchise consolidation order.