Suportado ng mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon ang solusyong ayusin ang ugnayan ng administrasyon at mag-aaral na inihain ni Dr. Maria Diosa Labiste ng Departamento ng Peryodismo sa naganap na public forum para sa susunod na dekana noong Nobyembre 20, Martes, sa CMC Auditorium.
Sa paglatag ng mga nominado sa pagkadekana ng kolehiyo ng kani-kanilang mga solusyon, pinupunto ni Dr. Labiste ang pagkakaroon ng kritikal na diskursong publiko at pagsasaayos ng relasyon sa pagitan ng administrasyon at ng mga mag-aaral.
Nais naman ni Associate Dean Dr. Arminda Santiago ng Linangan ng Pelikula na paigtingin ang pagbubuo ng ethics committee sa pananaliksik, produksyon, at mga gawi ng mga nasasakupan ng kolehiyo.
Reaksyon ng mga mag-aaral
“Makikita sa dalawang nominado kung sino ang kumilala at inaral ang Maskom bago tinanggap ang nominasyon bilang susunod na dekana,” pahayag ni Michiko Palaran, pangulo ng UP CMC Interdependent Student-centered Activism (UP CMC ISA).
Dagdag pa niya, sa ganitong forum nakita kung sino sa mga nominado ang may tunay na pakialam sa kolehiyong paglilingkuran ng susunod na dekana, partikular na sa mga mag-aaral.
Sang-ayon sa kapwa estudyanteng sinusuportahan si Dr. Labiste, tumatak naman kay Jefferson Losito, chairperson ng Union of Journalists of the Philippines – UP, ang mga naging sagot ni Dr. Labiste sa pagpapabuti ng ugnayan sa pagitan ng mga mag-aaral at ng administrasyon bilang natatampok aniya ang ganitong isyu sa kolehiyo.
“Gusto kong makakita ng isang dekana na sumusuporta sa mga mag-aaral, at tangan talaga ang kahalagahan ng tunguhin ng Maskom,” dagdag niya.
Hinaing ng mga mag-aaral na magkaroon ng bukas na pakikipag-ugnayan sa pagitan nila at ng administrasyon ng kolehiyo upang magkaroon ng kalinawan sa mga usapin na matagal nang hindi napag-uusapan at nalalapatan ng solusyon.
Nakita ni Laurice Sy, Vice President for Academic Affairs ng UP Journalism Club, ang pagtulak ni Dr. Labiste ng kritikal na diskursong publiko bilang epektibong paraan upang maiparating ang mga hinaing ng mga mag-aaral, gayundin ng mga guro at kawani ng kolehiyo, sa administrasyon.
“We need to be able to have avenues to air our grievances and have mechanisms allowing freer communications among all members of our community,” pahayag pa niya.
Ang solusyong inilahad naman ni Dr. Santiago ukol sa pagpapaigting ng ethics committee ay pinuna ng mga mag-aaral. Bagama’t mainam ang ganitong solusyon, hindi sapat ang hakbang na ito upang tugunan ang mga problema sa kolehiyo, ayon sa mga estudyante.
“Nakikita naman ang importansya nito pero nakukulangan ako sa ganitong klaseng plano lamang,” pahayag ni Angel Tomas, punong kalihim ng Anakbayan Maskom.
Pareho ang naging pahayag nila Tomas at Palaran na may dapat na mas pagtuunan pa ng pansin ang administrasyon bukod sa pagbuo ng mga ganitong komite sa kabila ng pangangailangan nito sa kolehiyo.
“Mas dapat sigurong bigyang-diin sa mga estudyante na hindi dapat matakot magreklamo kung mayroon mang unethical deed na nagawa ang guro o staff ng Maskom,” ani Palaran.
Solusyon sa mga isyu ng kolehiyo
Sang-ayon sa plano ni Dr. Santiago ukol sa pagpapabuti ng kalagayan ng kolehiyo, nagbigay si Santiago ng kaniyang opinyon ukol sa pagkakaroon ng ethics committee sa iba’t ibang aspeto sa kolehiyo. Hindi nabanggit dito kung ano ang magiging komposisyon ng nasabing mga komite.
“We have to ‘enable’ everybody to know what these unethical things that are being bound to them or that they might do to others,” pahayag ni Dr. Santiago.
Inilahad naman ni Dr. Labiste na dapat ay mahubog ang pagkakaroon aniya ng ‘public critical discourse’ na nawawala na sa kolehiyo, at na bahagi ng kaniyang plano. Binigyang-diin din niya ang mga naging problema ng nagdaang administrasyon na dapat bigyang-pansin ng susunod na dekana.
Sa paglatag ng mga plano at pagsagot sa mga tanong, sandigan ni Dr. Santiago ang kanyang mga karanasan sa tagal ng kanyang pamamalagi sa kolehiyo, at tangan naman ni Dr. Labiste ang mga hinaing at mga hangarin ng mga mag-aaral na nag-udyok sa kanya na tanggapin ang nominasyon.
“I decided to run for the deanship because my nomination came from the students and I think they are my constituency and I represent their voice,” pahayag ni Dr. Labiste kaugnay sa kanyang tugon ukol sa Faculty-Student Relations Committee (FSRC).
Katayuan sa mga ibang mga isyu
Sa isyu ng FSRC, magkaiba ang katayuan ng bawat nominado.
“Kaya po ako part noon kasi nga po associate dean ako, pero hindi ako in-involve doon sa issue na ‘yun kasi nga may FSRC na may komite, tsaka nasa college secretary ang mga usapin,” paliwanag ni Dr. Santiago sa usapin ng FSRC. Hindi naging malinaw ang kanyang tugon sa pagresolba ng naturang isyu.
Plano naman ni Dr. Labiste na kausapin ang mga mag-aaral upang maisaayos ang ugnayan sa pagitan ng administrasyon at mga mag-aaral at matrabaho ng bawat isa ang bawat usaping kinapapalooban ng dalawang panig.
Ipinahayag ni Dr. Labiste na hindi na dapat maulit muli ang naganap na kontrobersya sa pagpili ng punong patnugot ng Philippine Collegian, at dapat tignan muna ang mga patakaran at aralin kung paano ito ipapatupad. Kanya ring binigyang-pansin ang Rebel Kulé at nirespeto ang pagkakatatag nito.
“I think the students have to be supported because being with the school paper is a service. It’s the great service to the university and to the community,” pahayag niya.
Resolusyon naman ni Dr. Santiago na alamin muna ang mga pamantayan, patakaran, at mga polisiya sa pagpili ng susunod na mamamahala sa Kulé.
“Ako po ay sang-ayon na tingnan natin kung ano ba po talaga kung ano po ang mga guidelines… at kung ano ‘yung rules kasi po magkaiba ‘yun,” tugon niya.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Selection Committee ukol sa susunod na dekana. Ipinahayag naman ni Ivy Joy Taroma, Student Regent ng UP System, na hindi pa napag-uusapan ng Board of Regents ang tungkol sa usaping ito at maaaring sa susunod na pulong ito mapag-usapan.
Ayon sa University of the Philippines Diliman Faculty Manual, ang dekana ng isang kolehiyo ay pinipili ng Board of Regents sa rekomendasyon ng tsanselor at pangulo ng Unibersidad. TNP
Dibuho ni Gene Paolo Gumagay. Litrato: (Santiago at Labiste) UP College of Mass Communication; (gusali) Gene Paolo Gumagay