Hindi pa tiyak ang mga agenda ng susunod na pulong ng Board of Regents (BOR) sa Pebrero 4, partikular na ang pagpili sa susunod na dekana ng College of Mass Communication (CMC), ayon kay UP Student Regent Ivy Taroma.
“I talked to [Chancellor Michael Tan] and he said he has yet to draft his recommendation letter to be submitted to the Board,” pahayag ni Taroma.
Ayon sa UP Diliman Faculty Manual, ang dekana ay pipiliin ng BOR sa rekomendasyon ng Chancellor at ng Pangulo ng Unibersidad.
Nobyembre nang nakaraang taon nang ipakilala ng search committee ang mga nominadong sina Dr. Ma. Diosa Labiste ng Departamento ng Peryodismo at Associate Dean Arminda Santiago ng UP Film Institute, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa napipili sa kanila ang magiging dekana ng kolehiyo.
Mahigit sa 200 pirma ang nakalap ng Rise for Education Alliance (R4E) CMC sa kanilang petisyon noong Enero 18 na ipinasa kay Chancellor Tan, upang ipanawagan ang suporta kay Dr. Labiste bilang susunod na dekana.
Kaugnay nito ay ang panawagan ng pagkakaroon ng bagong dekana ng CMC matapos ito’y hindi napag-usapan sa nagdaang pulong ng BOR noong Disyembre 2018.
“Manifestation ito na sawang sawa na ang CMC students sa repression mula sa term ni Dean Elena Pernia,” pahayag ni Jaycen Aligway, isa sa mga convenors ng R4E, ukol sa nakalap na mataas na bilang ng pirma ng mga mag-aaral.
Layon ng signature campaign, ayon kay Aligway, na irehistro kay Chancellor Tan ang pangangailangan ng CMC community ng makamasa at maka-Maskom na dekana na siyang tutugon sa mga pangangailangan, hindi lang ng mga mag-aaral, kundi ng buong komunidad ng kolehiyo.
“Nakakabahala na wala pa ring naitatalagang bagong dekana sa ating kolehiyo, sa kabila ng lahat ng kolektibong pagkilos na ginawa ng mga mag-aaral sa ating kolehiyo upang makapagpaupo ng isang karapat-dapat na dekana,” pahayag ni Reece Mendoza, chairperson ng UP CMC Freshies, Shiftees, and Transferees Student Council (UP CMC FST KONSE).
Para kay Michiko Palaran, pangulo ng UP CMC Interdependent Student-centered Activism (UP CMC ISA), nakakagalit umano ang mabagal na proseso ng pagpili ng bagong dekana dahil hindi nabibigyang-solusyon ang mga isyu na hindi na raw sakop ng patapos ng administrasyon ni Pernia na ngayo’y bagong-upong Vice President for Public Affairs.
Naging matunog na isyu sa administrasyon ni Pernia ang pagkakaroon ng Faculty-Student Relations Committee (FSRC) manual na sabing sumusupil sa mga karapatan ng mga organisasyon.
Sinabi rin ni Van Sulitas, chairperson ng UP Cinema, na magulo pa rin ang sistema sa kolehiyo dahil otomatikong si Dr. Pernia pa rin ang naka-upo kahit bababa na siya sa pagiging dekana ng kolehiyo.
“Malinaw na ang pag-dedelay na ginagawang ito ng BOR, na siyang magtatalaga ng bagong dean ng college, ay porma pa rin talaga ng pag-atake sa mga demokratikong karapatan ng buong Maskom,” ani Jose Mari Cabo ng Anakbayan Maskom.
Kasama ng iba’t ibang mga grupo sa CMC kagaya ng R4E na nagpahayag ng kanilang suporta kay Dr. Labiste gamit ang pampublikong statement ang CMC Student Council. Ayon sa konse, hindi nabigo si Dr. Labiste na pakinggan at suportahan ang mga mag-aaral sa pagsulong ng mga usapin, at sa pamamagitan niya ay babalik ang tindig ng kolehiyo sa mga isyu ng lipunan.
Sinubukan ng Tinig ng Plaridel na kunin ang panig ni Chancellor Tan ngunit wala pa ring tugon ang kanilang opisina.