[EDITORYAL] Hindi na lamang ito alaala. UP, kumilos ka.

Nang nanguna ang kandidatong si Ferdinand Marcos Jr. sa inisyal na bilang ng mga boto noong 2022, ano ang ginawa ng UP?

Paano tatandaan ng kasaysayan ang pamantasan ng bayan sa panahon ng malubhang krisis? Narito tayo sa loob ng ating mga kwarto, pilit na sumasailalim sa remote learning tulad ng ginagawa na natin sa mahigit dalawang taon na. Ipít ang ating mga guro dahil kailangan nilang magtrabaho sa loob ng minadaling semestre. Marami pang estudyanteng hindi nagpatuloy dahil sa kawalan ng kasangkapang kailangan para mag-aral sa internet.

Ang laman ng ating mga kurikulum ay malinaw: Ang Martial Law ang isa sa mga pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Halos daang-libo ang pinatay, dinakip o nawala na lamang bigla. Ginamit ang agham at teknolohiya para sa madugong adhikain. Binaluktot ang midya at sining upang masunod ang kalooban ng pamahalaan. 

Laman ng ating babasahín ang mga estadistiko at detalyeng ito, at nakapunla na sa ating memorya. Bawat Setyembre, inaalala rin ng unibersidad ang pagpataw ng batas militar sa ating bansa at ang pakikibaka ng sambayanan upang tutulan ito. 

Subalit, sa pangunguna ni Marcos Jr. sa panimulang bilang ng resulta ng halalan ngayong taon, ang mga eksenang matagal na nating kinatatakutan ay maaaring hindi na lamang gunita. Ang panahong kinukundena natin sa ating mga pag-aaral ay hindi malayong maulit muli. Dito natin tinatanong: Ano ang silbi ng ating paggunita kung hindi tayo kikilos sa panahong ang malagim na alaala’y sinasabuhay na natin?

Kung ang edukasyong tinatamasa natin ay dahil sa taumbayan, nasaan ang UP ngayong kailangan ito ng bansa? Lahat ng ating mga sinaulo at inintindi ay magiging hungkag kung hindi natin ito isasapraktika. Ang mga araling dinidibdib natin sa remote learning setup ay mabubura lamang kung hindi naman natin ito kayang isakilos.

Paano natin gagampanan ang ating tungkuling ipagtanggol ang demokrasya kung tayo’y kulong sa pang-akademikong gawain habang ang demokrasya’y napipiit? Hindi natin mapagtatagumpayan ang tawag sa ating magsilbi kung ang unibersidad mismo ang nagkukulong sa atin sa apat na sulok ng klasrum o sariling silid.

Ano ang silbi ng pag-aaral ng katotohanan kung hahayaan ng pamantasang maghari ang kamalian at kasinungalingan? Sa panahong ginugol natin upang magwasto at arálin ang wasto, bakit nananahimik ang UP sa panahong kabaligtaran ang nananaig?

Ang mga tanong na ito ay masasagot kung ituturol natin ang porma ng edukasyong dala ng pamantasan. Ito ay iniluwal ng neoliberal, kapitalista at pandayuhang pag-iisip. Ang pagpapanatili ng pang-akademikong gawain sa gitna ng krisis ay isang simbolo ng pasistang pamamahala—na siyang ating kinakalaban sa panahon ngayon. Kung sakaling maupo si Marcos Jr. bilang pangulo ng bansa, yuyuko na lamang ba ang mga administrador at rehente ng UP?

Kilala ng kasaysayan ang UP bilang isang malakas na tinig sa panahon ng krisis. Lumabas sa UP ang pinakamalulubhang despot, ang mga nagwawalang-bahalang mamamayan at ang pinakamatatapang na iskolar-aktibista. Ngayon, ang UP ay nasa sangang-daan. Ang susunod na mga hakbang na gagawin ng pamantasan ay ituturing ng kasaysayan bilang sadyang pagkilos. Ang katahimikan nito ay nakabibingi na. At sa minsang pagkakataon, ang kawalang-tindig ng UP ay nakamamatay rin.

Hindi pagkulong sa remote learning ang sasagot sa mga suliraning ito. Kinakailangang tumugon ang UP sa militanteng kasaysayan nito, na siyang nakikiisa sa masa, lalo na sa pagpapatalsik ng pasistang diktador.

Kaugnay nito, singilin natin ang Commission on Elections ng paliwanag sa magulong sistema ng halalan. Sa pangunguna ng mga ulong hinirang ni Pangulong Duterte, hinayaan ng komisyong tumakbo ang kandidatong hindi sumipot sa mga debate, maging sa mismong talakayang inihanda nila. 

Hinayaan nilang tumakbo ang isang kandidatong hindi nirerespeto ang gampanin ng mga mamamahayag sa demokrasya. Hinayaan nilang tumakbo ang isang kandidatong nagsisinungaling at nanlilinlang sa taumbayan. Hinayaan nilang tumakbo ang kandidatong hindi nagbayad ng buwis—batas na mahigpit na ibinababa sa ordinaryong mamamayan. 

At sa huli, nagtaksil ang Comelec sa bansa dahil hinayaan nila na ang anak ng diktador na tumakbo para sa pinakamataas na pwesto ng gobyerno. 

Magsasawalang-bahala na lamang ba ang unibersidad na makalusot ang isang kandidatong katulad ni Marcos Jr., na siyang pagsasatao ng lahat ng birtud na winawasto ng mga propesor ng pamantasan?

Sa ating kabataan, napatunayan na natin ang kapangyarihan nating gumawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagmartsa kasama ang masa. Nang naghigpit ang ama ni Marcos Jr. sa pamantasan, tumungo tayo sa lansangan at nagprotesta. Nang pinalala ang atake sa unibersidad, hindi tayo natakot na barikadahan ang ating kampus mula sa mga puwersa ng estado. At nang nagsama ang masa upang patalsikin ang diktador, sumama tayo sa kanilang panawagan at pinunó natin ang mga kalsada ng ating mga hinaing.

Ngayon na nagtatangkang bumalik sa Malacañan ang mga anak ng diktador, tayong anak ng matatapang na ninuno ay babalik din sa lansangan. At kung anuman ang magbunga sa halalang ito, sa labas pa rin tayo magkikita; dahil ang klasrum at ang parliamento ay hindi naisusulok o naikukulong, bagkus ay isinasabuhay kasama ang masang Pilipino.