UP Badminton Teams, pasok sa Final Four ng UAAP Season 88

Tapang at talino ang ipinamalas ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa huling araw ng eliminations ng UAAP Season 88 Badminton Tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall noong Sabado, Oktubre 18.

Aabante sa semifinals ang UP bilang ikatlong binhi sa men’s category, habang mananatili sa ikalawang puwesto sa women’s division.

Dangal sa bawat palo 

Siniguro ng UP Men’s Badminton Varsity Team (BVT) ang puwesto nito sa Final Four matapos walisin ang Adamson Soaring Falcons, 5-0.  

Tinuldukan ng State U ang kampanya nito para sa huling araw ng eliminations bitbit ang 3-2 record, dahilan para umangat sa ikatlong puwesto sa team standings.

Nagpakitang-gilas si Shan Clar sa panimulang laban ng dalawang koponan kung saan pinilasan niya ng pakpak si Kyrik Roldan 21-14, 21-10, upang agad na magtala ng 1-0 na lamang para sa Fighting Maroons.

Maagang lamang naman ang hatid ng beterano ng UP na si Jelo Albo matapos paulanan ng forehand smashes si John Russel Oliveros at magtala ng 21-5 sa unang set, bago tuluyang selyuhin ang panalo sa iskor na 21-15 sa sumunod na set upang ihatid ang State U sa 2-0 sa team-tie standings. 

Fighting Maroon Jelo Albo laban sa UST Growling Tigers noong Oktubre 11. Larawan mula sa UAAP Season 88 Media Team

Nagsanib-puwersa rin ang bagong tambalan ng Fighting Maroons na sina Arjay Lazareto at Ryan Mendoza upang patumbahin ang duo nina Nathaniel Acedillo at Oliveros sa unang hidwaan sa men’s doubles, 21-10, 21-12. 

Hindi naman nagpadagit sa Falcons ang opensa nina Albo at Mark Anthony Bernal matapos mapigilan ang tangkang paghabol ng tandem nina Gabrielle Ganoy at Noel Hernandez Jr., 21-15, 21-19, sa ikalawang men’s doubles match upang mapanatili ang 4-0 bentahe ng State U.

Hindi na rin pinatagal pa ni Kervin Llanes ang bakbakan nang patiklupin si Nathaniel Acedillo, 21-16, 21-18, at ipaskil ang perpektong 5-0 team-tie record para sa UP.

Ayon kay Albo, ilan sa mga kailangan pa nilang pagtuunan ng pansin ay ang pag-aangkop sa ritmo ng laro ng bawat isa.

“Siguro ‘yong ia-adjust namin is ‘yong mga games ng bawat isa sa amin especially sa doubles [kasi] parang doon kami nahihirapan [at] parang nagkakalituhan pa,” aniya sa panayam ng Tinig ng Plaridel.

Dagdag niya, dama pa rin ng ilang miyembro ng Men’s BVT ang pangambang dala ng unang beses na paglalaro sa eliminations.

Puso hanggang dulo

Hindi naman napatid ang katapangang ipinakita ng defending champions UP Women’s BVT sa kabila ng pagkatalo laban sa Ateneo de Manila University, 0-5.

Nagtulak anila sa rookies ang pagkawala sa korte ng senior na si Kimy Lao, na kasalukuyang umiinda ng knee injury, upang lalong puspusan ang bawat paghampas ng raketa. 

Sa unang laban, naitulak ni Susmita “Sushi” Ramos ang pagtutuos nila ni Blue Eagle Angel Valle sa tatlong sets bago ito mabitin sa pagtatapos sa iskor na 18-21, 21-9, 22-24.

Fighting Maroon Sushi Ramos sa laro laban sa Adamson Lady Falcons noong Oktubre 11. Larawan mula sa UAAP Season 88 Media Team

Nanaig naman ang national champion na si Mika De Guzman matapos magpakitang-gilas sa naghaharing MVP na si Anthea Gonzales ng UP, 10-21, 14-21, sa ikalawang salpukan ng women’s singles at nagtala ng 2-0 bentahe para sa Ateneo. 

Hindi rin sumapat ang pagpupumiglas nina Fighting Maroons Krissa De Leon at Sushi Ramos upang makawala sa kuko ng tambalang Althea Fuentespina at Althea Hernandez ng Blue Eagles, 12-21, 21-17, 18-21, dahilan para selyuhan ng Ateneo ang 3-0 na lamang sa serye.

Bigo rin ang pagsagupa nina Gonzales at Shei Dela Cruz sa pagaspas nina De Guzman at Jochelle Alvarez, 11-21, 6-21, kung saan lalong nailayo ng Ateneo ang agwat sa talang 0-4. 

Sa kabila naman ng matinding pagsisikap, hindi nakasungkit ng panalo ang baguhang si Brys Fuggan kontra sa beteranong si Althea Ocampo sa huling laban ng women’s singles na nagtapos sa parehong 13-21 upang tuluyang isara ang team tie sa 0-2 na pabor sa Blue Eagles.

Ibinahagi ni Fighting Maroon sophomore Niki Paz na ang laban ng Women’s BVT kontra Ateneo ang pinakamalaking adjustment na kinaharap ng koponan, higit pa ngayong injured ang kanilang team captain na si Lao.

“Tuloy-tuloy lang po [ang nakasanayang laro], trust our team, coaches and continue what we are doing,” pahayag ni Paz sa TNP.

Sa kabila ng pagkatalo, nagtamo ng 4-1 record ang Fighting Maroons upang makaupo sa ikalawang puwesto papasok ng Final Four.

Susubukan ng UP Badminton Teams na humakbang patungo sa kampeonato sa kanilang pagtutuos ng National University sa semifinals sa Martes, Oktubre 21, sa parehong venue.

 

Kabuuan na iskor (UP Men’s BVT) : UP-Adamson: 5-0 

1st Singles: Clar (W 21-14, 21-10)

2nd Singles: Albo (W 21-5, 21-15)

1st Doubles: Lazareto, Mendoza (W 21-10, 21-12)

2nd Doubles: Albo, Bernal (W 21-15, 21-19)

3rd Singles: Llanes (W 21-16, 21-18)

 

Kabuuan na iskor (UP Women’s BVT) : UP-Ateneo: 0-5

1st Singles: Ramos (L 18-21, 21-9, 22-24)

2nd Singles: Gonzales (L 10-21, 14-21)

1st Doubles: De Leon, Ramos (L 12-21, 21-17, 18-21)

2nd Doubles: Dela Cruz, Gonzales (L 11-21, 6-21)

3rd Singles: Fuggan (L 13-21, 13-21)