Nagtala ng magkaibang resulta sa kanilang laban kontra National University (NU) ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) Fighting Maroons upang tuldukan ang kanilang kampanya sa elimination round ng UAAP Season 86 basketball tournaments.
Sa kanilang pagkapanalo, nakamit ng UP Men’s Basketball Team (UP MBT) ang kauna-unahan nitong top-seed finish sa liga, samantalang bumaba naman sa ikatlong pwesto ang UP Women’s Basketball Team (UP WBT) upang bitiwan ang inaasahan sanang twice-to-beat na kalamangan.
Walang paawat na opensa
Sa kabila ng inaasahang dikitang pagtatapat, tinapos ng UP MBT ang inaasam na pagsosyo ng NU Bulldogs sa unang puwesto ng liga, 79-57, upang angkinin ang twice-to-beat na kalamangan nitong Linggo, Nob.19, sa Mall of Asia Arena.
Pinangunahan ni kasalukuyang MVP Malick Diouf ang UP matapos magtala ng 11 puntos, walong rebounds at tatlong blocks upang selyuhan ang kanilang ika-12 na panalo sa liga.
Umalalay din sa opensa ang Rookie of the Year frontrunner na si Francis Lopez matapos magparada ng 13 puntos habang nagdagdag naman ang kapitan ng koponan na si CJ Cansino ng 11 puntos.
Sinubukang pumuntos ni Rookie of the Year frontrunner Francis Lopez kontra sa depensa ni Omar John ng NU sa muling pagtatapat ng dalawang koponan sa Mall of Asia Arena. Kuha ng UAAP Media Team.
Maagang umalagwa ang State U matapos magtamo ng mga forced turnovers ang Bulldogs na nagsilbing mitsa upang makapagtala ng 10 puntos na kalamangan ang UP sa pagtatapos ng panimulang quarter.
Bagaman rumesbak ang NU upang ibaba sa pito ang kalamangan, 44-37, hindi nila napigilan ang pagratsada ng UP na sumagot ng 10 puntos ilang minuto bago matapos ang ikalawang quarter upang palawakin sa 54-39 ang bentahe.
Hindi na nakabalik pa ang opensa ng Bulldogs hanggang sa ikahuling bahagi ng laro, samantalang hindi naman nagpaawat sa pagkamada ang Fighting Maroons na nagawang palakihin sa 25 puntos ang kalamangan.
Ayon kay UP Head Coach Goldwin Monteverde, naging maganda man ang simula ng kanilang laro, nakitaan pa rin ng kakulangan sa depensa ang koponan sa gitnang bahagi ng laban.
“We really needed to prepare yung defense namin at the same time trying to improve pa rin playing as a team on both ends,” saad ni Monteverde sa panayam pagtapos ng laro.
Samantala, pinamunuan naman ni Jake Figueroa ang NU matapos magparada ng 15 puntos, 10 rebounds at tatlong steals.
Kapos na panapos
Sa kabilang dako, hindi naging sapat ang magandang simula ng UP WBT upang talunin ang kampyon ng liga sa nakalipas na pitong taon, ang NU Lady Bulldogs, 59-81, sa Smart–Araneta Coliseum noong Sabado, Nob.18.
Bagaman kinapos sa inaasam na twice-to-beat na kalamangan, pinamunuan pa rin ni Gilas standout Louna Ozar ang pagpupunyagi ng State U matapos umariba ng 14 puntos, limang assists at dalawang steals.
Rumonda rin sa opensa ang rookie na si Favour Onoh na nagtala ng 10 puntos, anim na blocks at dalawang steals, habang sumaklolo rin ng 10 puntos si Kaye Pesquera.
Sa kabila ng maagang pag-alagwa ng Lady Maroons sa unang apat na minuto ng panimulang quarter, nagawa pa ring ibaba ng NU sa lima ang kalamangan bago tumungo ang laro sa ikalawang quarter, 23-18, kung saan nagtuloy-tuloy ang pagratsada ng NU upang agawin ang kalamangan bago matapos ang first half, 39-41.
Tuluyan nang lumobo ang kalamangan ng NU sa ikatlong quarter matapos pangunahan ni Angelica Surada ang 10 sunud-sunod na puntos ng koponan na sinamahan pa ng 3-pointer ni Gypsy Canuto.
Bukod dito, naging malaking balakid din sa State U ang kanilang tahimik na opensa matapos malimitahan sa 8 puntos ang kanilang produksiyon laban sa 19 ng Bulldogs.
Hindi na hinayaan pa ng NU na makabuwelo ang UP nang magtarak ito ng 9 na puntos sa mga unang minuto ng panghuling quarter upang alagaan ang kanilang malaking kalamangan hanggang sa matapos ang laro.
Umariba para sa Bulldogs si Canuto matapos umasinta ng 16 puntos at anim na rebounds upang ipaghiganti ang kanilang nag-iisang talo sa liga mula sa State U.
Naghahanda na ang Fighting Maroons sa inaasahang bakbakan sa Final Four kung saan makakaharap ng UP MBT ang mananalong koponan sa pagitan ng Ateneo Blue Eagles at Adamson Soaring Falcons sa Sabado, Nob. 25, sa Smart-Araneta Coliseum.
Magtatapat naman ang UP WBT at twice-to-beat na UST Growling Tigresses sa darating na Miyerkules, Nob. 22, sa Mall of Asia Arena.
UP MBT QUARTER SCORES: 23-13, 42-30, 58-45, 79-57
UP WBT QUARTER SCORES: 23-18, 39-41, 47-60, 59-81