Panawagan sa pondo ang pinatambol ng mga student journalist mula sa iba’t ibang publikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) kasabay ng pagbabalik-operasyon ng mga pahayagang pangkampus na ilang taong nahinto sa pagbabalita.
Bagaman patuloy ang revival ng mga nasabing publikasyon, pilay pa rin ang kanilang operasyon dahil sa kakulangan sa mga miyembro at kawalan ng pondo, ani mga patnugot sa UP Solidaridad Biannual Congress noong Pebrero 2 sa UP Diliman.
Isa na rito ang Scientia mula sa College of Science (CS) ng UP Diliman, na nagbalik sa operasyon noong Setyembre 2025 makalipas ang tatlong taong tigil-operasyon.
Bagaman may 20 miyembro na ang pahayagan sa kasalukuyan, naging hamon dito ang maliit na komposisyon nang huminto ito sa pagbabalita.
“Matagal na siyang plano [ang revival ng Scientia] pero after that [pandemic] no’ng nawala na ‘yong mga leaders na nag-maintain ng Scientia, hindi na nakahanap ng next liner,” paliwanag ni Czerina Caldit, punong patnugot ng Scientia sa panayam ng Tinig ng Plaridel.
Wala ring natanggap na pondo ang Scientia mula sa tatlong taon nitong pagkakahinto sa kabila ng nakatalagang pondo para sa pahayagan mula sa student fees sa tuition ng mga mag-aaral ng CS.
Nakasabatas sa Section 21 ng UP Charter of 2008 ang pondo ng mga publikasyong pangkampus sa pamantasan: “Subject to due and comprehensive consultation with the students, there shall be a student publication established in every constituent unit and college to be funded by student fees.”
Hindi naman nalalayo ang kalagayan ng Scientia sa mga publikasyong muling binuhay mahigit isang taon na ang nakalipas.
Ang The Public Herald, opisyal na pahayagan ng College of Public Health ng UP Manila, ay nananatiling aktibo sa pagbabalita sa kabila ng kakulangan sa miyembro at kawalan ng opisina.
Sa 16 na miyembro ng pahayagan, 11 ay bahagi rin ng patnugutan, ani punong patnugot Sofia Isabelle Bautista.
Patong-patong na responsibilidad ang kinaharap ng mga miyembro nang umimpis ang komposisyon ng publikasyon bunsod ng pandemya, dagdag ni Bautista.
Isinagawa noong 2024 ang revival ng The Public Herald. Patuloy nitong pinoproseso ang official recognition sa kolehiyo upang ganap na maibalik ang operasyon nito.
KAUGNAY: UP student journos welcome new pubs in alliance
“Mahirap magbigay ng time frame sa kung ilang years nang inactive ‘yong pub dahil ang ugat ng problema ay nandoon sa bigla-biglang inactivity throughout the years,” sabi ni Bautista sa TNP. “Hindi kasi siya consistent.”
Dagdag ni Bautista, kagyat ang recognition sa The Public Herald bilang opisyal na publikasyon ng kolehiyo dahil ito ang unang hakbang para makatanggap ng pondo.
Nananatili rin na “reviving publication” ang pagtingin ni Sophia Mau, punong patnugot ng Frontliner mula sa UP Diliman Extension Program in Pampanga (UP DEPPO), sa kanilang pahayagan matapos nitong magbalik-operasyon noong Nobyembre 2024.
“Reviving pub pa lang siya from ground zero, actually. [Ang] hirap i-navigate ng philosophy and political stance ng mga members lalong-lalo na UP DEPPO is not as political as compared to other campus units within the UP system,” ani Mau sa panayam ng TNP.
Malaking hamon din ang kakulangan sa malinaw na patakaran at pondo. Bagaman may trust account ang publikasyon, nakadepende pa rin aniya ang kanilang budget sa income-generating projects, solicitations, donasyon at personal na ambag ng mga miyembro.
“Naipon na ‘yong funds namin and it’s still unclear to us. Sobrang vague pa rin ‘yong proseso at pagkuha ng pondo,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ng UP Solidaridad — ang pinakamalawak na alyansa ng mga pahayagang pangkampus at writers organization sa UP system — kabilang ang Scientia at Frontliner sa mga publikasyong nararapat makatanggap ng student fees mula sa tuition fee system.
Ngunit sa kasalukuyan, tanging mga college publication lamang sa UP Visayas — ang Pagbutlak at The Accounts — ang nakatatanggap ng ganitong pondo.
Pagpapatibay ng campus press
Kasabay ng panawagan para sa pondo, nagpasa ng isang resolusyon ang UP Solidaridad na inuudyok ang lahat ng mga konseho ng mag-aaral sa UP System na suportahan ang patas at tuloy-tuloy na pondo, fiscal autonomy at legal na proteksyon para sa mga pahayagan pangkampus sa nagdaang 60th General Assembly of Student Councils sa UP Diliman.
PANUORIN: Resolusyon para suportahan ang pondo, recognition ng UP student pubs, aprubado sa GASC
Kabilang sa mga sinisikap ng UP Solidaridad ang muling pagtatalaga ng mga consul-general sa iba’t ibang constituent unit upang mas mapalakas ang koordinasyon ng mga publikasyong muling binubuhay.
“So with ‘yong pagkakaroon ng consul-general sa mas malalaking campuses, may makakapag-initiate na rin ng kusang pag-revive sa ibang campus publication,” ani UP Solidaridad Chairperson Vyan Abella.
Itinalaga si Aya Ancajas ng Tambuli, newsletter ng Union of Journalists of the Philippines-UP (UJP-UP), bilang consul-general para sa Diliman campus, habang nagkaroon din ng mga kinatawan ang alyansa sa bawat UP unit.
Iginiit din ni Abella ang kahalagahan ng pagre-revive sa mga publikasyon ng bawat kolehiyo at hindi lamang sa antas ng bawat constituent unit.
“Kapag mas marami ring revived student publication, mas magagampanan ang mandato ng campus press na maghayag at maglantad ng mga isyung pang-estudyante,” ani Abella. “Lalo itong magagampanan kung mas maraming publikasyon sa mga kolehiyo o departamento mismo na makakatutok lalo sa isyu ng mga estudyante doon.”
Anim na publikasyon ang kasalukuyang nasa revival process, ayon sa UP Solidaridad.
Karamihan dito ay mga college publication mula sa UP Diliman. Maliban sa Scientia, binubuhay pa rin ang The UP Parser ng College of Computer Science, SIGLA Magazine ng College of Human Kinetics at NCPAG Umalohokan ng National College of Public Service and Governance (NCPAG).
Sa kabuuan, siyam naman ang inactive na mga publikasyon sa UP Diliman, ayon sa ulat ng UJP-UP noong 2025.
Isinusulong din ang pagbabalik ng The Voice of UPLB DevComSoc sa UP Los Baños at SALO sa UP Mindanao.