“Ayon kay Miss Universe 1994 Sushmita Sen, ang diwa ng pagkababae ay ang pagsilang ng sanggol. Para sa’yo, ano naman ang esensya ng pagiging LGBTQIA+?”
Hiwa-hiwalay ang mga nakadilaw na uniporme sa loob ng open court, hindi kagaya nang una kong pagbisita rito. Magkakakumpol sila sa ilalim ng lagkit ng araw kasama ang mga mahal sa buhay. Lahat sila, nakadikit ang mga mata sa long gown ng mga kandidata ng Miss Gay Planet.
Anibersaryo ng isang grupo sa male dorm ng Quezon City jail sa Brgy. Kamuning, kaya’t nakapagliwaliw ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL). Iniladlad ng mga transgender women ang kanilang rikit sa isang patimpalak ng pagandahan.
Si Mikay, isang PDL na transgender woman, ang huradong nagbato ng tanong para sa Top 3. Nakapulang lace blouse siya na humahapit sa hubog ng kaniyang katawan. Nakatakong, maikling shorts at kwintas na sinasabing buo ako. Babae. Iba sa ideya ni Sushmita Sen.
Kwento niya, malaki raw ang pagpapahalaga sa mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ sa loob. Bawal bastusin, apihin at kutyain.
Sa totoo lang, paraluman ang turing sa kanila rito. Nililigawan, ikinakasal. May pinipirmahang mga papeles, may pinanghahawakang mga pangako. May mga karapatan silang tinatamasa na para sa atin ay pangarap lang.
Marami na siyang nagdaang kasintahan. Papasok sila sa loob, malulunod sa pag-asang dulot ng panandaliang pag-ibig at bibiguin ang mga puso sakaling dumating na ang oras ng pagbalik sa laya.
Sa dalawang beses na pagbalik ko sa unit, napansin kong kakaiba ang paggamit nila sa salitang laya.
Ginagamit natin ang laya bilang paglalarawan sa mga taong hindi na batid ang mga araw ng paggapos o bilang isang pandiwang nagsasaad ng pag-alpas. Lalaya na siya.
Ngunit para sa kanila, pangngalan ang laya. Lugar ang laya. Sa laya.
Halos 11 taon na nang huling nakapunta si Mikay doon. Sa laya nakatira ang dalawa niyang anak, na parehong isang taong gulang pa lamang noong siya ay lumisan. Sa laya nakalibing ang ama nila, ang dating kasintahang hindi niya man lang nasaksihan ang mga huling bakas ng buhay.
Sa laya naroon ang mga dating kaibigang pakiramdam niya ay nakalimutan na siya. Kinalimutan? Baka. Sa laya siya ipinanganak, lumaki at natutong magmahal. Sa laya nakatira ang noon ni Mikay.
Ngunit iba ang labas sa laya.
Sa parehong beauty pageant ko inaasahang lumabas si Crizel na isang computer engineering student. Unang taon niya sa kolehiyo nang siya ay nahuli dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Si Crizel ang nagsabi sa aking manood daw ako dahil sasali siya sa beaucon.
Lumabas si Miss Mercury, isang may edad na trans woman. Gawang-gawa ang hinaharap nito. Hindi siya si Crizel. Sumunod si Miss Venus, rumampa siya nang walang tugtog. Hindi rin siya si Crizel. Baka naman si Miss Earth o Miss Mars. Umasa akong may Miss Pluto pagkatapos ni Miss Neptune. Walang lumabas na Crizel.
Inilipat na pala siya sa Payatas. Bago itong pasilidad para sa mga PDL sa Quezon City. Gaya ng dati, nakasalansan pa rin sila sa mga kalalakihan.
Nang una ko siyang nakita, hindi maikakaila ang lambot sa kaniyang pisikal na mga katangian. Tuwid na tuwid ang buhok, may blonde highlights at pilak na hikaw.
Nakakapagpasok siya sa loob ng gamot para sa kanyang gender-affirming hormone therapy. Ito ang mga iniinom ng mga transgender na indibidwal upang luminya ang kanilang pisikal na anyo sa pagtingin nila sa kanilang mga sarili.
May tindahan siya sa dati niyang kwarto. Maliit lang ang ekonomiya sa loob, ngunit malakas ang benta. Kwento niya, dahil dito ay nakapagpatayo siya ng tindahan ng fried chicken sa laya. Para sa kaniya, ang pera ay kapangyarihan.
Hindi mo aakakaling 22 taong gulang lang si Crizel kung mag-isip. Sinubok at hinubog na siya ng panahon. Pinabilis ang pagtanda niya dahil sa pagkakakulong at pananatili sa loob.
Isa. Matagal na nang lumabas ang una niyang napangasawa. Hindi ganoon kaganda ang kalagayaan nila noon sa loob dahil si Crizel ang bumubuhay at nagpapakain sa kanilang dalawa. Nagmamahal, pero may kurot ng hirap.
Dalawa. Nagsimulang bumaliktad ang palad ni Crizel sa pangalawa niyang asawa sa loob. May taglay itong rangya na pumunan sa kaniyang mga pangangailangan.
Tatlo. Sa loob, kapag ikinasal ka, hindi ka na maaaring lumingon at magnasa sa labi ng iba. Kaya’t nang dumating ang ikatlong napangasawa ni Crizel, gulo ang inabot nila pare-pareho.
Kinailangan niyang pumili ng tamang taong pagtutuunan ng pansin at paglalaanan ng panahon. Lumakad siya palapit sa bagong kakilala at pinili muli ang humaling na dulot ng pag-ibig.
Nang lumaya ito, nagkaroon ng mga alinlangan si Crizel. Bakit ako? Makakahanap kaya siya ng iba? Bakit hindi na lang tunay na babae? Pero babae si Crizel. Totoo at tunay.
Dagdag na piitan para kay Crizel ang mga lumang gawi at paniniwala. Mas malaki pa ito kaysa sa nilipatan niya sa Payatas.
Apat na taon na halos si Crizel sa loob. Ganito na rin sila katagal ng kasintahan niya sa laya. Alam ni Crizel na ang mga relasyong nabuo sa likod ng mga selda ay lumilipas.
Limang buwan lang dapat ang pinakamatagal na panahon ng paglilitis sa kaniya. Hindi raw kasi dumadalo sa mga paglilitis ang arresting officer ni Crizel, kaya’t hindi makausad ang kaso.
Ganito rin ang kwento ni Mikay. Pati ng marami pang PDL na nagsisiksikan sa mga selda ng Quezon City at buong Pilipinas.
Sa gawing ito lang hindi maihihiwalay ang mga transgender women sa mga kasama nilang kalalakihan sa loob. Magkakaugnay sila hindi sa kanilang kasarian nang ipinanganak, bagkus sa danas ng mabagal na pag-usad ng katarungan upang muli na silang makabalik sa dati nilang mga buhay.
Sa laya.
Mula sa patnugot: Ang orihinal na bersiyon ng artikulong ito ay pinasa sa klaseng Newsroom (J121) ni Theresa Martelino-Reyes.