Mga panawagan para sa pagggawa ng batayang proseso sa opisyal na pagkilala ng mga publikasyon at mas maayos na sistema sa pagkuha ng pondo ang ilan sa mga tinalakay na isyu sa huling araw ng pambansang kongreso ng University of the Philippines Systemwide Alliance of Student Publication and Writers’ Organization (UP Solidaridad) nitong Miyerkules, Peb. 7.
Binigyang-diin ito sa isang aprubadong resolusyon na isinulong ng Lanog ng UP Cebu College of Communication, Art and Design, Tanglaw ng UP Los Baños College of Development Communication (CDC), Ang Tagamasid ng UP Manila College of Arts and Sciences (UPM CAS) at Tinig ng Plaridel ng UP College of Mass Communication (UP CMC).
Giit ng mga may-akda na nalilimitahan ang kanilang operasyon dahil sa mahabang proseso ng pagkuha ng pondo at pormal na pagkilala bilang publikasyon ng kolehiyo.
BASAHIN: Staffer inactivity, bureaucracy challenge UP pubs’ operations
“Lack of recognition translates to lack of trust sa pag-cover ng college events,” ayon sa Tanglaw.
Samantala, hindi na ito bagong suliranin para sa Tanglaw na naranasang malimitahan sa pag-uulat ng mga balita sa loob ng kanilang kolehiyo dahil hindi pa rin ito kinikilala bilang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng CDC.
Dahil naman sa kawalan ng pormal na dokumentong kumikilala sa Tinig ng Plaridel (TNP) bilang opisyal na pahayagan ng CMC, nahihirapan din ang publikasyon na matiyak ang seguridad ng mga miyembro nito.
Nakaraang taon, pinaratangan ng isang blogger ang publikasyon matapos ang pagbabalita nito sa araw ng pagpili ng UPD chancellor, dahilan upang atakihin ng trolls ang mga online platforms ng TNP. Ayon kay Jason Sigales, dating punong patnugot ng publikasyon, dito nila pinakanaramdaman ang kakulangan ng suporta mula sa administrasyon ng CMC.
“[S]abi sa amin ng admin na babalik at babalik pa rin yung problema sa recognition. Kung dedepensahin daw man kami ng admin sa trolls, wala raw silang mapanghahawakan na dokumento para gawin ‘yon,” ani Sigales.
BASAHIN: Tinig ng Plaridel’s Statement on a Blogger’s Accusation Against the Publication
Dagdag pa rito, mayroong ilang publikasyon tulad ng Ang Tagamasid (AT) na hindi pa rin nakatatanggap ng “reimbursement” para sa gastos sa nakaraang pagpupulong ng UP Solidaridad at General Assembly of Student Councils noong Agosto.
“AT had to resort to loaning money from the CASSC and private entities, spending funding supposedly allocated for printing, and participants paying for other costs,” saad ng resolusyon.
Kahit na kinikilala ng kolehiyo ang AT bilang publikasyon, patuloy pa rin ang kahirapan sa pag-akses ng kanilang pondo. Ayon sa publikasyon, bukas lamang para mga “systemwide events” ang reimbursement mula sa Office for Student Services.
Bagaman nakatatanggap ng pondo ang mga pang-unibersidad na publikasyon, hindi pa rin dapat natatapos ang patuloy na pagtambol sa panghingi ng sapat na pondo para sa mga lokal na publikasyon, ayon sa The Manila Collegian ng UPM.
“Hindi totoong tagumpay kung may fund ang [university publication] pero underfunded ang college pub,” saad ni MKule News Editor Jermaine Abcede sa pagsuhay nito sa resolusyon.
Naaprubahan din ang resolusyong isinulong ng The Cursor ng UP Open University na nagtutulak upang magkaroon ng kinatawan ang mga publikasyon sa mga usapin at pagpaplano tungkol sa kanilang pondo upang mabigyang-aksyon ng administrasyon ang kanilang danas.
Taon-taong humahadlang sa operasyon ng mga lokal at pang-unibersidad na publikasyon ang suliranin ng kawalan ng pagkilala at akses sa kanilang pondo.
Sa katunayan, inaprubahan ang katulad na resolusyon sa pagpupulong ng UP Solidaridad noong 2023.
BASAHIN: Amid persisting attacks, student journos urge UP to streamline processes for funding
Dahil dito, idiniin ng resolusyon na dapat magpanukula ng isang klaro at mabisang recognition process, lalo na sa mga susunod na publikasyong mabubuo at magiging aktibo muli sa hinaharap.
“Adequate funding is a right of every student pub and student because it guarantees them their assertion of their democratic needs,” saad ng resolusyon.
Kasama rin sa mga resolusyong naaprubahan sa katatapos na pagpupulong ay ang paglikha ng isang sistematikong panuntunan para sa seguridad ng mga miyembro ng UP Solidaridad at pagdeklara sa ika-7 ng Pebrero bilang “National Day of Action Against Media Attacks.”
(Mula sa ulat nina Kyle Angelo Cristy, Albert Josef Lirio at Karmela Melgarejo)