ni Harry Serrano
Sa panahong hinuhugasan ng mga Marcos ang kanilang madugong apelyido, naghihikahos ang sining upang angkinin ang naratibo at ihayag ang katotohanan ng nakaraan: na pinalayas ng masa ang isang diktador sa Malacañang, higit tatlong dekada na ang nakalilipas. Isang panawagan ang “Oras de Peligro” na namamasa na muli ang dugong tinuyo ng paglimot.
Sa panulat ni Boni Ilagan at direksyon ni Joel Lamangan, parehong aktibista at survivors ng Batas Militar, sinundan ng pelikula ang kwento ng isang dukhang pamilyang pinipilit makibaka sa huling mga araw ng diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.
Layon ng pelikulang makita ng mga Pilipino ang sarili nila sa pamilyang Marianas at mapagtantong ang araw-araw nilang danas at opresyon ay nakahabi sa mga nasa kapangyarihan.
Sa pamamagitan ng mga klip ng balitang pantelebisyon, sa utak ng patnugot nitong si JL Burgos, ipinaramdam ng pelikula ang konteksto ng panahon: ang proklamasyon ni Marcos Sr. ng “pagkapanalo” sa snap elections laban sa lider ng oposisyon na si Corazon Aquino; ang pag-walkout ng mga mamamayan sa bilangan ng boto sa mukha ng tahasang pandaraya; at ang paunti-unting mobilisasyon tungo sa makasaysayang People Power Revolution sa EDSA.
Ipinakitang nagbabago na ang ihip ng hangin sa pagtatalo nina Beatriz (Cherry Pie Picache), isang katulong at ng asawa nitong si Dario (Allen Dizon), isang tsuper.
Nagsimula nang maging kritikal ang pagtingin ni Dario sa lipunan, sa pagtuklas na walang katuturan ang hirarkiya nito, na hindi maintindihan ni Beatriz. Lunod pa si Beatriz sa kaisipang ipinalalaganap ng naghaharing-uri, na kung gusto ng mga manggagawang umayos ang kalagayan nito ay dapat lang itong patuloy na kumayod.
Sa paglabas ni Dario sa tagpi-tagpi nitong tahanan upang mamasada ay nagsisimula nang umikot — hindi lang ang mga gulong ng dyip kundi pati na rin ang kapalaran ng kaniyang pamilya. Sa oras ng trabaho ay pinaslang ng kapulisan si Dario at pinagbintangang sangkot sa isang holdap upang mapagtakpan ang pagkaganid nila sa pera.
Pagbabanggaan naman ng dominante at makamasang ideolohiya ang tema ng pag-iral ng magkapatid na sina Nerissa (Therese Malvar) at Jimmy (Dave Bornea). Sa pakikipagkita ni Nerissa sa kaibigan nitong si Karla (Crysten Dizon), ipinahayag nito ang kabalintunaan sa buhay ng mga mahihirap.
Inayawan ni Karla ang manliligaw nitong aktibista sapagkat marami siyang pansariling problema, kagaya ng ina nitong nangibang-bansa upang magtrabaho dahil sa magastos na pagkakasakit ng ama’t kapatid.
Palibhasa, bulag siya sa katotohanang nakakabit ang mga suliraning ito sa ipinaglalaban ng aktibismo. Ipinahihiwatig nito ang malawak na pagkakalayo ng masa sa dapat na pagtingin na ang personal ay politikal.
Samantala, tinangka naman ni Jimmy na mamasukan sa isang korporasyon kung saan nagwewelga ang unyon habang kasama si Yix (Timothy Castillo) na may kapatid na hindi makalakad dahil sa karahasan ng pulis nang mahuli itong nag-uunyon.
Nagsilbing pagkamulat ang pag-uwi ng magkapatid hindi lamang sa pagkamatay ng ama, ngunit sa hirap sa pagkamit ng hustisya sa bayang ito. Gaya ng dati, dulot ng danas ang pagkakitang mayroong mali sa kasalukuyang pag-iral ng lipunan.
Isa si Ma’am Jessa (Mae Paner), ang amo ni Beatriz, sa mga karakter na pinakanakapupukaw ng atensyon. Bagaman mauunawaan ang kanyang intensyon, tila kapos ang pag-unawa nito sa mga naging pangyayari: na ang mga sigaw sa kalye ay hindi lamang simpleng sigaw, ngunit tawag ng pagbabago sa opresibong araw-araw ng mga nasa laylayan. Kung papaanong ang pag-iwan sa kilusan sa oras na maging kumportable ay nagresulta sa pagpapalit lamang sa mga nakaupo, ngunit hindi sa mapang-abusong sistema.
Samantala, habang hindi magkamayaw ang pamilya sa hindi pagkakuha ng bangkay ni Dario dahil sa pagpigil ng mga pulis, unti-unti namang binubunyag ng pelikula ang pambansang kasaysayan.
Bumaliktad na sa panig ng mga Marcos sina Juan Ponce Enrile, dating ministro ng hustisya, at Fidel V. Ramos na noo’y pinuno rin ng Philippine Constabulary.
Sa paggamit ng pelikula sa mga totoong bidyo ng EDSA, pinipilit nitong pakawalan mula sa dilim ang mga itinatangging multo ni Enrile na ngayo’y nasa panig na naman ng mga Marcos bilang chief legal counsel ni Marcos Jr.
Magkahalong galit at ligaya ang palakpakan at hiyawan na pumuno sa sinehan sa nakakikilabot na pagtindig ni Beatriz at Ka Elyong (Nanding Josef) laban sa mga pulis, pagkuyog dito ng mga nakipaglamay, at pagbaril ni Jimmy sa pumatay sa tatay niya. Patunay ito na katanggap-tanggap ang bala kung sa masa ito magmumula at ang pagkilos ng mga mamamayan ang mananaig laban sa putok ng pyudalismo.
Sa pag-init ng kalsada ay nararamdaman na ng mga tao ang damdamin ng pag-aaklas. Habang naririnig ang boses ni Cardinal Sin mula sa Radyo Veritas, ipinagsigawan ng pelikula ang hindi maitatangging halaga ng midya sa paglaya. Kung paanong hanggang ngayon, narito pa rin ang laban. Maaaring nasa porma ng social media o kagaya nito, pelikula.
Matalas ang pagtapat ng ‘Oras de Peligro’ sa pananakop ng pamilyang Marcos sa midya at pagpipinta sa mga sarili bilang rurok ng mahusay na pamumuno, tungo sa mga pelikulang pinopondohan nila, partikular ni Senator Imee Marcos.
Sa paglabas nito noong ika-1 ng Marso, hiling ng pelikulang masumpungan ng masang api ang sarili rito, kakabit ang mumunting pag-asang mamulat ang mayorya at mabawi ang kolektibong alaala: ang nililimot na kasaysayan ng pag-aaklas ng mga Pilipino laban sa diktaduryang Marcos.
Sa akala nating pagtatapos ng legasiya ng korapsyon at abuso ng mga Marcos dahil sa EDSA — at sa pagbabalik nila ngayon — ay ang pagkilalang walang permanente sa tatsulok ng lipunan. Maaari itong bumaliktad, umikot-ikot at gumuho depende sa mga kondisyon ng kasalukuyang pag-iral.
Humihingal na ang hustisya sa paghahabol. Umaandar ang mga kilusan at nagmumulto ang mga alaala. Sa pagbubukas ng magiging kasaysayan, makita sana ng masa na sila-sila lang ang magliligtas sa sarili at hindi isang taong magsisilbing mesiyas. Sa gawing ito, oras de peligro na para sa uring mapang-abuso.