Photo edited from picture in pcoo.gov.ph (2016)

Silang mga naninindigan, garantisadong ipapatapon sa kulungan. Ang tinig nilang pinagmumulan ng katapangan, sapilitang bubusalan.

At kung sasalungatin nila ang pamunuan, marahil kinabukasan, hindi na nila matatagpuan.

Isang himala!

Imposibleng balikan ang nakaraan, pero paano kaya tayo naibalik ng gobyerno sa ganitong tagpo na katulad sa malupit na kasaysayan ng Batas Militar kung saan ang kalayaa’y naigagapos sa selda ng katarungang nagbubulag-bulagan?

Maliwanag na paninikil sa kalayaan ang pag-aresto kay Maria Ressa, isang mamamahayag ng Rappler at matinding kritiko ni Presidente Rodrigo Duterte, ukol sa kasong cyber libel na isinampa ng Departement of Justice (DOJ). Dahil ito sa isang artikulo na nailathala noong 2012 na di-umano’y naninirang-puri sa negosyanteng si Wilfredo Keng matapos siyang di-umano maiugnay sa iligal na droga at human trafficking. Ibinasura na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang naturang kaso noong 2018 dahil sa kawalan ng basehan ngunit muli na namang binubuhay ang parehong kaso ngayong taon.

Kung paanong naililinya ng pamahalaan ang batas tungo sa resulta na gusto nito ay isang manipestasyon ng lantarang pagpapakita ng estado ng pangil nito supilin ang sinumang kakanta laban sa kanya.

Napalaya na si Ressa matapos nitong magpiyansa ngunit hindi pa rin maiaalis ang katotohanang naliligo sa kapangyarihan ang gobyerno. Kaya nilang gumawa, magpatupad, at magsilbing hukom sa mga batas na maaring gamitin laban sa mamamayan. Maaring pansamantala nang nakalaya si Ressa, ngunit patuloy pa ring nakakulong ang midya sa banta na mas malaki pang porma ng pang-aabuso ang maari nilang sapitin dulot ng nag-uumapaw na kapangyarihan ng estado.

Gayunpaman, sa ganitong sitwasyon ay higit na dapat gampanan ng midya ang kanilang tungkulin; ang walang pasubaling pagbabantay sa bawat hakbang na ginagawa ng gobyerno. Dapat na magsilbing mata ng bayan ang midya higit lalo sa panahon ng panggigipit ng mga makapangyarihan.

Patuloy na tumindig ng mga alagad ng midya laban sa di-makatao at abusadong pamamalakad  ng administrasyong Duterte, ngunit kaliwa’t kanang pag-‘shut down’ pa rin ang sagot ng estado sa kanila. Kamakailan ay sapilitang pinigilan ang mamamayan na ma-akses ang mga alternatibong websites tulad ng Kodao Productions at Bulatlat.com sa ‘kasalanang’ pagiging kritikal nito kontra pamahalaan.

Higit sa pagiging trabaho, ang walang pasubaling pagbabalita ng midya ay maituturing na isang serbisyo. May kaakibat na pagmamahal sa bansa ang katapangang mag-ingay laban sa di-makataong polisiya, mapanlinlang na pamumuno, at buktot na direksiyon ng gobyerno. Ngunit bakit tila kaparusahan ang isinusukli sa layuning makapaglingkod?

Lumpo ang midya ng isang bayang hindi marunong kumilala sa kalayaan at karapatan. May kamay ngunit sinisindak ng estado upang hindi makapagsulat. May bibig ngunit tinatakot ng gobyerno upang hindi makapag-ingay o magsalita. May isip subalit sinusupil ng pamahalaan na maging kritikal.

Ngunit sa huli, mananatiling dakila ang mga lumpo na sa kabila ng pananakot at pang-aapi ay pinangingibabawan pa rin ng katapangan, katotohanan, at paninindigan.

Kung mayroon mang dapat masindak, iyon ay ang siyang estadong taksil sa mamamayan.

Hindi sila mananaig sa mga dakilang lumpong walang sawang tumitindig para sa bayan.

Subscribe

Subscribe now to our newsletter

By checking this box, you confirm that you have read and are agreeing to our terms of use regarding the storage of the data submitted through this form.

%d bloggers like this: