Dibuho ni Chesca Tuazon

Artikulo ni Renz Palalimpa

Malutong ang naging banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga oligarko, o ang iilang tao at pamilyang may malaking kontrol sa bansa. Bansag ito sa grupo ng mga politiko, negosyante o elit na bagamat kaunti at pili lamang, ay gahum sa kapangyarihan. Malaki ang hawak nila sa bansa at buháy sila sa kani-kanilang larangan – politika man o sa negosyo.

Sa talumpati ng pangulo noong Hulyo 13, ipinagyabang niya na sa kanyang pagpapasara ng ABS-CBN ay tila napilayan ang mga naghaharing pamilyang ito.

“‘Yun namang ABS-CBN, binaboy ako. Pero sinabi ko ‘pag ako nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko,” saad niya sa mga sundalo sa Jolo, Sulu.

Tinangka man ng palasyo na itago ang bahaging ito ng kanyang pahayag, nailantad pa rin ito ng midya nang mapasakamay nila ang buong audio recording ng nasabing talumpati.

Agad itong klinaro ni Tagapagsalita ng Pangulo Harry Roque na hindi ang mga Lopez ang tinutukoy ng pangulo, kundi sina Lucio Tan, ang mga Ayala, at si Manuel V. Pangilinan, na nakasalungat din niya.

Subalit kahit aling pamilya o tao man ang ituro niya, hindi maikakaila ang kanyang pagkukunwari.

Malinaw man ang kanyang galit laban sa ganitong sistema, malabo ito kung iisiping mabuti.

Matatandaang si Duterte mismo ay ulo ng isang makapangyarihang oligarkiya sa Davao. Ang kanyang anak na si Sara Duterte-Carpio ay ang alkalde ng Davao City at si Sebastian “Baste” Duterte naman ang bise-alkalde. Ang panganay naman na si Paolo “Pulong” Duterte ay kinatawan ng unang distrito ng Davao City.

Isang munting kalabit lamang ang aniyang “pagbuwag” sa sistemang ito, at marahil upang tuluyang mabura ang oligarkiya ay dapat umpisahan natin sa pangulo.

Sa halip na buwagin niya ang oligarkiya ay binalutan niya ang sarili niya ng mga negosyante’t politiko. Lalo niyang iniluklok sa kapangyarihan ang mga taong pinangako niyang sisirain.

Isa si Dennis Uy sa pinakamalaking nagsuhay sa kampanya ni Duterte sa pagkapresidente noong Halalan 2016.

Si Uy ay isang Chinese-Filipino mula sa Davao del Norte, at anak ng negosyante ng copra, mais at saging. Una niyang nakilala si Duterte noong alkalde pa siya ng Davao City.

He is a mentor in life [and] in leadership,” kwento ni Uy tungkol sa pangulo sa isang panayam sa Nikkei Asian Review.

Tinatag ni Uy ang Phoenix Petroleum Philippines at pinalago niya ito upang maging isa sa pinakamalalaki sa industriya ng petrolyo at pagproseso ng langis sa bansa. Pinalawak pa niya ang kanyang negosyo tungo sa shipping, telecommunications at pagpapatakbo ng mga casino.

Mula noon, nawili si Uy sa pagbili ng mga kompanya —convenience store, casino, bakery chain, Ferrari dealership at iba pa. Patuloy ang kanyang pamamayagpag, at tila walang magtatangkang bumuwag sa kanya ngayong terminong ito.

“Kaugnay sa ABS-CBN, hindi totoo na tagumpay na binuwag ni Duterte ang oligarkiya dahil sa katunayan, namamayagpag sila sa ilalim ng kanyang administrasyon,” banggit ni Gabriela Rep. Arlene Brosas. “Record-high ang bilang ng Filipino oligarchs, ayon sa listahan ng Forbes’ top billionaires,” dagdag niya.

TNP_DU30-Oligarchs
Bagamat matapang na ipinangalandakan ng pangulo ang galit niya sa mga oligarko, siya mismo ang nag-aangat at kumakalinga sa kanila. Sa listahan ng mga bilyonaryong Pilipino na nasa talaan ng Forbes’ magazine, marami ang nadagdag, umangat ng ranggo at bumaba ang pwesto. Ang lugar ng mga oligarko sa listahan ay kapansin-pansing nakabatay sa kanilang relasyon sa pangulo. Dibuho ni Chesca Tuazon

Masasabing si House Speaker Alan Peter Cayetano ay isa rin sa mga oligarkong kinukumutan ni Duterte. At tulad ng kanyang idolo, isa rin siyang mapagkunwari.

This is our chance na baguhin ang oligarchic system. Anyway, ilang henerasyon na din naman nakinabang ‘yung mga pamilyang ito,” giit niya sa isang House hearing noong Hulyo 16.

Ang mga Cayetano ay nasa kapangyarihan na mula pa noong 1986 – nang mahalal si Renato “Rene” Cayetano bilang kinatawan ng Taguig-Pateros-Muntinlupa. Mula noon, hindi na nawala ang kanilang apelyido sa Kongreso.

Ang panganay niyang anak na si Pia Cayetano ay naging kinatawan ng ikalawang distrito ng Taguig. Siya ay 12-taon nang senador – dalawang taon lamang ang higit sa kanyang nakababatang kapatid na si House Speaker Alan Peter Cayetano na isang dekadang naging miyembro ng senado. Ang misis niyang si Maria Laarni “Lani” Cayetano ay naging alkalde na din ng Taguig.

Natapos lamang ang sampung-taong panunugkulan ni Lani Cayetano sa posisyong ito nang napalitan siya ng kanyang kapatid-sa-kasal na si Lino Cayetano, ang alkalde ng lungsod ngayon.

Marahil ay dapat umpisahan ni House Speaker Cayetano ang pagwawalis sa sarili niyang bakuran.

Hindi na rin bagong peste ang political dynasty sa bansa. Sa pananaliksik ni Pablo Querubin ng New York University, nakasaad na halos 70% ng mga politiko ay sangkot sa isang dinastiya. Dagdag pa niya, 77% ng mga mambabatas sa edad 26 hanggang 40 ay miyembro ng isang pamilyang politikal. Mahihinuha rito na karamihan sa kanila ay nasa ikatlong henerasyon na ng kani-kanilang pamilya.

Lumalabas sa pananaliksik na ito na ang karamihan sa mga politikong nakaluklok ngayon ay mga apo ng mga naunang lider at mambabatas.

Sila ay bunga ng limampung taong pagpapasa-pasahan ng pwesto, at kahit kalahating-siglo na ang lumipas ay apelyido pa rin nila ang umaalingawngaw sa politika.

Sa simpleng pagbabalik-tanaw lamang sa mukha ng Malacañang sa limampung taon na na nakalipas, makikitang ang datos sa pananaliksik ni Querubin ay tumuturo sa nangungunang promotor ng lahat ng ito: ang dating pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos. Sa pamamagitan niya at ng kanyang mga crony ay lumaganap ang dinastiya sa iba’t ibang lalawigan ng bansa.

Sa kabila ng pagpapatalsik ng sambayanan sa mga Marcos, sila’y nakabalik sa kapangyarihan. Isa sa pinakakilalang produkto ng angkang ito sina Sen. Imee at Bongbong Marcos na parehas naging miyembro ng Kamara at Senado.

Nag-umpisa si Imee bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte noong 1998. Matapos ay sampung-taon siyang nanunungkulan bilang gobernador ng lalawigan.

Dati na ring gobernador ng Ilocos Norte ang kapatid niyang si Bongbong mula noong 1998 hanggang 2007. Nang matapos ang halos isang dekadang pag-upo niya sa pwestong ito ay lumipat naman siya sa Kamara bilang kinatawan ng parehas na distritong pinaglingkuran ng kanyang ate.

Noong 2016, sinubukan ni Bongbong na umangat ng ranggo, at tumakbo siya bilang bise-presidente ng bansa. Natalo siya ni Leni Robredo – anak ng dating presiding justice ng Pangrehiyong Hukuman sa Camarines Sur na si Antonio Gerona at asawa ng dating kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Jesse Robredo.

Sa kandidatura ni Bongbong Marcos ay hindi naiwasang itanong sa kanya ang isyu ng kanyang pagiging miyembro ng political dynasty. Tinanong siya noong 2016 Vice-Presidential Debates kung paano niya babantayan ang mga dinastiyang ito sa kabila ng kawalan ng batas na nagbabawal sa kanila. Bilang tugon, pinakiusapan ng senador na tumingin ang madla lagpas sa kanilang mga apelyido.

“Kung sino man dito ang kasama sa isang political dynasty, kalimutan niyo na po ang mga pangalan namin [at] ang mga apelyido namin, at tingnan ninyo ano ang record namin sa pagtulong sa taumbayan. Tignan ninyo kung gaano kahaba ang ating karanasan. Tignan po ninyo kung sino ang may talagang ginawa.”

Pinabayaang lunas

Hindi sapat ang ganitong pag-iisip ni Bongbong Marcos para mabura ang mapang-abusong mga dinastiya sa bansa. Hindi paglimot sa mga “pangalan at apelyido” ang bubuwag sa oligarkiya, kundi isang matatag at maayos na panukalang batas.

Diretsahang nang nakalahad sa Article II, section 26 ng Saligang Bataas 1987 na hindi dapat magkaroon ng political dynasty sa bansa. Dagdag pa rito, inakda at inihain ng dating ikalawang-pangulong Teofisto Guingona, Jr. sa Ikawalong Kongreso ang Senate Bill no. 82 noong 1987. Kung naisatupad, ito sana ang unang naging anti-political dynasty bill sa bansa. Subalit, hindi ito sinuportahan ng mababang kapulungan.

Mula noon ay napakaraming beses nang naghain ang mga mambabatas ng mga panukalang batas na naglalayong wakasan ang mga political dynasty . Subalit, ngayon ay nasa ika-18 Kongreso na, at isang dekada nang walang usad ang batas na ito.

Nakasaad ng opisyal na website ng Senado na noong May 4, 2020 ay naghain si Senador Grace Poe ng isang bersyon ng anti-political dynasty bill. Ito na ang ikaapat na Senate Bill na naglalayong pabagsakin ang sistemang ito.

Kabilang sa apat na ito ang SB no. 11 ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, SB no. 30 ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at ang SB no. 264 ni Sen. Franklin “Kiko” Pangilinan. Sabay-sabay silang nabubulok ngayon sa senado, patunay lamang na ayaw buwagin ni Duterte ang sistemang nagluklok sa kanya.

Kamukha ng pagpalya ng senadong magpatupad ng anti-political dynasty bill ang kapalpakan ng mababang kapulungang magpanukala ng ganitong batas. Parehas na usad-pagong ang House Bill no. 110 ni Rep. Lawrence Fortun at HB no. 145 ng kinatawan ng SAGIP Partylist na si Rodante Marcoleta. Noong Hulyo pa ng nakaraang taon inihain ang mga ito, subalit “pending” pa rin ang estado ng dalawa.

While House Bill 110, the anti-political dynasty bill I authored, is languishing in the Committee, I am still hoping the measure will eventually merit the approval of our colleagues. Data shows, however, that the prospects are not very bright. No less than 70 percent of our members come from political dynasties,” pag-aalala ng kinatawan ng unang distrito ng Agusan del Norte na si Fortun.

Bukod sa paghain ng panibagong mga panukalang batas, noong Enero ay sinubukang amyendahan ang 1987 Constitution upang magdagdag ng probisyong magbabawal sa political dynasties. Subalit, mariing pagtanggi lamang ang tinamo nito kina Isabela Rep. Antonio Albano, Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, at North Cotabato Rep. Jose Tejada, na pawang mga miyembro ng mga political dynasty.

Diin nila, karapatan daw ng lahat ng mamamayan na tumakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno.

In a democracy, it is an inherent right of a person – be it relative of incumbent official or not – to run for public office. If you bar a certain person from running that is unfair and anti-democratic,” giit ni Albano.

Tila napakahirap paniwalaan na ang gobyernong nagpapatupad ng Anti-Terror Law ay siya ring nagsasabing “anti-democratic” ang pagharang sa mga miyembro ng dinastiyang tumatakbo sa politika. Kung patuloy nilang babaluktutin ang demokrasiya sa kanilang pakinabang, patuloy na iiling si Cleisthenes sa ilalim ng lupa.

Matabang dinastiya, nagugutom na Pilipino

Ayon sa dekano ng Ateneo School of Government na si Ronald Mendoza, ang ‘matabang’ dinastiya ang nagdudulot ng kahirapan at dapat itong tutukan ng Anti-Political Dynasty Bill.

“’Yung pinakamasamang epekto, nandoon sa lugar kung saan mataba ‘yung dynasty. Ibig sabihin, maraming sabay-sabay na tumatakbo. The fat dynasty variable was a significant predictor of poverty.”

Dagdag pa niya, nagdudulot ng abuso ang hindi makatarungang pamamalakad ng mga dinastiyang ito.

“Doon sa fat dynasty jurisdictions, maiisip natin na hindi na democratic ang kanilang pamumuno at malamang na impunity na ang nangyayari sa lugar na ‘yan,” banggit niya.

Binigyang-pansin niya na may malinaw na koneksyon ang pinakamahihirap na lalawigan at ang dami ng mga dinastiya roon.

Ginamit niyang halimbawa ang Maguindanao, ang ikalawang pinakamahirap na lalawigan sa bansa ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015. Ang Maguindanao ay ikalawa sa talaan ng pinakamatataas na poverty incidence, tinalo lamang ng Lanao del Sur na matatagpuan din sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

Ayon kay Mendoza, ang resultang ito ay dulot ng mga fat dynasty na naghahari sa rehiyong ito. Sa Maguindanao, halimbawa, nagsangay-sangay na ang mga Ampatuan sa iba’t ibang posisyon sa lokal na pamahalaan.

Matatandaan na ang mga Ampatuan din ang pangunahing sangkot sa Ampatuan massacre, na pumaslang sa 58 na mga mamamahayag, abogado at sibilyan. Disyembre noong nakaraang taon ay hinatulan na ang mga suspek sa pagpatay maliban sa mga hindi pa nahuhuli.

Ang hamon

Bilang pagtugon sa talumpati ng pangulo, humiling si Senate Minority Leader Franklin Drilon na aralin ang sistema ng mga dinastiya. Aniya, ang kakulangan ng anti-dynasty system o probisyon ang ugat ng oligarkiya.

We must review the whole structure, because the structure may in fact make oligarchy easy to achieve… The lack of an anti-dynasty system or provision in our system allows oligarchy to continue,” ani Drilon sa isang online forum noong July 19.

Madaling isipin na ang wawakas sa oligarkiya ay ang Anti-dynasty Bill. Ngunit mapasa man ito o hindi, tataob ito kung patuloy na magkikibit-balikat ang mga nakaluklok sa pwesto. Sa katunayan, napatunayan na ng administrasyon ang kakaibang kapangyarihan nitong baluktutin ang batas gamit ang isang pilantik ng daliri. Kung mapasa man ang anti-dynasty bill, sinong pipigil sa kanilang salamangkahin din ito?

D7
Dibuho ni Chris Josef de Jesus

Matagal nang palpak ang gobyerno sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Marahil ay nakalimutan na nilang ang politika ay lagpas pa sa naglalabang pamilya, nagpapasakimang negosyante at nagpapatagalang apelyido. Nakaligtaan na nila na ang Malacañang ay hindi isang kwarto sa kanilang bahay. Ang politika ay tungkol sa paglilingkod sa bayan, wala nang iba.

Makikita sa magkasalungat na kilos ni Duterte na ang pagpapasara ng ABS-CBN ay hindi tulak ng pagnanais niyang burahin ang mga oligarko mula sa bansa. Ito’y hindi lamang isang marahas na pagsalakay sa kalayaan ng midya, kundi isang naratibong nagbibigay-puri sa balatkayong tagapagligtas ng masa. Marahil tulad ng kanyang palpak na giyera laban sa droga, ay palpak din ang kanyang digma laban sa dinastiya.

Malinaw na ang pagbuwag ng sistemang oligarko ay hindi kailanman magmumula sa isa pang oligarko. Huwag tayong magpalinlang sa pagpapakitang-gilas ng pangulo, sapagkat walang ibang winakasan si Duterte kundi ang kalayaan at karapatan ng bawat Pilipino.

Kasabay ng plano niyang pagbuwag sa isang malaking oligarko ng bansa ay siyang pagpapatibay ng sarili niyang dinastiya. Ang pagluklok niya sa kanyang mga kamag-anak, mga kasosyo sa negosyo at mga kaalyado sa politika ay isa lamang taktika upang mapanitili niya sa kaniyang mga kamay ang kapangyarihan sa bansa. Ang pagpapasara niya sa ABS-CBN ay isa lamang tunggalian sa pagitan ng mga elit na habang ang tuluyang nasasadlak ay ang kabuhayan, karapatan at kalayaan ng mga ordinaryong Pilipino.

Subscribe

Subscribe now to our newsletter

By checking this box, you confirm that you have read and are agreeing to our terms of use regarding the storage of the data submitted through this form.

%d bloggers like this: