Sakay na, Iskolar: Ang kalbaryong dinaranas ng TOKI at IKOT jeeps

Gigising sa umaga upang mamasada, babagtasin ang rutang hindi na gaanong pamilyar sa kanila at magtitiis ng ilang oras para mahatid ang mga estudyante sa kanilang destinasyon. Uuwing pagod ngunit ang pera’y hindi pa sapat para mabuhay sa pang araw-araw na gastusin. Ganito ngayon ang sitwasyon ng mga drayber ng TOKI at IKOT jeeps sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Noong nakaraang Agosto, nagbigay ng opisyal na anunsyo ang Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) ukol sa pagbabago ng ruta ng mga pampublikong transportasyon sa UP. Ayon sa isang pahayag mula sa University Student Council (USC), ito ay upang mabawasan ang ‘vehicle emissions’ o ang usok na dulot ng mga sasaksyan sa loob ng oval.

Dahil dito napalayo ang mga estudyante sa kani-kanilang mga gusali ngunit lalong-lalo na ang IKOT at TOKI jeeps na namamasada sa kampus.

Bukod sa haba ng kanilang binabiyahe, nakaamba rin ang labis na pagbaba ng bilang ng pasahero at kita nila. Sa bagong ruta, halos magkakapareho ang daan ng Katipunan at IKOT jeeps.

Nakahanda nang sumakay ang babae na ito sa isa sa mga IKOT jeep na bumabiyahe sa loob ng UP Diliman. Kuha ni Quin Astilla.
Kuha ni Quin Astilla.

Para kay Reynaldo Saad, 23 taon ng drayber ng IKOT jeep, malaki ang pinagbago ng kabuuang kita nila simula noong pagbabago ng ruta.

“Noon umaabot kami ng P1,500 kada araw eh. Ngayon, P1,200 na lang. Hindi pa kasama doon ang boundary,” wika ni Saad.  Ang boundary, na nagkakahalagang P1, 000 para sa IKOT drivers, ay ang rentang binabayaran ng drayber sa kani-kanilang mga operator.

Si Mang Reynaldo ay bumabiyahe simula ala-sais ng umaga (6:00 A.M.) hanggang alas-nuwebe ng gabi (9:00 P.M.) upang itaguyod  ang pag-aaral ng kanyang apat na anak.

Sa kabilang banda, labis-labis din ang kalbaryong dinaranas ng mga TOKI jeeps sa UP simula noong nagbago ang ruta. Malaki ang ibinaba ng kanilang kabuuang-kita na siyang nag-udyok sa ibang TOKI jeeps na maghanap ng ibang pagkakakitaan tulad ng pagtatraysikel. Sa dating 15 na TOKI jeeps, 6 na lamang ang pumiling makipagsapalaran sa biyahe na ito.

Isa na rito ay si Alex Hidalgo na 18 taon nang bumabiyahe ng TOKI jeep. Sa akin nga po, hindi na ako pinababiyahe ng asawa ko. Eh kaya lang nahihiya ako doon sa may-ari ng jeep kasi maiistock (mapapasawalang-bisa ang jeep).” wika ni Hidalgo.

Sa biyahe niyang simula alas-otso ng umaga (8:00 A.M.) hanggang alas kwatro ng hapon (4:00 P.M.), kumita lamang si Mang Alex ng P700 na ilalaan sana bilang pandagdag gastos sa pamilya.

“P700 ha wala pang boundary, wala pang krudo, wala pang kita doon. Abunado pa ako sa gas, kasi totally nagboundary lang ako eh…200 na lang ang natira,” dagdag pa ni Mang Alex.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang paghihintay ng mga drayber ng TOKI jeeps sa inihain nilang petisyon sa OVCCA. Ito ay pinamunuan ni Noel Salvador, lider ng TOKI Drivers Association, upang humiling ng konsiderasyon sa pagbabago ng ruta ng mga jeep sa loob ng Unibersidad.

Higit pa sa kalbaryong dala ng pagbabagong-ruta para sa IKOT at TOKI  jeeps ay ang pagbaba ng pamasahe. Ang dating P8 para sa estudyante ay naging P7.20 na ngayon. Sa bawat estudyanteng nagbabayad ng P8 kada biyahe, kinakailangan pang ibalik ng mga drayber ang P1 bilang pagsunod sa nasabing pamasahe.

Mayroong karampatang parusa na ibinibigay ang mga opisyal para sa kung sino man ang lalabag dito ayon kay Edgardo Balagtas na 17 years nang namamasada ng IKOT jeep.

“Tinatawag, inirereport sa headquarters. Eh ang headquarters ay gumagawa naman ng aksyon. Itatanong ng presidente kung naplakahan mo ba ‘yung jeep na sinakyan mo. ‘Yung nakakatakot doon eh ‘yung suspension, tatlong araw. Kaya sumunod ka na lang. Sumunod ka bago sumuway.” sambit ni Balagtas.

Simula alas-otso ng umaga (8:00 A.M.) hanggang alas-otso ng gabi (8:00 P.M.) naman ang biyahe ni Mang Edgardo na nakakapag-uwi ng P700 kada araw. Kinakailangan niyang buhayin ang dalawang nag-aaral na anak.

“Tuloy-tuloy ang biyahe dahil hindi pipwedeng huminto dahil malaki ang mawawala kapag huminto ka,” dagdag pa niya.

Sinubukan ng Tinig ng Plaridel na hingin ang panig ng OVCCA ngunit wala pa silang tugon. TNP

Larawan kuha ni Quin Astilla

%d bloggers like this: