Mula nang ipinatupad ni Ferdinand Marcos ang Martial Law noong 1972, lumantad ang kagustuhan niyang paglaruan na parang video game ang Pilipinas sa loob ng mahabang panahon. Pinugnaw ng dating pangulo ang tatlong sangay ng pamahalaan at nilagay ang kapangyarihan nito sa kanyang kamay. Tulad ng isang laro ng ahedres, sinugpo niya ang anumang pagkilos laban sa kanyang mga piyesa. Mula sa kanyang trono sa Malacañang, ipinatumba niya ang mga kalabang manlalaro at tinalo ang sinumang tumutuligsa sa kanya.
“Wala [raw] magnanakaw, … Walang pumapatay,” ani Jannah Tiamzon na nasa ikapitong baitang, habang nilalahad ang turo sa kanya ukol sa panahong ito.
Nagpasalin-salin na nga sa mga libro at salaysay ang pagpapabango sa danas ng bansa noong panahon ng Martial Law at hindi na matukoy ng kabataan kung sino ang nagpakana ng larong ito.
Sa halip, kinubli ng mga administrasyong nagmana ng controller ni Marcos ang katotohanang marami ang pinatay, kinulong at tinortyur sa pamumuno ng diktador. Binigyan ng bagong dibuho ang alaalang ito, sa palayaw na “Golden Age” at iba pang mababangong taguri.
Salamin ng pagtatagóng ito ang desisyon ng Department of Education (DepEd) noong 2014 na tanggalin ang asignaturang Kasaysayan ng Pilipinas sa junior high school at ibaba ito sa ika-anim na baitang sa elementarya. Tinanggal rin ang mga kursong Filipino at Panitikan sa kolehiyo sa utos ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2018. At mula nang lumipat ang mga mag-aaral sa birtwal na silid-aralan bunsod ng pandemyang COVID-19, naging mas mabilis ang paglusot ng baluktot na kasaysayan mula sa social media.
“Hindi kami nabibigyan ng panahon na punahin ang impormasyon na binibigay sa amin,” pag-aalala ni George Calica na nasa hayskul. “Ini-spoon feed lang ang information sa students. ‘Tatanggapin niyo ito kasi ito ang tinuro ko.’”
Para kina Jannah at George, tila nasa loob sila ng isang larong hindi nila kontrolado. Sa pagpupumilit ng mga makapangyarihang ipasok sa software ng kanilang mga utak ang huwad na kaalaman ukol sa Martial Law, kakalat ito na parang virus na magpapabulok sa kritikal nilang pag-iisip.
“Nalilito pa rin ako… Hindi ko na alam kung ano ang totoo sa hindi,” saad ni Jannah.
LEVEL 1: Kalaban ang sistema
Dahil sa pagbabago sa kurikulum, naisantabi sa hayskul at elementarya ang mga salaysay ng libo-libong pinatay at pinahirapan sa ilalim ng diktaduryang Marcos. Napaiikli ang pagkakataong tahasang magalugad ang katotohanan sa likod ng propaganda ukol sa Martial Law.
Batay sa Most Essential Learning Competencies ng DepEd, ang primaryang batayan sa pagtuturo sa mga mag-aaral, isa hanggang tatlong linggo lamang tinuturo ang Martial Law sa mga mag-aaral sa ika-anim na baitang.
“Wala gaanong nakapaloob na layunin sa bagong kurikulum tungkol sa paksang Martial Law, [kaya] walang sapat na kaalaman ang mga kabataang mag-aaral tungkol sa dito,” ani Virginia Garcia, isang guro sa Urduja Elementary School sa Caloocan City.
Ayon sa isang pag-aaral, pinagkakasya lamang sa tatlong kabanata ang mahigit 20 taon ng militaristikong kontrol ni Marcos. Hindi gaanong binabanggit sa mga mag-aaral ang paglabag sa karapatang pantao na siyang sentro sa lagim ng diktadurya.
“Yung ‘Golden Age’ [ng ekonomiya]… pang-justify sa mga dinakip at [pinatay]. Awayan ng mga ruling classes, mga labanan ng Marcos at Aquino, ‘yun lang ‘yung framing ng mga textbook na tumatalakay sa Martial Law,” pagsusog ni Karlo Mongaya, isang propesor ng kasaysayan ng Martial Law sa UP Diliman.
Dagdag niya, dalawang salik ang dahilan kung bakit kaunti o walang pokus ang pagtalakay ng Martial Law: ang pagkawala ng plano ng pamahalaan at ang pagyabong ng neoliberal na edukasyon.
“Wala talagang tunay na pagtutulak sa estado to make the Marcoses pay for their crimes. Reflective ‘yan sa education system natin na hindi binibigyang pansin ang kamalian during the Marcos time,” paliwanag ni Mongaya.
Mapapansin ito sa mahigit kumulang P125 bilyong ninakaw na yaman ng mga Marcos na hindi pa rin naibabalik. Kahit patong-patong ang mga kaso ng graft at tax evasion ng pamilya, walang malinaw na pagtutulak ang kasalukuyang estado na pagbayarin ang mga ito sa kanilang mga sala. Manipestasyon din ito ng palyadong hudikatura ng bansa at pagsandig ng hustisya sa mga naghaharing uri.
Pangalawa, ani Mongaya, binabawasan ng neoliberal na edukasyon ang kakayahan ng mga mag-aaral na maging kritikal sa pagsusuri ng mga suliraning panlipunan. Nakabatay ang konsepto ng neoliberalismo sa produksyon ng kapital at hindi sa ganap na pag-aaral ng lipunan.
“‘Yung focus talaga is pagbabawas ng mga subject na hindi kailangan ng international capital,” ani Mongaya. “Ang tuon [ay specialization] at pagbabawas ng history subjects, social sciences at nationalism.”
Kung ihahalintulad sa isang video game, kasama ang mga polisiyang ito sa bagsik ng laro. Unti-unti, nagbabawas, tahimik na pumapatay ng mga nais matuto. Kung nakanino ang controller, nasa kanya ang kapangyarihan.
LEVEL 2: Totoo ang digmaan
Sa ganitong sistema, dehado ang mga guro at mag-aaral. Mula sa nakasanayang face-to-face classes, mas pinatindi ang hamon dahil mas mabilis kumalat sa digital ang impormasyong bumabaluktot sa kasaysayan.
“Mas nahihirapan ako sa ganitong setup dahil hindi nahahasa ang utak ng iba dahil gumagamit sila ng internet kaysa sa kanilang sariling pagkakaintindi,” ani Jannah.
Mas marami pa raw natututuhan si George ukol sa lagim ng Martial Law mula sa sarili niyang pag-aaral.
“Ang mayorya sa amin ay may sariling pananaliksik sa Martial Law na higit [pa] sa tinuturo sa pormal na institusyon. Dito namin natuklasan ang mga porma ng karahasan na hindi nadi-discuss in a classroom setup,” aniya.
Sa panahong talamak ang disinformation, hindi ligtas ang internet bilang batis ng maling kaalaman ukol sa Martial Law lalo na’t tagpuan din ito ng balita’t salaysay ng “well-oiled machinery” ng mga Marcos.
“’Yung… [d]isinformation, na-master na [ng mga Marcos] ‘yan. Pero this is what we should be up against… ‘yung entire machinery of deception. Kumbaga, na-transform na rin sa digital field,” ani Mongaya.
Sa isang ulat ng Rappler, isiniwalat ang pages at groups sa social media na nagpapakalat ng baluktot na impormasyon ukol sa Martial Law. Ayon sa ulat, bahagi ito ng mga hakbangin ng mga Marcos upang maupong muli sa Malacañang.
Noong Okt. 6, naghain ng kandidatura si Bongbong Marcos para sa pagkapangulo sa darating na eleksyon. Katambal ang kawangis na anak ng diktador na si Sara Duterte, ipinahihiwatig ng kanyang pagtakbo ang kanyang uhaw para sa kapangyarihan.
Isa lamang ang ibig sabihin nito para kina Jannah at George: ang internet, na kanila sanang pagkukunan ng maasahang impormasyon ukol sa malagim na yugtong ito ng kasaysayan, ay lalong magdudulot ng huwad na edukasyon at kalituhan.
“Madali [ang Internet] na daluyan ng mali-maling information [at] balita. Dito tumatambay ang students dahil nga online learning,” ani George.
Ang karanasang ito ng mga guro at mag-aaral ay hubog ng tumitinding laro ng sistema. Lubos ang bagabag sa mga usapin hinggil sa politikal at panlipunang dagok ng Martial Law, lalo’t pakalat-kalat silang mga mapanlinlang.
Hangga’t ang controller ay nasa kamay pa rin ng mga mapagsamantala, magpapatuloy ang kalituhan at pagkitil sa katotohanan.
LEVEL 3: Kung gustong manalo
Kasabay ng paglaganap ng disinformation ay ang patuloy ring pagtataguyod ng tamang edukasyon ukol sa Martial Law ng ibang mga institusyon at indibidwal.
Bago pumutok ang pandemya sa bansa, nagsasagawa ang ilang mga guro ng pampribadong paaralan ng Martial Law simulations bilang bahagi ng pag-alala sa lagim ng Martial Law.
“Marami [kaming] ginagawa around Martial Law [commemoration] kasi it’s an important part of our history,” wika ng direktor ng The Raya School na si Ani Almario.
Bukod sa simulations, ginagamit din ng paaralan ang lesson plan mula sa Martial Law Museum ng Ateneo De Manila University.
Wika ni Almario, mahalagang magpursigi ang kanilang paaralan na magbigay ng tamang edukasyon sa kabila ng dumaraming ‘fake news.’
“Kailangan nagpe-persevere in educating [students] the right way… [We should allow students] access to truths that may be distorted by some parties and may be denied, in fact, by certain parties na sometimes are more powerful than they are,” ani Almario.
Sa kabila ng malaking hakbang na itinutulak ng mga paaralang ito upang makaalpas sa laro, uugat pa rin ang mabisang solusyon sa mga suliraning ito sa sistema.
Subalit, malabo ito kay Duterte, na siya mismo ay tagapagmana ng hamak na controller ni Marcos. Sa kanyang pamumuno, ninais niyang hatiin ang badyet ng DepEd para sa taong 2022. Bukod dito, lumalalo ang pag-atake ng kanyang administrasyon sa kalayaang pang-akademiko, tulad ng pagpupumilit ng CHED na ipagbawal ang mga “subersibong” libro sa mga paaralan. Kasabay nito ang pagpapaalala ng DepEd sa mga guro na umiwas sa usaping politikal.
BASAHIN: [EDITORIAL] For our education system, “normal” is not enough
Sa ganitong mga pagkakataon, nawawalan ng kalayaang makilahok at bumuo ng diskurso hinggil sa mga isyung panlipunan gaya ng mga usaping Martial Law. Nakukulong ang mga paaralan sa imahe ng pagiging sunud-sunuran. Pinipigilan ang kakayahan ng mga mag-aaral na mamuna at pumiglas sa mga baluktot na puwersa.
“Dapat ay maglatag tayo ng radikal na reoryentasyon sa sistema ng edukasyon, na ang pangunahing layunin ay ang pagtataguyod ng pambansang kaunlaran,” ani George. “Nangangailangan ito ng sapat na pagdadalumat sa kasaysayan at kritikal na pagsusuri sa kasalukuyan.”
Hangga’t may glitch sa sistema, lalawak ang virus na lumalason sa katotohanan.
Umaandar pa rin ang laro. Buhay pa rin ang mga kalaban at gumagana pa rin ang lason. Napasasailalim pa rin tayo sa sumpa ng pagsupil at pagpapanggap na makikita sa mga karanasan nina George at Jannah.
“Parang Martial Law rin ngayon e, pero hindi lang sinasabi… Kailangan natin ‘yang pagsumikapan at maging mapaglikha sa pag-build ng strong protest movement laban sa diktadurya, pasismo at tiraniya,” ayon kay Mongaya.
Hindi kailangang paabutin sa mga susunod pang lebel ang mapangahas na larong ito. Paliwanag ni George, “Kinakailangan na nating bakahin ‘yung kolonyal na edukasyon na hinuhubog ang ating kasaysayan sa paraan na nagbibigay-pugay pa nga sa mga lider na nang-api sa ating bansa.”
Wala na rin namang ibang bayaning magliligtas. Kolektibo, marahil, ang pagpiglas.