Kakulangan sa akademikong espasyo, dormitoryo tinutulan

Iginiit ng mga lider-estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman ang panawagan para sa “demokratikong” espasyo bilang pagtutol sa paggamit ng administrasyon ng UP sa mga silid ng Student Union Building (SUB), pati na rin ang kakulangan ng dormitoryo sa loob ng pamantasan.

Sa nagdaang birtuwal na All Leaders Conference noong Huwebes, Set. 7, partikular na kinundena ng iba’t ibang mga konseho ang paglalagay ng mga opisina ng unibersidad sa SUB.

Noong Martes, nauna nang humingi ng diyalogo ang University Student Council (USC) sa Office of Student Projects and Activities (OSPA) matapos mapag-alamang pito na lamang sa 12 silid sa ikaapat na palapag ng gusali ang maaaring gamitin para sa aktibidad ng mga mag-aaral.

Bukod pa rito, naabisuhan din umano ang konseho na ililipat na sa ibang tanggapan ng unibersidad ang Lorena Barros Hall na dating ginagamit ng mga organisasyon at estudyante.

“We wish to clarify the matter regarding the allocation and utilization of these facilities. We firmly believe that maintaining adequate and accessible spaces for students and organizations is vital for fostering a thriving and engaged student community,” pahayag ng USC.

Bagaman mayroong pitong palapag ang SUB, hindi lahat ay kasalukuyang nagagamit ng mga estudyante dahil narito rin ang ilang mga administratibong tanggapan ng pamantasan, gaya ng TVUP na sakop ang buong ikalimang palapag ng gusali.

The Student Union Building is supposed to be enjoyed by the students themselves pero pinipilit pang lagyan ng admin spaces,” saad ni outgoing USC Chairperson Latrell Felix.

Noong itinatayo ang SUB taong 2019, sinabi ng OSPA na makapagbibigay ito ng “mas marami at ligtas na tambayan sa mga organisasyon.” Kasabay ito ng kanilang anunsiyo na isasarado muna ang “tambayan complex” malapit sa Vinzons Hall na ginagamit umano ng hindi bababa sa 28 organisasyon at manininda.

Ayon kay outgoing USC Vice Chairperson Shine Reyes, hindi kinunsulta ng administrasyon ng UP ang mga mag-aaral sa ginawang pagbabarikada ng mga espasyong ito.

Dagdag pa niya, hindi rin nabigyan ng representasyon ang mga mag-aaral nang buksan ang SUB noong 2022.

Bukod sa pang-unibersidad na gusaling ito, may kakulangan din ng mga demokratikong espasyo sa antas ng kolehiyo at paaralan, ayon sa mga lokal na organisasyon.

Bilang alternatibo, napipilitan umano silang magrenta ng ibang mga pasilidad o suungin ang komplikadong mga proseso sa pagkuha ng permit.

Sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla (College of Mass Communication), hindi pa rin nakababalik sa kanilang mga “tambayan” ang mga organisasyon gaya ng Union of Journalists of the Philippines-UP Diliman, STAND UP CMC, UP Broadcasters’ Guild, Anakbayan Maskom at UP CMC Student Council (UP CMC SC) mula nang maging face-to-face na ang mga klase.

Kaugnay nito, hindi pa rin nareresolba ang Faculty-Student Relations Committee (FSRC) Manual ng kolehiyo na siyang maglalaman kung paano ibabahagi ang mga espasyo at tambayan sa mga organisasyon.

Noong 2017, lahat ng organisasyon ng mag-aaral sa CMC ay hindi tumuloy sa “org-recognition process” ng kolehiyo bilang pagtutol sa FSRC Manual. Isa sa mga pinagtalunang probisyon nito ay ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 15 miyembro na mula dapat sa kolehiyo o departamentong kaugnay ng organisasyon.

Ayon kay Kiara Gorrospe, kasalukuyang pangulo ng UP CMC SC, nangako umano ang administrasyon ng kolehiyo na papayagan na ang “general use” ng basement ng Plaridel Hall kapag ito ay naayos na ngayong semestre.

Kakulangan sa dormitoryo

Isang linggo bago magbukas ang akademikong taon, problema pa rin ng ilang mag-aaral ang kakulangan sa dormitoryo sa loob ng unibersidad.

Nakaraang Sabado, Set. 9, nagpasa ang USC ng liham sa Office of Student Housing (OSH) bitbit ang mga apela ng 121 mag-aaral na hindi nabigyan ng slot sa mga dormitoryo.

Kalakip nito ang panawagan ng Rise For Education Alliance (R4E) UP Diliman sa seguridad, mabilis na pagpapatayo ng bagong “residence halls” at pagbibigay ng subsidiya sa mga aplikanteng hindi natanggap upang matulungan silang makahanap ng alternatibong dormitoryo.

Ayon sa USC, karamihan sa mga hindi nabigyan ng “dorm slots” ay mula pa sa mga probinsya. Ito ay sa kabila ng “pointing system” na ipinatutupad ng OSH, kung saan mas may prayoridad ang mga estudyanteng mula sa Visayas, Mindanao at malalayong rehiyon.

Noong nakaraang taon, marami rin ang nagsumite ng apela sa OSH dahil 881 slots lamang ang binuksan ng mga dormitoryo alinsunod sa “health protocols” dulot ng pandemya.

Dahil dito, hindi bababa sa 1,282 ang bilang ng mga aplikanteng hindi natanggap, ayon kay dating OSH Officer-in-Charge Sara Tajonera.

BASAHIN: Short-notice F2F classes sends UP students scrambling for dorms

Ayon sa parehong pahayag ng USC noong Ago. 31, hindi pa rin bumabalik sa 100% ang operasyon ng mga dormitoryo para sa susunod na akademikong taon.

Bukod sa kakulangan, umalma din ang mga lider-estudyante sa presyo ng mga dormitoryo na maaaring umaabot hanggang P3,000, bukod pa ang mga bayarin sa kuryente at tubig inumin. 

Sa kabila ng mga isyung ito sa espasyo, inaasahan namang matatapyasan pa ng P2.9 bilyon ang badyet ng buong UP System sa susunod na taon. Ang bulto ng nasabing bawas ay kukunin mula sa “capital outlays” o mga pondong nakalaan sa pagpapagawa at pagsasaayos ng mga pasilidad.

Sa isang pahayag, sinabi ng USC na ang mga pagbabawas na ito ay patunay na “hindi prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa sambayanan.”