Parang Nasa Bahay Lamang

Tuloy-tuloy ang pagsandok ng ulam at kanin sa plato ng mga kostumer. May bumibili ng sinigang at adobo. Mayroon ding nanghihingi ng sabaw at humihirit ng pangalawang takal ng kanin. Maliit lamang ang espasyo, pero nakabubuo ito ng sariling pulso: ang ritmo ng sabayang kalansing ng kutsara’t tinidor na sinasaliwan ng usapan ng mga kumakain. 

Abala kung ilarawan ni Irish Llaneza, 42, ang karaniwang eksena sa Jing’s Lutong Bahay sa Area 2 sa University of the Philippines Diliman (UPD). Dalawang dekada na ang lumipas nang lisanin niya ang pamantasan, ngunit malinaw pa rin sa kaniya ang mga alaala sa karinderya. Matagal din siyang pumalagi rito bilang estudyanteng nanirahan sa loob ng kampus hanggang makapagtapos.

Sa paglipas ng panahon, ilang henerasyon na rin ng mga Iskolar ng Bayan ang naglabas-pasok sa Jing’s, nagsipagtapos at ngayo’y lumikha ng mga pangalan sa iba’t ibang larangan.

Ngunit nitong Setyembre lamang, inanunsyo ng karinderya na magsasara na ito matapos ang 52 taon ng pagseserbisyo. At ngayong Martes, Oktubre 14, iniuwi ng Jing’s ang komunidad ng UP sa linamnam ng kani-kanilang tahanan sa huling pagkakataon.

Nang marinig ni Llaneza ang balita, naghalo aniya ang lumbay at ligaya. 

Kwento niya, lumalim ang kaniyang koneksyon sa karinderyang pumawi sa bigat ng mga araw na kinailangan niyang magtipid habang nag-aaral noon ng political science sa unibersidad.

“Kapag Linggo at walang pagkain sa dorm […] kinakailangan kong magbudget nang maigi ng aking baon kaya kalahating ulam at kanin lang ang lagi [kong] order. [Pero] binibigyan pa rin ako ni Ate [Jing] ng full serving kahit alam niya na half-order lang ang binayad ko,” sambit ni Llaneza.

Bukod pa rito, naging magaan din aniya sa loob ang bawat pagbisita sa karinderya. Bilang laking-Bukidnon na nag-aral sa UPD, nagsilbing tahanan ang Jing’s para kay Llaneza. Dito siya nakalasap ng mga putaheng kadalasang niluluto nila sa bahay. 

Hindi malayo ang naramdaman ni Allen Diao, 20, na lumaki sa Negros Oriental at kasalukuyang second-year BS Computer Science student sa kampus. 

“Nung first year, tinry ko ang mga kainan sa A2. Pagpasok ko [sa Jing’s], may mga taong nagsasalita ng Cebuano, tapos si Ateng nagbabantay ng counter ay sumagot rin ng Cebuano. Syempre, bago pa ako sa UPD noon, so mas prefer ko na diretsong masabi ko ang order ko kaysa mahihirapan pa ako sa pag-translate,” wika ni Diao. 

Maka-makalawa aniya siyang kumakain sa karinderya dahil dito niya nalalasahan ang kalinga ng sariling tahanan sa probinsya. Para kay Diao, naiiba ang Jing’s dahil mga pamilyar na pagkaing pambahay ang inihahanda nito.

Lungkot ang dala ng pagsasara ng Jing’s dahil mawawalan na siya ng “daily place” at lugar-pahingaan, ani Diao. “Huwag kayong magsara, please,” pabirong hiling niya sa karinderya.

”’Pag kumakain ako sa ibang places, ‘yong purpose ko doon is kumain lang. Whereas dito, pwede akong mag-chill for ilang minutes,” saad pa niya.

Tumatak din kina Llaneza at Diao ang pakikitungo ng mga kawani ng Jing’s.

“Hindi namin makakalimutan ang generosity [ng mga nagtitinda] at ang pakiramdam na makakain nang para [kaming] mga nasa bahay lamang,” ani Llaneza. 

Kasaysayan

Institusyon na kung maituturing ang Jing’s matapos ang mahigit kalahating siglo nitong saysay sa komunidad ng UP.

Nakilala ito bilang karinderya ng pamilyang Mallari bago bansagang “Lutong Bahay” o LB ng mga estudyante. Hango ang kasalukuyan nitong pangalan mula sa anak ng mag-asawang Mallari na si Jing — na siyang kasalukuyang nagpapatakbo ng kainan.

Kilalang magaling magluto ang nanay niyang si Erlinda, ani Jing. Sinimulan nito ang negosyo noong 1970s nang makiusap ang ilang bar reviewees na paglutuan sila ng pagkain habang naghahanda sa nalalapit na pagsusulit.

”Ang makakainan mo lang kasi dito sa campus [noon ay] talagang konti. So ‘yong mga bar reviewees, naghahanap sila ng mga makakainan. Tapos from a small group, lumaki lang siya nang lumaki through [word] of mouth,” sambit ni Jing.

Nagsilbing empleyado ng UPD ang ama at mga tiyuhin ni Jing. Nang mabigyan aniya sila ng pormal na pabahay ng administrasyon sa loob ng kampus, napagdesisyunan ng kaniyang ama na magdugtong ng karinderya sa kanilang tahanan. 

At dahil konektado ang kainan sa kanilang bahay, nasanay na ang kanilang pamilya na maraming tao sa tahanan, ani Jing.

“Kakagising ko lang, bumaba ako ng hagdan. [Makikita] ko may mga customer na sa baba,” pagkukuwento ni Jing.

Ngunit hindi lahat ng kustomer ay may pambayad kahit sa maliliit na karinderya tulad ng Jing’s, saad niya. Pinadali aniya ng pagtatantong ito ang paghahanda ng libreng pagkain sa mga estudyanteng gipit.

Hindi naman din napunta sa wala ang tamis ng kalinga ng karinderyang itinuring nang kanlungan ng komunidad.

Pagsasalaysay ni Jing, madalas dumalaw ang dati niyang mga estudyanteng kustomer kasama ang kanilang mga anak.

“Sila ‘yong magkukwento pa sa harap ng anak nila na, ‘Dati, ganito at ganyan,’” saad ni Jing. “Nandoon ‘yong comfort na alam nila na mayroong isang LB na sasalo sa anak nila.”

Abot-kaya ngunit malalasang porksteak, sisig at barbeque ang ilan sa naging mga pangunahing putahe ng Jing’s bago ito nagsara ngayong Martes. 

Sa tagal ng pagluluto ng karinderya, napagpaaral na nito ang ilang miyembro ng kanilang pamilya sa probinsya, ani Jing, bukod sa pantustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Malaking kawalan

Ang pagsasara ng Jing’s ay tanda ng naglalahong mga batayang espasyo sa UP sa harap ng lumalalang komersyalisasyon at displacement ng mga manininda sa kampus. 

Mahigit isang taon nang hindi kumikita ang Jing’s dala ng lumolobong gastusin sa araw-araw na pagpapatakbo nito, ani Jing. Kasabay ito ng pagbubukas ng tinututulang Dilimall nitong nakaraang taon. Ilang hakbang lamang ang karinderya mula sa komersyal na establisimyento.

Ang plans namin ngayon ay ma-stabilize muna ang aming mga buhay,” saad ni Jing. 

Ngunit hindi inasahan ng may-ari ang pagbuhos ng pagmamahal ng dati niyang mga suki matapos nilang ipabatid na hihinto na ang regular nitong operasyon. Dito niya naunawaan ang tunay na halaga ng karinderya sa komunidad ng UP na itinuring na itong tahanan.

“Hindi namin kasi nga ma-picture ang life without [LB]. So it would be another phase of our lives. Pero nandun din ‘yong security or assurance na marami nagmamahal,” saad ni Jing.

Hindi rin sa pagsasara ngayong Martes nagtatapos ang kasaysayan ng karinderya, dagdag niya.

Tiniyak ni Jing na mananatiling bukas ang kanilang fruit shake stands at patuloy na tatanggap ng orders para sa mga bilao at party trays.

”Natutuwa ako na hindi lang pala sariling pamilya namin ‘yong nakinabang, kundi marami sa community at saka sa mga nagdaan pang estudyante. So, sobrang thankful ako,” wika niya.