Kung magbubukas lang ang langit

Artikulo ni Julius Patrick Coloma

Sarado ang mga pinto. Nagsiuwian na ang mga dalaw. May hanggahan ang pagbigkas ng mga kani-kaniyang elehiya. Paubos na rin ang mitsa ng kandilang nakatirik sa tabi ng kupas na litrato. Maya-maya pa’y susunduin na rin ng dilim ang naghihikahos nitong apoy. At isang bagay na lamang ang mananatili, kasama ng mga nilisan – ang anino ng pamamaalam.

Dinamayan ng lumbay ang isang apong ninakawan ng paggiliw. Sa edad na 19, nahirapang kumawala si Luciene Manallo o ‘LJ’ sa tanikala ng balitang tumawid na sa kabilang buhay ang kaniyang ‘Lolo Daddy,’ kasabay ng lumalamang pandemya magmula pa noong Marso.

“Right after kong malaman ‘yong balita, hindi agad ako naiyak … parang no’ng una hindi pa ako, kami ng mga kapatid ko, makapaniwala. Tapos no’ng nag- na kami ng tita ko … ‘yon kinonfirm nga niya na wala na si Daddy. … Do’n na ako naiyak,” salaysay ni LJ.

May bigat sa mga paalam na hindi man lang niya nasabi, gayong may mga huling pagkikita rin na hindi man lang niya natupad.

Tandang-tanda ni LJ ang eksaktong petsa ng pagkawala ng kaniyang Lolo Daddy dahil sa kidney failure – ika-16 ng Setyembre.

No’ng mga unang araw [pagkatapos], hindi ako makatulog … na parang ang hirap [at] ‘di man lang namin siya nakasama kasi nga bawal lumabas-labas,” pag-aalala niya.

Kahit makailang tirik ng kandila, hindi lumisan ang bagabag at kirot ng pamamaalam sa kaniyang Lolo Daddy. At kung pinilit pa siyang mapag-isa, lagpas na siguro sa mga numero ng timbangan ang bigat ng kaniyang pagluluksa. 

Nakalulungkot at naka-panghihinayang … kasi dahil sa pandemyang ‘to, nahirapan kaming dalawin siya at makapag-bonding man lang sana bago siya pumanaw o lumala ‘yung mga complications niya. … Puro lang kami at tawag,” panghihinayang niya.

Ang digma sa gitna ng digma

Inabot ng pandemya ang pakikipagsagupaan ni Lolo Daddy sa kaniyang iniindang sakit sa bato. Dahil dito, dumoble ang mga labang kinailangan nilang ipanalo.

“During the pandemic and lockdown, super hirap maghanap ng donor ng dugo,” kwento ni LJ. “Halos same reasons ‘yong natanggap ko … na bawal sila[ng] lumabas, at masyadong delikado kasi [sa] ospital. [Kaya] ‘yong mga nakuha naming donor, mga kamag-anak lang din pati kaunting friends ng kuya ko.” 

Naging isang malaking dagok sa buhay ni LJ at ng kaniyang pamilya ang pagsuko ng kaniyang Lolo Daddy. Hindi man niya naipanalo ang laban, may mas malaking gantimpalang ginhawa naman ang naghihintay sa langit, paniwala ni LJ.

Mag-iisang taon na nang salakayin ng COVID-19 ang bansa. Mauubos na rin ang mga papel sa kalendaryo simula nang makipagsapalaran ang lahat, hindi lamang sa kumakalat na sakit kundi sa salat na serbisyong pangkalusugan din ng bansa.

Makikita sa isang ulat ng World Health Organization (WHO) na pinahina ng COVID-19 ang humigit-kumulang kalahati ng serbisyong pangkalusugan sa halos 155 bansa, na nakatuon para sana sa mga sakit tulad ng hypertension, kanser at pagda-dayalisis. Higit ang dagok sa mga bansang katulad ng Pilipinas kung saan kakarampot ang pagpapahalaga sa agham at medisina.

“‘Pag mga oras ng pagtulog or minsan ‘pag mag-isa … do’n lumalakas ‘yung overthinking ko. Mahirap matulog o mag-concentrate sa mga bagay na ginagawa ko,” kwento ni LJ, na naging dahilan para ipagpaliban muna niya ang kaniyang pag-aaral. 

Iba rin ang hirap ng panibagong moda ng pagtuturo para sa kaniya. “If ever man … kung nag-aaral ako, ang hirap mag-focus dahil sa nangyari at lalo akong nahihirapan matuto since hindi naman akma ‘yong learning style para sa akin,” ani LJ. 

Hindi lang si LJ ang kabataang tumatawid sa kada araw nang may puwang sa kaniyang dibdib. Isa lang siya sa mga nag-alay ng puting rosas at dasal para sa mapayapang paglalakbay ng mga lumisan patungo sa liwanag. Nalalanta rin ang kanilang kasiyahan, at nabubulok kung hindi mailabas at maarawan.

Isa rin si Queenie*, 18-taong gulang, sa mga sumabak sa laban ng pagkalumbay.

Hindi man lang niya nahaplos ang pisngi ng kaniyang Lola Uring bago siya pumanaw. Namalagi sa probinsya si Lola bago pa lumala ang sitwasyon sa siyudad, kaya’t hindi na niya ito nakapiling sa kaniyang mga huling sandali.

“Nandito siya sa Marikina before the peak of the pandemic,” aniya. “Inuwi siya sa Mindoro kasi 92 na siya at very prone siya sa virus. … May highblood siya at matanda na rin, and hindi naman kaagad-agad na makakapag-check-up sa probinsya due to limited health services.”

Ngayong mas tumitindi at lumalawak ang pinsalang dulot ng pandemya, makikitang may pagkakahawig ang lungkot at ang virus – parehas ang dalawa na pumapatay nang hindi nakikita. 

Bilangguan ang mga alaala

Nakatambak sa isip ang mga gusto nating maalala. Madalas dumadalaw at nananakit ang mga  ito kung hindi nailalabas, lalo pa kung pilit na isinisiksik kasama ng mga lumalalang pangyayari.

“Sa totoo lang, hindi ko maipaliwanag kung gaano [ako] kalungkot, lalo na sa tuwing naaalala ko ang mga panahong nakasama ko si Lola,” kwento ni Queenie. “Hindi ko maiwasan ang matulala o lumuha.”

Isa si Queenie sa mga napilitang sumabak sa bagong anyo ng edukasyon. Tuwing bumibigat ang mga binabagsak sa kaniyang mga gawain, gumagapang kasabay nito ang lumbay dahil sa pagkawala ng kaniyang Lola. Ito ang karaniwang kalagayan ng ilang mga estudyante na hindi nakikita ng pamahalaang nasyonal at mga nagbubulag-bulagang ahensiya nito.

“Nahirapan akong umintindi ng mga lessons at mas bumagal akong mag-comply ng mga requirements. Tuwing may online class … madalas akong nakahiga na lang at walang ganang makinig … kaya madalas din akong makatulog at pagalitan ng mga prof,” aniya. 

Simula nang umugong ang pandemya, naging bilanggo ng lungkot at takot ang mga kabataan, lalo na ang mga kababaihan, ayon sa isang pag-aaral. Malaking dagok sa pakiramdam ang mawalan ng mahal sa buhay sa gitna ng krisis.

“Naging mas mahirap ‘yong pagluluksa dahil wala akong masabihan o makausap,” ani Queenie. “Knowing din sa sitwasyon ng bansa, parang napipigilan tayong bigyan ng time na maging malungkot over her death, kasi kailangan mong unahin ‘yong mas mahahalagang bagay katulad ng pag-aaral. And no matter what … na-a-undervalue pa rin ang mental health dito.”

Inilatag rin ng WHO ang report sa nagkukulang na akses sa mga serbisyong pang-lusog isip sa gitna nitong krisis, kung kailan pinaka-kinakailangan, at na dapat ay mabigyan ng tuon ng mga namumuno ang mga ganitong usapin, may pandemya man o wala. 

Habang tumitindi ang pinsala ng virus, gayong wala pang katapusang naaaninag, malaki rin ang nagiging epekto nito sa pinaka-pundasyon ng isang makabuluhang lipunan – ang emosyon at buhay ng mga mamamayan. 

Ibababa natin ang langit

Binibisita pa rin ng kirot ng pag-alala sa mga nakalipas sina LJ at Queenie. Nasa dulo pa rin ng kanilang mga dila ang mga paalam na mahirap pa ring bigkasin.

“Kapag may pagkakataon lang sana, gusto kong magpadala ng video sa langit,” kwento ni LJ. “Dahil si Daddy nahihirapan nang bumasa. Dahil sa katandaan, malabo na ang mata at mas prefer niya ang video greet … mga mensahe na hindi namin nasabi noon sa kan’ya at mga paalala na lagi niya kaming gabayan,” paliwanag niya.

Umaasa naman si Queenie na mas mapagpalaya ang sitwasyon sa itaas, “Kung may ipapadala man ako sa langit, aabutan ko ng liham ang aking Lola. Siguro naman ay malinaw na muli ang kaniyang paningin at malaya na niyang mababasa ang pabaon kong mensahe at panalangin.”

May mas matinding lamat, hindi lang sa emosyon, ngunit sa kabuuan ng mga naulilang pamilya, ang mawalan sa panahon ng pandemya kung kailan sadlak sa kahirapan ang karamihan. Mahirap ipagpag ang lungkot kapag hinaluan na ng galit. 

Hindi nagtira ang lipunan ng kahit katiting na oras para magluksa ang mga naulila. Marahil tinangay na nito ang lahat at iniwan lang ang bakas ng pamamaalam, nangangahulugan lamang na may mga luha pa tayong babawiin sa isang mas malawak na laban. 

Kung magbukas man ang langit para makita silang mga namayapa, paano makakadalaw ang mga nasa lupa? Kung gayong nakalikha na rin naman ng harang sa lipunan ang pandemya at ang mapangahas na sistema ng mga naghaharing-uri?

Hindi na dapat natin hintayin ang panahong lahat tayo ay nakaakyat na sa langit para lang makatikim ng ginhawa, kung kaya naman natin itong ibaba, ipaglaban at maranasan din dito sa lupa.

 *Piniling hindi magpakilala ang nakapanayam

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*
*

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: