Dibuho ni Chesca Tuazon

Artikulo ni Renz Palalimpa

‘Di mahulugang karayom ang Epifanio de los Santos Avenue sa dami ng tao. Bagamat tirik ang araw, nalunod ang highway sa dagat ng mga Pilipino. Iba’t ibang mga mukha, trabaho at kwento ng hinagpis mula sa kani-kanilang sektor ang dumagsa sa lansangan at sumama sa napakalawak na kilusan laban kay diktador Ferdinand Marcos. Sa pangunguna ng mga lider-aktibistang nag-organisa ng kanilang mga hanay, isinuntok nila sa hangin ang kanilang galit laban sa pagtapak ng dating pangulo sa kanilang mga karapatan.

“Marcos, Hitler, walang pinag-iba!” sigaw ng taumbayan. Umugong ang kanilang hinaing mula sa harap ng hanay hanggang dulo, isang malakas na himnong sabay-sabay nilang inawit.

Kasabay ng pagbulyaw ay ang pagmartsa ng kanilang mga paa at ang pagtaas ng kamao. Sabay-sabay sa tibok ng awitin. Sa Ayala naman, maingay ang paghataw sa mga tambol pang-Ati-Atihan. Hinarap nila ang teargas upang bumuo ng kani-kanilang mga ranggo. Naghalo ang mga tambol at ang pagpadyak ng masa at bumuo ito ng isang makapangyarihang orkestra.

Ang napapanood ay hindi lamang isang rebolusyon, kundi isang rebolusyon ng mga himno, ng awitin at ng pagprotesta. Isa itong paglabas ng galit na itinawid sa musika.

Nahanap ng mga aktibista ang isang napakalakas na sandata laban sa diktaduryang Marcos. Isang sandatang bagamat tago ay may angking ‘di matatawarang lakas. Kaaya-aya man ito sa pandama, tunay itong mapaminsala.

Matalas ang mata ng estado sa pamamatyag ng anumang bakas ng pakikibaka. Kaya sa takot na madakip, mahuli o mapatay, kinailangan ng mga progresibo na makahanap ng mga paraan upang magbuklod nang nananatiling tago.

Musika ang isa sa mga paraang nahanap nila. Nagsilbi itong lubid na nagdugtong sa mga aktibista kahit saang madilim na sulok man sila mapadpad. Nahanap nila sa mga awitin ang lubid na maaari nilang panghawakan sa gitna ng pinakamadalim na bahagi ng kasaysayan ng bansa. Kinalaunan, ang mga lubid ding ito ang nagdugtong sa libo-libong mga Pilipino mula sa iba’t ibang mga sektor ng lipunan na naghihimutok sa administrasyon. Hinila nila ang isa’t isa patungo sa lansangan at sama-samang pinataob ang isang diktador.

Nakatulong  ang mga awiting ito sa pagbuo ng mga hanay — sa pamumuno ng mga lider-aktibistang nag-organisa at nag-ayos ng kilusan. 

Ganito ang kapangyarihang taglay ng sining: ang kakayahan nitong magpakilos at humimok ng isang tao upang makibahagi sa pakikibaka. 

Handa, awit

Isa nang ganap na bahagi ng pagka-Pilipino ang awitin. Kayang-kaya tayong ipagsama-sama ng musika at mahalaga ito sa pagkakabuo ng pagkakaibigan, komunidad at maging ng isang bansa. Sa pamamagitan ng tono at himig mabisang napagbubuklod tayo.

Hindi na bagong imahe ang pag-awit ng mga papuri sa nobena at pagtugtog ng mga awit ng kundiman. Malalim ang koneksyon ng mga Pilipino sa ritmo at galaw. Parte na ng pagkakakilanlan at kultura ng Pilipinas ang musikang kalaro na nito noong una pa lamang.

Para sa komposer na si Vincent de Jesus, ang musika ay bahagi ng halos lahat ng kultura sa mundo, lalong-lalo na rito sa Pilipinas, kung saan matatagpuan ang isang mahabang kasaysayang tadtad ng mga awitin.

“Wala yatang kultura na walang traditional culture na hindi ginagamit ang music. Particularly sa atin, ang lakas ng musika,” ani de Jesus. “Siguro nabitbit natin ‘yun, na-occupy din tayo ng Spanish — ‘yung sarswela nila na-absorb natin. … Mula pa nativity hanggang sa pagpako kay Kristo sa krus [sa simbahan], lahat ‘yan may kanta.”

Si de Jesus ang nagsulat ng mga awitin para sa mga dulang “Changing Partners,” “Himala: Isang Musikal” at marami pang iba. Nagtamo rin siya ng isang Carlos Palanca award at naging nominado para sa isang Gawad Urian. 

“Noon pa lang before the Spanish came ang mga rituals natin ang laki ng element ng music and dance. Iba-iba lang ‘yung meter, iba-iba lang ‘yung style,” dagdag niya.

Kwento niya, ginagamit ang musika upang mapasigla ang mga taong nakikinig nito. Sa mahahalagang pagdiriwang tulad ng kasal, kaarawan, pagtutuli o kahit sa panahon ng digmaan at paghahatol, ginagamit ang mga awitin hindi lamang upang ipagsama-sama ang lahat, kundi upang mabigyang-buhay ang isang mahalagang okasyon.

“‘Yan ang pinakamadaling mag-gather talaga eh — ang awitin,” ani de Jesus.

Rondalya ng rebolusyon

Marahil ay ito na nga ang dahilan kung bakit matalik na magkaugnay ang mga kilos-protesta at ang mga awitin tungkol dito. Ginamit ng mga aktibista ang lubid ng musika upang gumanyak ng tao para sa malawakang kilusan laban sa Batas Militar ni Marcos. Ang musika ring ito ang nagbigay-sigla sa kanilang pagprotesta.

Iba-ibang paraan ang ginamit ng mga musikero sa kanilang paglikha ng mga awitin. Ang iba’y masigasig at tunog-martsa samantalang ang iba nama’y madamdaming balad na may kurot sa puso. 

Isang modang nahanap ng manunulat na si Nonoy Gallardo ay ang pagtago ng matapang na protesta sa likod ng masiyahing tunog ng silopono at isang melodyang tunog-pambata. Ito ang hagap sa likod ng awitin niyang “Saranggola ni Pepe.”

Dagdag pa rito ang kagalakan sa pag-awit ng asawa niyang si Celeste Legaspi, mabisa nilang lihim na ipinahayag ang kanilang poot sa Batas Militar. Isang matalinong pagtutulad kay Marcos ang linyang “matayog ang pangarap ng matandang bingi.” Inihayag din ng mag-asawa ang kanilang pagkabagabag sa pagkawala ng mga aktibista at mga kritiko ng pamahalaan. “Sigaw ng kahapon, nilamon na ng alon,” kwento ng awitin.

Mahusay na itinago ng mag-asawang sina Nonoy Gallardo at Celeste Legaspi ang kanilang kritisismo laban sa Batas Militar sa kanilang makulay at masigabong awiting Saranggola ni Pepe. Sa liriko nito, hinambing si Marcos bilang ‘matandang bingi’ na may ‘matayog na pangarap’. Ang pagprotesta laban sa kanyang pamumuno — ang ‘sigaw ng kahapon’ — ay ‘nilamon’ na ng ‘alon’ ng kanyang marahas na pagdakip at pagpapapatay. Sa huli, kumapit ang nagdurusang sambayanan sa pagdarasal at sa ‘rosaryo ng babae’. Dibuho ni Renz Palalimpa

“Deceptive ‘yung: ‘matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe,’ kasi ganoon ang musicality ng mag-asawang si Nonoy [Gallardo] saka si Celeste. … ‘Yun ang paraan [nila] ng pagkwento through song,” saad ni de Jesus.

Sa kabilang dako naman ay ang magigilas na kanta ni Joey Ayala. Sa kanyang mga awitin noong panahong iyon, ginamit niya ang istilong rock halo ng iba’t ibang mga tunog-Pinoy upang ilabas ang kanyang galit sa lumalalang panghihimasok ng Estados Unidos.

“Ginamit [ni Ayala] ang rock, which [is] basically an American invention… para labanan ang American influence noon. So ginamit niya ‘yung invention ng US para labanan ang US, which is genius,” pagkamangha ni de Jesus.

Ano pa mang porma ng musika ang gamitin ng isang artista, hindi maikakaila ang kapangyarihan nitong humimok at magbigay-buhay sa mga kilusan. Hanggang ngayon, kung kailan halos 50 taon na ang nakalipas mula nang naipatupad ang Batas Militar, gamit pa rin natin ang musika upang bumuo at magpasaanyo ng mga panawagan.

Umuusbong ngayon ang bagong imnaryo ng awiting pamprotesta. Isa na sa pinakabagong-dagdag dito ang awiting “Di Niyo Ba Naririnig” — isang sariwang bihis ng awiting “Do You Hear the People Sing” mula sa dulang “Les Miserables.” Nilikha ito ni de Jesus upang awitin sa dulo ng protesta laban sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong 2017.

“I don’t remember kung sino ang nagsuggest, pero nagkaroon ng consensus na ‘Do You Hear The People Sing’, tutal worldwide ‘yung phenomenon na ‘yun, ginamit na sa Italy, sa Hongkong, sa Turkey [at] sa marami [pang] mga lugar,” dagdag niya.

Mula noong una itong kinanta sa Luneta, ilang beses na ginamit ang awitin sa iba’t ibang mga kilos-protesta. Parehas na liriko, magkakaibang konteksto.

“Very simple chords, malinaw ‘yung stanza, malinaw ‘yung chorus. Ta’s malakas ‘yung recall. Hindi siya mahirap kantahin. Ganun naman usually dapat if you want everyone to sing — simple, powerful na pwedeng kantahin ng kahit sino,” ani de Jesus.

Maging noong nagprotesta nang nakaraang taon bilang pag-alala sa pagpapatupad ng Batas Militar, tampok ang awiting ito sa Quirino Grandstand. Buhay na buhay ang mga sumama sa pagkilos sa pag-awit ng mga liriko nito. Ang iba’y humihiyaw sa galit, habang ang iba’y umaawit nang marubdob. Sa pamamagitan ng awiting ito, isang makatindig-balahibong eksena ang lumaladlad — isang eksenang nagpapakita ng kakayanan ng musikang kilitiin ang galit ng masa.

Koda ng kalayaan

“Kailan lang si Marcos pinaalis, ito na naman problema natin. Andiyan na naman siya? Nalingat lang tayo, nandiyan na naman siya? Nilibing mo pa siya sa Libingan ng [mga] Bayani. ‘Yun ang ginagawa mong ‘hero’? Ano ba ‘yun?” biro ni de Jesus.

Ganoon na  lang kabilis pinalimot ng gobyerno ang mga karumal-dumal na krimen ni Marcos. Sistamatiko ang kanilang paraan ng pagbura ng mga alaala at dahan-dahan nilang binabago ang mga pangyayari noong panahong iyon. Subalit, hindi lilimot ang taumbayan dahil ang diktaduryang pinapamalas ngayon ng pangulo ay nagsisilbing alaala sa kaparis niyang pasista noon. 

Ayon sa ulat ng United Nations Human Rights Office, lagpas 8,600 katao na ang namatay sa ilalim ng kampanya ni Duterte laban sa droga. Dagdag pa rito, pinasara ang ABS-CBN, ang pinakamalaking media organization sa bansa. Hindi na mabilang ang kaniyang mga paglabag sa Saligang Batas at ang libo-libong Pilipinong pinapahirapan niya mula pa noon. 

Tulad ng pag-ulit ng mapanupil na pamahalaan, umuulit din ang pangangailangang  gawing politikal ang sining at musika. Sa pamamagitan ng mga awiting ito, napagdurugtong ang taumbayan, at tulad ng dati ay napalalakas ang mga hanay laban sa gobyernong mapang-api.

“Importante talaga ang song, ang awit, kasi lahat ng mga [protesta] naman, nag-e-end sa isang concert. Siya ‘yung parang culminating activity. May tutugtog, may mag-e-express sa stage, kahit sa online,” ani de Jesus.

Sa panahong ito na lahat ay nakakulong sa bahay at hiwa-hiwalay sa isa’t isa, malaki ang gampanin ng musika upang ipagtahi-tahi ang lahat, saanmang sulok nakalugar. Madali para sa musika ang tumakas mula sa mga kwarto at mga checkpoint. Kayang-kaya nito bitbitin muli ang mga ‘di- nagbabagong panawagan.

Ganito ang kapangyarihan ng mga awitin. Sa pagsulong para sa ating mga karapatan, dalhin din natin ang musika. Nang sa gayon, maawit natin ang koda ng kalayaan nang sama-sama, sabay-sabay at walang takot.

Subscribe

Subscribe now to our newsletter

By checking this box, you confirm that you have read and are agreeing to our terms of use regarding the storage of the data submitted through this form.

%d bloggers like this: