Artikulo ni Leo Baltar

1987. Isang taon makalipas ang makasaysayang pag-aalsa sa EDSA — sa panahong patuloy na lumalatay ang walang hanggahang sugat na idinulot ng diktadurang Marcos — nahaharap pa rin sa parehong naratibo ng pasismo at pang-aabuso ang mamamayang Pilipino sa ilalim ng rehimeng Cory Aquino.

Ito ang salaysay na tinangkang himayin ng dokumentaryong A Rustling of Leaves: Inside the Philippine Revolution — isang krusada ng liwalim, ng pinag-isang liwanag at dilim.

Bilang bahagi ng Daang Dokyu, ang kauna-unahang pista ng dokumentaryong pampelikula sa bansa, natunghayan ng mga Pilipino sa unang pagkakataon makalipas ang tatlong dekada ang A Rustling of Leaves.

Ipinalabas ang pelikula mula ika-19 hanggang ika-23 ng Setyembre, kasabay ng ika-48 taong paggunita sa pagdeklara ng Batas Militar. Muling mapapanood ang nasabing pelikula simula ika-9 ng Oktubre bilang pormal na pagbubukas ng Daang Dokyu.

Nauna ang A Rustling of Leaves sa mga dayuhang manlilikha ng pelikula na sumilip sa mga suliranin at kontradiksiyon ng kalagayang panlipunan ng Pilipinas, ayon sa paglalarawan ni Jewel Maranan, pampistang direktor ng Daang Dokyu.

Kung ang dokumentaryo’y hindi lamang alingawngaw ng dati nang bumabagting na usaping pampulitika sa bansa, ano pa ang maiaalok nitong tinig sa harap ng lipunang pilit pa ring pinatatahimik? Bukod pa rito, kanino ito magmumula?

Natatanging elemento sa pelikula

Hindi maitatangging mahusay na nailahad ni Nettie Wild, direktor ng pelikula, ang salu-salungat na naratibong kritikal na inilatag sa kabuuan. Bakas sa dokumentaryo ang panahong iginugol sa pangangalap ng pondo, pananaliksik at mismong produksiyon nito.

May lugod sa pagtatangka ni Wild na himayin ang mala-triyanggulong lenteng nangingibabaw sa pelikula: ang kampanya ng mga miyembro ng legal na kaliwa, ang armadong pakikibaka ng mga gerilya sa kanayunan at ang kontra-rebolusyonaryong propaganda ng estado.

Kapansin-pansin sa pelikula ang istilong juxtaposition o ang pagtatabi ng mga magkakasalungat na salaysay upang lumikha ng naiibang impresyon sa manonood.

Kabilang dito ang bahagi kung saan ipinagmamalaki ni dating Pangulong Cory Aquino na magiging isa sa pinakamaunlad na bansa sa buong mundo ang Pilipinas sa saliw ng kanyang mga tagasuporta na isinisigaw ang kanyang pangalan, habang ipinapakita ang larawan ng lumalalang kahirapan sa bansa tulad ng mga maralitang lungsod sa nakasusulasok na tambakan ng basura sa Maynila.

Maibibilang ang nasabing eksena sa produkto ng konseptong poverty porn o ang simplistikong paglalarawan ng midya sa mga mahihirap. Sa ganitong paraan, nagiging malabnaw ang pagtingin sa kahirapan bilang isang pagdurusa na base lamang sa kawalan ng materyal na pangangailangan.

Isinasantabi nito ang katotohanang napapaloob sa isang masalimuot na sistemang panlipunan ang usapin ng kahirapan. Tila itinuturing din nito na ang mga mahihirap ay biktimang dapat iligtas ng manonood.

Samantala, may kakulangan ang pelikula sa paggamit ng wikang Ingles sa pagkukuwento dahil hindi ito lapat sa pag-unawa ng masang Pilipino na siyang layong manonood nito.

Bagaman may ilang isyu sa estetika, bunga marahil ng panahon kung kailan ito nalikha, litaw sa A Rustling of Leaves ang pagiging puro ng mga eksena’t diyalogong piniling mailahad dito — mabuti man o hindi.

Halimbawa nito ay ang tahasang pag-amin ni Jun Pala, radio announcer sa Davao, kung paanong ginagamit ng militar ang radyo bilang instrumento ng kontra-insurhensiyang propaganda ng estado, alinsunod kay Joseph Goebbels na kilalang propagandista ni Hitler.

Walang dudang tagumpay ang A Rustling of Leaves sa pagbibigay ng espasyo sa politikal na kalagayang panlipunan ng Pilipinas.

Hindi na nakapagtatakang umani ang pelikula ng mga prestihiyosong parangal pang-internasyonal tulad ng gawad Prix du Public mula sa National Film Board ng Canada at nagpatuloy na maipalabas sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ligid ng armadong pakikibaka

Higit sa tangkang pagtatahi ng dokumentaryo sa iba’t ibang lenteng inihain nito, tinahak ng A Rustling of Leaves ang ligid na kadalasang isinasantabi ng mainstream na midya — ang armadong pakikibaka.

Kung tatanungin si Ka Oris, miyembro ng gerilyang pangkat na New People’s Army (NPA) na itinampok sa pelikula, magandang ideya ang paghinto ng armadong pakikibaka at tuluyang pakikilahok sa repormang iniaalok ng estado, ngunit taliwas ito sa naratibo ng pandarahas sa ilalim ng rehimeng Cory Aquino.

May bigat ng katotohanan ang mga binitiwang salita ni Ka Oris.

Ika-22 ng Enero, 1987 nang maganap ang karumal-dumal na masaker sa Mendiola. Malinaw na nahagip ng kamera ang paghandusay ng mga katawan sa kalye. Sa loob ng tatlong minuto, 18 pesante ang pinatay — dagdag sa mahabang listahan ng inutang na dugo ni Cory.

Isang potograpo ang umagaw sa aking pansin. Kung paanong sa gitna ng pagbuhos ng tinggang ulan mula sa militar ay walang humpay ang kanyang pagkuha ng larawan na para bang normal na tanawin na lamang ang pagkitil.

Kabalintunaan na habang iminumungkahi ng estado ang reporma sa mga gerilyang grupo sa kabundukan ay baril naman ang isinusukli nito sa mga magsasakang nananawagan lamang ng tunay na reporma sa lupa.

Isinalaysay rin ng dokumentaryo kung paanong sa murang edad pa lamang ay nag-aarmas na ang mga pesante sa kanayunan. Ayon sa isang miyembro ng NPA, lumalahok sila sa rebolusyonaryong pagkilos upang balang-araw ay wala nang mang-aapi at maaapi, wala nang mang-aabuso at maaabuso.

Simpleng hiling man ito kung ituring, sala-salabat ang mga dahilan kung bakit mailap pa rin ang tunay na pagkakapantay-pantay sa bansa.

May ilang kasagutang iniwan si Kumander Dante, isa sa mga karakter na tampok sa pelikula.

Aniya, mawawala lamang ang suliranin ukol sa kahirapan at kawalan ng lupa ng mga magsasaka kung magkakaroon ng tunay na repormang pang-agraryo, pambansang industriyalisasyon, gobyernong mula at tungo sa masa at bansang nakapagsasarili na malaya sa kontrol ng imperyalistang Estados Unidos.

Matapang na pinilas, kung hindi man muling pinira-piraso ng A Rustling of Leaves ang salaysay ng rebolusyonaryong pakikibaka sa bansa.

Dayuhang pagtingin sa kalagayang panlipunan ng Pilipinas

Hindi maikakailang nilikha ang dokumentaryo mula sa lente ng isang dayuhan. Angat ang pribilehiyo ni Wild bilang direktor mula Canada sa pagkakaroon ng akses na makapanayam ang mga karakter na tampok sa pelikula sa pambihirang pagkakataon.

Bilang tugon sa aking tanong sa isang panayam, sinabi ni Wild na bilang dayuhan, makailang ulit niyang tinanong ang sarili kung ano ang kanyang gagawin kung siya naman ang nasa kalagayan ng mga Pilipino: kung lalaban sa paraan ng legal na kaliwa o sa pamamagitan ng armadong pakikibaka. Ngunit alinman sa dalawa, dagdag ng direktor, nariyan pa rin ang pandarahas ng estado.

Maaaring makita ang sinseridad ni Wild sa kanyang pagpayag sa kondisyon ng NPA na sumama maging sa panahon ng mga engkuwentro kontra sa militar. Lumaki man sa konserbatibong pamilya, iginiit ng direktor na iminulat siya ng karanasan kasama ang mga gerilya upang tanawin ang mga hanggahang lampas sa masisipat ng kanyang lente.

Ang adbentahe marahil ng A Rustling of Leaves ay kung paano nito itinampok ang mga karakter tulad nina Dadang, Poloy at Batman na karaniwang maliit lamang sa pananaw ng isang dayuhan.

Anuman ang layunin ni Wild sa gayong desisyon, nagawa nitong maihatid ang bahaging kadalasang isinasantabi ng nakararami — na ang mga gerilyang inaakusahang bandido at halimaw ng estado ay tao lamang din. At kanino nga ba tayo dapat matakot?

Armadong pakikibaka hanggang sa kasalukuyan

Matagal nang lumipas ang rehimeng Cory Aquino, ngunit hindi niluma ng panahon ang armadong pakikibaka sa kanayunan — nananatili ito tulad lamang ng pananatili ng pasismo at pandarahas sa kasalukuyan.

Sinisikil pa rin ang lipunang Pilipino sa mukha ng patuloy na kontra-mamamayang propaganda ng estado tulad ng pagkakapasa ng Anti-Terror Law at mga kontra-insurhensiyang polisiya.

Hayag sa dokumentaryo kung paanong naitulak ng administrasyon ni Cory na pagbanggain ang mamamayan sa kapwa mamamayan.

Halimbawa nito ay ang pagtatag ng militar sa Alsa Masa, isang bihilanteng organisasyon ng mga sibilyang kontrolado ng gobyerno sa Davao noon. Nagsilbi itong behikulo upang tugisin ang mga pinaghihinalaang kasapi ng NPA.

Ang ganitong paramilitar na taktika ay alinsunod sa kontra-insurhensiyang propaganda ng Amerika na siyang dahilan kung bakit naging talamak din sa panahon ni Cory ang red-tagging o ang walang basehang pag-akusa sa isang indibidwal na bahagi ng komunistang samahan.

Lubos pang nakababahala kung paanong bukas-palad na tinanggap ng mga kasapi ng Alsa Masa ang ganitong panlilinlang ng estado na mas lalo pang lumawak ang makinarya sa rehimeng Duterte.

Isang masalimuot na usapin ang armadong pakikibaka, ngunit ayon kay Ed dela Torre, paring radikal na itinampok sa pelikula, kailangang maunawaan ng nakararami na ang rebolusyonaryong pagkilos ay isang penomena’t hindi saradong diskurso.

Ang patuloy na pagtangan ng armas ng mga pesante sa kanayunan ay patunay lamang ng pagtalikod ng gobyerno sa mga lehitimong panawagan ng masa, ng patuloy na pamamayani ng naghaharing uri.

Kung dahas ang tugon ng estado, sino ang makapagsasabi kung ano ang dapat itugon ng mamamayang dinarahas?

Isang krusada ng parehong liwanag at dilim ang A Rustling of Leaves tungo sa pagkamit ng tunay na pagkakapantay-pantay. Hindi ba’t lahat naman tayo’y nais makaalpas mula sa dilim?

*Liwalim — liwanag at dilim (halaw sa Hindi lamang salita: mga tula ni Emmanuel V. Dumlao)

Subscribe

Subscribe now to our newsletter

By checking this box, you confirm that you have read and are agreeing to our terms of use regarding the storage of the data submitted through this form.

%d bloggers like this: