Para sa manghahabi ng sablay, malayo pa ang tagumpay

Taon-taon bago ang pandemyang COVID-19, kasabay ng pamumukadkad ng mga mirasol sa kahabaan ng University Avenue, libo-libong estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang nagdiriwang dahil sa kanilang pagsablay.

Higit dalawang dekada nang naging tradisyon ng UP ang pagsuot ng sablay sa ritwal ng pagtatapos. Noong 2000, pormal na pinalitan ang karaniwang togang pananamit ng mga estudyante, at ginamit ang sablay — ang pang-akademikong kasuotan ng UP na may mensaheng pagsasama-sama ng kalinangang Pilipino.

Ang dibuho ng sablay ay nakabase sa ukkil mula sa Mindanao, na sumisimbulo sa isang papausbong na halaman. Ang sigsag naman sa gilid nito ay kawangis ng dibuhong nasa kasuotan at gamit ng mga pangkat-etniko mula Batanes hanggang Tawi-Tawi.

At sa bawat balikat na sinasabitan nitong sablay, mayroong mga kamay na masusing nagsasalansan at nagbibigkis ng bawat hibla nito.

Ayon sa mga manghahabi mula sa Arevalo, Iloilo, sila ang kauna-unahang nagdisenyo at naglabas ng sablay para sa mga mag-aaral na magtatapos sa unibersidad. 

Gamit ang mga luntian at pulang hibla ng polyester, mabusisi nilang hinahabi ang bawat sablay sa pamamagitan ng sinuksok, kung saan ang maliliit na detalye gaya ng katumbas na baybayin ng “U” at “P,” ay kasabay nang inihahabi, at hindi lamang itinatahi.

Sa sinuksok na moda ng paghahabi, mano-manong isinasalansan ang mga kulay-gintong hibla upang mapalitaw ang disenyo ng baybayin. Para sa mga manghahabi, kinakailangang pulido ang bawat kurba ng disenyo sapagkat simbolo ito ng yaman ng kulturang nananalaytay sa unibersidad.

Larawan mula sa Arevalo Handwoven Products Facebook page.

Kwento nila, para magawa ang ganito kabusising disenyo, kailangang nasa ritmo ang buong katawan, hindi lamang ang mga kamay at paa sa loom o habihan.

“Kapag tumutunog ‘yung loom, pera na yon,” kwento ni Maria Jhocson, 63. “Pero kapag [walang tunog ang habihan], wala rin.”

Dulot ng pandemya, nakulong ang mga seremonya ng pagtatapos sa mga birtwal na kahon ng Zoom, at humina rin ang kita ng mga manghahabi ng sablay.

Gayunpaman, hindi natigil nang tuluyan ang produksyon nito. “Ngayon lang kami medyo nag-lie low dahil marami nang stock. Pero tuloy-tuloy pa rin ang trabaho kasi kailangan din namin yan eh,” saad ni Maria.

Pasanin ng pandemya sa balikat

Ayon kay Mariz Jiz, tagapangasiwa ng Arevalo Handwoven Products, bago magpandemya, puspusan ang paglikha nila ng mga sablay kapag malapit na ang pagtatapos dahil kailangan nilang habulin ang mga order

Kaya’t bago pa man nag-lockdown noong Marso 2020, nakapagpadala na ng mga sablay sa Diliman si Evelyn Jiz, ang may-ari ng Arevalo Handwoven Products. Ngunit dahil naudlot ang pisikal na seremonya ng pagtatapos, hindi agad naibenta ang mga ito.

[The distributors] said they can only sell if there is graduation but since there is [none], they cannot sell the orders that we have given them. So na-stuck up doon sa kanila,” saad ni Evelyn.

Mula 2002 hanggang 2020, nakikipag-ugnayan sina Evelyn sa UP Alumni Association (UPAA) upang maging distributor ng sablay na ipagbibili sa mga campus ng UP system. Ang sablay na ipinadadala ni Evelyn ay binibili ng mga estudyante sa UP Alumni Center.

Kinalaunan, nang hindi na kayanin nina Evelyn ang bigat ng supply na kailangan para sa iba’t ibang campus, nilimitahan nila ang pagbenta sa Diliman.

Taon-taon, halos 3,000 piraso ng sablay ang binibili ng Diliman sa tatlong tamanyo: small, medium at large.

Ayon kay Evelyn, Oktubre o Disyembre pa lamang, nakatatanggap na sila ng mga order mula sa UPAA. Pagdating ng Enero, bultuhan niya itong ipapadala sa Diliman, hanggang makumpleto ang mga order dalawang linggo bago ang pagtatapos.

Dagdag niya, saka lamang nila matatanggap ang bayad dalawang linggo pagkatapos ng seremonya. Wala raw silang paunang bayad o down payment na hinihingi dahil “may tiwala” siya sa unibersidad.

There was no written agreement between us, the supplier, and them, the buyer. It was all on trust only. Verbal lang. I was at fault because I trusted them,” pag-amin ni Evelyn.

Kahit ang bayad sa pagpapadala ng mga sablay sa Diliman, sina Evelyn din ang pumapasan.

Usually, lahat-lahat, ako ang nag-shoulder ng shipment. Pagkatapos, I found it disadvantageous sa part ko so sabi ko, ‘I will only shoulder the first two shipments. After the two shipments, [sila] na ‘yung magbayad,’” ani Evelyn.

Bagama’t bayad na raw ang mga sablay na binigay sa Diliman noong 2020, noong pumutok ang pandemya, mahigit 500 piraso ang ibinalik sa kanila. Dagdag pa sa kanilang imbak ang halos 2,000 nagawa nila sa loob ng dalawang taon.

Nawalan din daw ng komunikasyon sina Evelyn sa UPAA. Dahil dito, naiwan sa kanilang mga balikat ang bigat ng pagbebenta ng natirang mga sablay.

There are students from UP Visayas who come over [to buy sablay] and we also have online — Shopee and Facebook,” saad ni Mariz.

Pero the volume of sales is very minimal compared to if you have a distributor for every campus,” dagdag ni Evelyn.

Sinubukan ni Evelyn lumapit sa mga tsanselor ng iba’t ibang UP campus para humingi ng tulong na maibenta ang mga sablay, ngunit ayon sa kanya, tanging UP Visayas at Mindanao lamang ang tumugon sa kanilang panawagan.

Saad ng dalawang campus ay wala silang kasiguraduhang magkakaroon ng pagkakataong makapagbenta ng sablay, bunsod umano ng mga panlihistikong problema.

Bunga ng sablay

Sa likod ng pasaning bunga ng pandemya, nakapagpundar pa rin sina Evelyn ng bagong gusali para sa mga manghahabi ng sablay. 

At the start, the looms are all situated in the houses of the weavers. ‘Yung mga first five years na kami lang yung nagsu-supply ng sablay, nakapag-construct kami ng three-story building [para sa weavers],” kwento ni Evelyn. 

Sa gusaling iyon, nakahilera ang mga likha nilang sablay, kasama ang iba nilang mga produkto tulad ng patadyong at alampay. Naglagay din sila ng walong habihan para maipamalas sa mga bisita ang paglikha ng mga gamit na ito. 

Bukod sa gusali, ikinwento rin ng mga Ilonggong manghahabi ang naging tulong ng sablay sa kani-kanilang mga pamilya.

Yung sablay, nakatulong talaga sa amin ‘yun. Nakapagpatapos ng anak namin ‘yon sa pag-aaral,” pagbabahagi ni Lourdes Balajediong, 69.

Kwento ng mga mananahi, ang pagtatahi ng sablay ang nakapagpatapos sa kanilang mga anak na ngayon ay mga mandaragat at guro na.

Taong 2017, kabilang si Lourdes sa mga manghahabing ginawaran ng pagkilala sa UP Visayas bilang isa sa mga orihinal na manghahabi ng sablay. Ang mga sertipikong ito ay pagpapahalaga sa kanilang kakayahan at kaalamang naiambag sa paglikha ng sablay.

Nagpaabot din daw ng mga sertipikong pagkilala ang tsanselor ng UP Diliman na nagpapatunay na sila ang mga orihinal na lumikha ng sablay.

Subalit, maliban sa sertipiko at litrato, ayon kay Evelyn, wala nang ibang suporta o tulong na natanggap ang grupo nila. Wala rin daw itong katumbas na incentive para sa mga manghahabi.

Mga larawan ng paggawad ng pagkilala kay Lourdes Balajediong at iba pang mga mananahi para sa orihinal na dibuho ng sablay. Larawan ni Mariz Jiz.

Ang pagpapatuloy

Mula sa humigit-kumulang 20 na manghahabi noong mga naunang taon, nabawasan ito nang nabawasan dahil nagretiro na ang karamihan. Sa pitong natitirang manghahabi ngayon, isa na lamang ang hindi pa senior citizen.

Kwento ni Evelyn, bata pa lamang ang mga manghahabi, sinanay na sila sa paghahabi ng kani-kanilang mga magulang.

Gayunpaman, kwento ng mga manghahabi, hindi na nila ito naipasa sa kanilang mga naging anak. “Yung mga new generation, they don’t want to weave kasi maliit ‘yung sweldo at saka sa bahay ka lang,” saad ni Evelyn.

Naunang ibinahagi ni Maria na malaki ang naitulong ng sablay sa kanila at sa kanilang pamilya. Subalit, ani Maria, “kung [sablay] lang talaga ang aasahan namin, kulang na kulang lalo na para sa mga anak namin.” 

May kaakibat ding hirap ang paghahabi sa pamamagitan ng sinuksok, sapagkat hindi ito katulad ng “basic weaving.” Kaya kahit marami nang tinuruan si Evelyn para maghabi, marami pa ring hindi tumuloy.

After the training, once you ask them na ‘O, bibigyan ka na ng loom para maka-start ka na,’ the usual na answer is ‘Ma’am, hindi ko kaya,’” ani Evelyn.

Dahil sa kakulangan ng tauhan, wala nang nagawa sina Evelyn nang nagsulputan ang iba pang mga manininda ng sablay mula sa iba’t ibang parte ng bansa.

Subalit para sa kanya, mahigpit man ang kompetisyon, marami pa ring nagsasabi na iba ang likha nila.

“‘Yung ibang weavers, marami silang contacts doon sa UP e, so hindi na kami ‘yung major supplier, sila na. Even though technically, kami ‘yung nauna, ngayon wala na kami,” saad ni Evelyn. 

Hangad ni Evelyn at ng kanyang mga kasama sa Arevalo na muling makahanap ng mga kamay mula sa unibersidad na tutulong sa kanilang muling makibahagi sa tagumpay ng mga mag-aaral.

We need middlemen to sell our products because we are based here in Iloilo and we cannot go to every campus,” panawagan ni Evelyn. “If they can help me distribute the sablay, I’m very thankful because in the first place, we were chosen to be weavers of the sablay used by UP Diliman students.”

Bukas, Hulyo 31, gaganapin ang kauna-unahang pisikal na seremonya ng pangkalahatang pagtatapos para sa mga estudyante ng UP. Matapos ang halos tatlong taon ng pandemya, harap-harapang masusuot ng mga Iskolar ang kanilang mga sablay.

Matagal nang hinihintay nina Evelyn ang panunumbalik ng mga pisikal na seremonya upang makabawi mula sa pagkalugi. Ngunit sa nararanasan nila ngayong kawalan ng komunikasyon sa unibersidad, kasabay ng patingi-tinging kita, mukhang aabutin daw ng dalawang taon o higit pang taon bago sila makabangon.

Para sa mga manghahabi ng sablay – na siyang simbolo ng pagtatapos ng mga mag-aaral – malayo pa rin ang kailangang tahakin para sa sarili nilang tagumpay: ang muling marinig ang masiglang tunog ng habihan na kanilang kinagisnan.