TRIGGER WARNING:
Inilalarawan sa artikulo ang iba’t ibang porma ng tortyur na dinanas ng mga biktima ng Martial Law at ng administrasyon ni Duterte. Maaring magdulot ito ng trigger sa mambabasa.
Malinaw at detalyado ang kwento ni Lualhati Roque.
Kolehiyala pa lamang siya ay maalab na ang kanyang pagkilos. Maaga siyang namulat sa laban ng kababaihan na aniya’y “integral” sa usapin ng lipunan at sa paglaya ng Pilipinas. Kinalaunan, dinala niya ang kaniyang mga tuntunin sa pangunguna ng women’s bureau ng Kabataang Makabayan.
Kahit pa ibinasura ng diktador na si Ferdinand Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971, hindi nanlata ang aktibismo ni Lualhati. Sinariwa niya ang araw na bumungad ang kanyang larawan sa harapan ng dyaryo. Pabiro niyang inalala ang tumagatingting na “presyo [para sa kanyang ulo].”
“Tinorture naman tayo halos lahat eh,” banggit niya sa mga kapwa-aktibistang nakikinig sa kanya. “Ang porma ng torture sa akin, sampal kapag ‘di ako sumasagot sa mga tanong. Kapag wala pa ring sagot, pinapatindi nila. Inabuso nila ako [nang] sekswal.”
Hindi rin matanggal ang pait sa dila ng mga beteranong aktibistang kausap ni Lualhati sa isang press conference na inorganisa ng iba’t ibang progresibong grupo noong Set. 17. Isa-isa nilang sinalaysay ang kanilang karanasan sa panahon ng Batas Militar. Hindi maitago ng kanilang mga ngiti ang kirot ng mga ala-alang nagmumulto sa kanila.
Lalo na’t ang mga multong ito’y hindi na lamang gunita, kundi isang pwersang sumasanib maging sa kasalukuyan. Lumang tugtugin na ang mga kwento ni Lualhati sa mas nakababata niyang tagapakinig. Sa kanilang murang edad, alam na rin nila ang mapait na lasa ng abuso mula sa nakatataas.
Katulad ng pagpapamana ni Marcos ng kanyang mga taktika kay Duterte, halos limang dekada na ang nakalilipas, ipinapamana na rin ngayon sa kabataan ang aktibismong napatunayan nang nakapagwawakas nito.
Maagang simula
Inilahad din ni Chris Sorio ang buhay niya sa ilalim ng Batas Militar. Aniya, 44 na taon na mula nang siya’y mamulat sa aktibismo.
“Naging organizer ako ng League of Filipino Students (LFS) sa University Belt area,” saad niya. “Kasama ko rin ang [aking] dating asawa, ang unang Secretary-General ng LFS.”
Tulad ni Lualhati, sa murang edad ni Chris ay natuklasan na niya ang kabuluhan ng pag-oorganisa. Sa kanyang kabataan din ay agad niyang hinarap ang kamay na bakal ng estado, lalo na noong kinasuhan at binilanggo siya noong 1982.
“Tinortyur ako, kinuryente ako sa bayag. Pinasak ang aking brief sa aking bunganga para ‘di na ako sumigaw, at binuhusan pa ako ng tubig,” ani Chris.
BASAHIN: In the eyes of a survivor: Remembering bravery in the face of tyranny
Napatalsik man si Marcos mula sa kapangyarihan, hindi lumisan ang pandadahas ng estado sa poder ni Chris. Kahit sa pagtungo niya sa Canada kasama ang kanyang pamilya, nakabuntot pa rin ang halang na kaluluwa ng diktador.
“Muntik na akong ‘di makalabas ng Pilipinas dahil ‘di ako makakauha ng NBI clearance. Sinabi ng colonel na papayagan nila akong lumabas, ngunit sa oras na ako ay nagsalita laban sa pamahalaan, sabi nila ay: ‘Hahanapin ka namin at papatayin,’” kwento ni Chris.
Gayunpaman, hindi namuti ang talampakan ni Chris na ngayon ay nagsisilbing tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) – Canada at miyemrbo ng progresibong grupong Migrante sa bansa. Itinampok niya sa pulong ang kanilang pagkilos sa ibayong dagat at ang kanilang mga naging tagumpay.
Para kina Chris at Lualhati, mahalaga ang tungkulin ng kabataan na mang-udyok na kumilos laban sa masukal na pamamalakad ng estado.
Tagapangulo naman ng BAYAN si Carol Araullo na noo’y isang lider-estudyante mula sa Kolehiyo ng Medisina sa UP Manila. Sa kanyang pagbabalik-tanaw, nasabi niyang malalim na ang ugat ng pasismo sa pamahalaan.
“Ang krisis ng lipunang Pilipino ay chronic,” paglilitis niya. “Kumbaga sa sakit, ito ay chronic illness with acute exacerbations.”
Sinariwa ni Carol ang pagputok ng aktibismo noong Batas Militar: ang paglaban ng kabataan, ang armadong pakikibaka sa kanayunan at ang pagkilos ng masang tuluyang kumitil sa rehimen ni Marcos.
Malinaw kay Carol na sasapitin ni Duterte ang parehas na landas. Dagdag niya, ang guhit ng tadhana sa pangulo ay isang hustong pagtatapos sa kamay ng masa.
“Si Duterte ay isang worthy successor ng kinamumuhiang diktador na si Marcos,” aniya. “Yung laban sa diktadura, sa tyranny at ang laban para sa pagtatapos ng isang lipunang batbat ng pagsasamantala ay hindi [pa] natapos.”
Pamana
Kabilang din sa birtwal na pulong si Alicia Lucena, 20, na biktima rin ng abuso ng pamahalaan.
Ang wangis ng pandudustang ito ay ang kanya mismong pamilya. Dahil tutol sila sa kanyang aktibismo, ikinulong nila si Alicia sa sarili nilang bahay noong Abril 2020.
“Wala akong kalaban-laban,” gunita niya. “Noon, hindi ko alam na hindi pala siya normal. Nalaman ko na lang na abuse na pala ‘yung nararanasan ko. Doon na ako nag-umpisang mag stand up sa sarili ko laban sa abusers.”
Tanda ni Alicia, lalong lumakas ang kanyang aktibismo noong pumutok ang usapin ng pagpapababa ng edad ng pananagutan o criminal liability. Sa mitsang ito kumidlap ang panibagong laban ni Alicia, na mismong menor de adad pa lamang noon.
“Hindi ko kaya personally na may batang na nas-subject sa abuse, what more pa na ikulong sila sa formative years? Kasi bata rin sila eh,” sabi ni Alicia.
Subalit, kasabay ng pag-alab ng kanyang aktibismo ay ang pag-igting ng abuso ng kanyang mga magulang. Naniniwala si Alicia na kumikilos ang kanyang ina sa utos ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
“Pinapag-stay ako sa fourth floor na nakandado, nakakandena. Pinapaihi ako sa ihian ng pusa. Hindi ako pinapakausap sa kahit sino. Yung kwarto na ‘yun, mukha siyang bartolina,” aniya.
Dinig ang hapdi sa mga salita ni Alicia na dahan-dahang binabagtas ang tinamasa niyang paghihirap. Alam niyang hindi na mabubura ang mantsa ng dinanas niyang abuso mula sa kanyang pamilya. Ani Alicia, ‘bibitbin [niya ito] habang buhay.’
Ngunit habang buhay niya ring dadalhin ang kanyang paglaban.
“Alam ko desperadong-desperado at takot na takot [ang aking pamilya], ang NTF-ELCAC, pati yung fascist regime na si Duterte sa mga katulad kong lider-kabataan na kritikal.”
Lakas
Para sa mga aktibistang nagbahagi ng kanilang kwento sa press conference, mahalagang lapit sa puso ang mga taong pinaghuhugutan nila ng lakas.
“Matatag ako kasi alam ko naman na kasama [ko] ‘yung mga kakilala ko sa pagkilos, na tutulungan, na magiging suporta [ko] sila sa lahat. Dahil alam ko na hindi mali ‘yung ginagawa ko, mas lalo akong nabigyan ng dahilan na mas lumaban,” saad ni Alicia.
Lumitaw ang suportang ito nang kumalat ang balita tungkol kay Alicia. Naglabas ng pahayag ang maraming organisasyon ng kabataan sa loob at labas ng unibersidad. Kinampihan siya ng mga progresibong grupo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Matagal nang kasama sa laban ng masa si Alicia. Hindi nakakapagtaka kung bakit katulad ng marami pang kabataang lumalaban ay pupunteryahin ng ganitong klaseng pang-aatake,” ika ni Jeann Miranda, tagapagsalita ng Anakbayan.
Para naman kay Lualhati, ang pamilya ng isang aktibista ay lagpas sa magulang o kapatid, bagkus ay sa malawak na hanay ng masa.
“Ang pamilya kong pangunahin ay ang masa. Ang mas malaking pamilya natin bilang aktibista ay ang sambayanan. Kaya ang pamilya nating nukleyar ay bahagi na lang ng kabuuang pamilya ng sambayanan,” saad ni Lualhati.
Bagamat ilang dekada na mula nang nag-umpisa ang laban kontra-Batas Militar, nananatili ang mapangahas na tuntuning bitbit ng mga aktibista sa pagharap sa karahasan ni Duterte.
“Paano natin lalabanan para mawakasan itong papet, pasistang tiraniya [ni] Duterte?” tanong ni Carol. “Gagamitin natin ang mga paraan na napatunayan na doon sa anti-dictatorship struggle.”
Panatag ang loob ng mga nakatatandang aktibista sa namamasdan nilang pagkilos ng henerasyong sumunod sa kanila, tulad ng laban ni Alicia at ng malawak na hanay ng kabataang kasama niya.
Nakapinid man ang tenga ng mga diktador sa panawagan ng kabataan at ng masang kinabibilangan nila, nangako ang mga aktibistang hindi sila mamamaos sa paniningil sa mga krimen ng estado.
“Sa kabataan, ipagpatuloy niyo lang ang simulain,” batid ni Lualhati sa mga nakikinig sa Zoom. “Ang tanong sa sarili natin: ano ang katotohanan? Para kanino tayo naglilingkod? Pag nasagot na natin ‘yan ay ‘di na tayo magdadalawang isip — torture man ‘yan, mabaril ka man, di ka na matatakot kasi alam natin na mahalaga ‘yung ginagawa nating gawain.”