EDITORIAL: Oda ng alagad ng midya

Walong taon, walang hustisya.

Para sa isang bansang may saligang batas na itinatakda ang kalayaan sa pamamahayag, ang ating lupa ay may bahid ng dugo— dugo ng mga tagapagdala ng katotohanan at tagapagbantay ng demokrasya.

Noong 2009, 58 katao ang pinatay ng pamilyang Ampatuan sa Maguindanao, kung saan 32 ay mga peryodista. Naghinagpis ang bansa at ang mundo sa itinuturing na pinaka-malagim na atake sa mga mamamahayag.

Lumipas ang mga taon, at malayo pa rin ang katarungang inaasam ng mga pamilyang iniwan. Sa halos dalawandaang kinasuhan ng patong-patong na kasong pagpatay, wala pa ni-isang nahatulan–isa’y pumanaw na, ang ila’y malaya na.

Sa kanyang pagkakaupo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto ay binigyan siya ng hamon–na bigyang hustisyang matagal nang ipinaglalaban ng sambayanan.

Ngunit tila isang kabalintunaan ang mga hakbangin ng administrasyon upang lutasin ang mga kaso laban sa karapatang pantao ng mga mamamahayag. Sa kabila ng pagbuo ng komisyong tututok sa mga isyung ito, patuloy ang pagdating ng mga dagok na sila mismo ang puno’t dulo.

Sa ilang mga pagkakataon, mismong ang pangulo ang nagbibigay-katuwiran sa pagpatay sa mga peryodista, na kasalanan nila ang kanilang kinahihinatnan. Binabansagan pa na korap ang mga indibidwal at organisasyon ng midya.

Sa mga pagkakataong ang pangulo dapat ang nangunguna sa pagprotekta ng mga karapatan ng mga mamamahayag, siya pa mismo ang nagtataguyod ng isang kulturang patuloy na inilalagay ang buhay ng mga alagad ng midya sa panganib.

Noong ikaanim ng Enero, binaril ng anim na beses si Mario Contaoi, isang radio announcer mula sa Ilocos Sur. Tatlong linggo ang nakararaan, si Larry Que, isang kolumnista, ay pinatay matapos iulat ang ilang lokal na opisyal na nakatali sa kalakaran ng droga sa Catanduanes.

Ilang administrasyon na rin ang dumaan, ngunit malinaw pa rin ang kabiguan ng gobyerno sa pagprotekta sa mga alagad ng midya. Patuloy ang naratibo laban sa mga peryodista, at isa itong kalapastanganan hindi lamang sa mga mamamahayag ngunit pati sa mas malaking hanay ng mamamayan. Ang pagpatay sa mga peryodista ay pagpatay sa sambayanang patuloy na lumalaban para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

Gamit ang kanilang mga pluma’t lente, inaalay ng mga alagad ng midya ang kanilang mga buhay sa pagbabalita ng impormasyong kinakailangan ng mga mamamayan patungo sa isang malaya at maalam na lipunan. Ang kanilang paninindigan sa katotohanan ay ang mismong bagay na kinatatakutan ng mga naghaharing iilang uhaw sa kapangyarihan.

Sa ilalim ng sistemang walang habas na binabagbag ang isang industriyang nakasandig sa katotohanan, ang pagwawakas sa kulturang walang pakundangan ay manggagaling hindi mula sa mga naghahari-hariang nakaupo sa kanilang mga tore, kundi mula sa sambayanan, ang tunay na mayhawak ng kapangyarihang baguhin ang isang sistemang iilan lamang ang nakikinabang.

Habang patuloy ang pamamasista at pagsasawalang-bahala ng mga nasa kapangyarihan sa suliraning ito, hindi malabong may dadanak na namang dugo ng mamamahayag na ginagawa ang kanyang trabaho. Pero higit sa lahat, habang patuloy na binubusalan ang mga alagad ng katotohanan, patuloy rin ang paglaban at pagsigaw ng sambayanan para sa tunay at ganap na malayang pamamahayag.

Walong taon, at patuloy na lalaban.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.