‘Major-major’ at ‘pamily’: ang sariling wika sa kasalukuyan

Sa wika pa lang, mayroon na tayong matinding pagpapahalaga sa Ingles at pandidiri naman sa mga lingguwahe ng bansa. Mayroon pa rin tayong inferiority complex sa mga puti; ang kultura, lingguwahe at mga produkto ng mga Amerikano ay magaganda at abante habang ang sa mga Pilipino naman ay pangit at atrasado.

Ni Monica Joy Cantilero

Paulit-ulit na umaalingawngaw ngayon ang sagot na “..major, major…” ni 2010 Bb. Pilipinas-Universe Maria Venus Raj. Sa radyong pinakikinggan ko kaninang umaga, tila naging umpukan ng biro ang mga salitang ito ni Raj. Sa telebisyon naman, isinama pa sa mga ulo ng balita ang reaksyon ni Raj sa kanyang kontrobersyal na sagot. Maging sa isang pahayagan sa internet, ginamit pa ito bilang titulo ng artikulo (“A ‘major, major’ win” mula sa Inquirer.net).

Hindi ko maiwasang maalala ang malungkot na sinapit ni 2008 Bb. Pilipinas-Universe Janina San Miguel kung saan naging umpukan rin siya ng masasakit na biro. Hindi rin kasi niya nasagot nang maayos ang katanungan ni Paolo Bediones, ang naturang host ng patimpalak noong taong iyon. Matatandaang nasambit niya ang “family” bilang “pamily.” At sa dulo ng kanyang sagot, sinabi rin nya, “Sorry guys because this was really my first pageant ever because I’m only 17 years old and (tawa) I, I did not expect that I came from, I came from one of the top 10…

Kung si San Miguel ay sinabihan nina Melanie Marquez at Ruffa Gutierrez na kumuha ng mga aralin sa Ingles, nagbigay ng suhestiyon si 1969 Bb. Pilipinas- Universe Gloria Diaz na sana ay magkaroon din ng interpreter ang mga pambato ng Pilipinas tulad ni 2010 Ms. Universe- Mexico (bagamat siya mismo ay bihasa sa paggamit ng Ingles) batay sa karanasan ni Raj. Ayon sa kanya, ang problema ay nag-iisip ang isang kandidato sa Tagalog, kaya naman may nawawala na kapag ang sagot ay nilalagay na sa wikang Ingles. Kung titignang mabuti, may punto ang dating beauty queen sa kanyang suhestiyon, lalo pa at saktong ngayon ay Buwan ng Wika. Hindi nga ba’t mas komportable tayo at mas naipapahayag natin ang ating saloobin kapag tayo ay nagsasalita sa ating tinubuang wika?

Kailan nga ba gumamit ng Ingles ang karamihan ng mga Pilipino? Ayon sa kasaysayan, ginamit bilang pangunahing wika ang Ingles sa mga paaralan bunga ng Taft Commission noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Marahil iyan ang makakapag-paliwanag kung bakit marami sa mga nakatatanda ay mahusay sa pagsasalita sa Ingles– na may Amerikanong punto pa!

Pilipino o Filipino?

Matapos ang ilang taon, isinaad ni Wenceslao Vinzons sa draft ng Saligang Batas ng 1935 na ang wikang pambansa ay bubuuin ng MGA WIKA SA PILIPINAS, ngunit nag-iba ito nang ilabas na ang pinal na dokumento ng Saligang Batas. Nakasulat doon na ang Tagalog na linggwahe ang magiging batayan ng wikang pambansa, at ito na nga ang naging simula ng pag-aaway ng mga pangkat-etniko. Sinikap na ayusin ito noong 1974, kung saan ang “Pilipino” ay naging “Filipino,” hindi rin isang natural na linggwahe pero isinasama rito ang lahat ng wika sa bansa maging ang Ingles at Espanyol. Pilipino ang ginamit na official language (para sa mga official functions tulad ng pagsusulat ng mga batas) at Pilipino naman ang pambansang wika. Hindi pa rin natapos rito ang away ng mga pangkat-etniko dahil tulad nga ng paglalarawan ni Dr. Pamela Constantino ng Kolehiyo ng Arte at Literatura, “Tagalog din naman yan eh!”

Noong 1974, kumalat ang sentimiyentong radikal at nasyonalista sa ilalim ng dating Pangulong Marcos, lalo na dito sa Unibersidad ng Pilipinas. Ayon kay Dr. Constantino, mas pinipili ang paggamit ng Pilipino kaysa Ingles; mas mataas pa nga ang grado mo kung Pilipino ang ginamit sa pagsagot! At maging sa mga asignatura ng chemistry at engineering, Pilipino pa rin ang ginagamit. Ngunit sa taon ring ito sinimulan ang Bilingual Language on Education.

Ngayon naman, sa ilalim ng DepEd Order no. 74 series 2009, ipinatutupad ang multilingual Education Policy, kung saan maaaring gumamit ng bernakular na wika sa mga eskuwelahan, ngunit makikita doon na ito ay hanggang 4th year highschool lamang. Mula sa pinakamababang paaralan hanggang sa kolehiyo ay kailangan magsalita ng Ingles ang mga mag-aaral.

Inferiority Complex”

Sa puntong ito, ano nga ba ang papel ng wikang Filipino sa paglilinang ng kamalayan ng mga tao? Makikitang magulo ang mga batas tungkol sa wika habang nariyan pa rin ang alitan ng mga pangkat etniko sa sinasabing pagiging angat ng mga Tagalog sa ibang grupo. Mayroon nga tayong Buwan ng Wika, ngunit hindi naman natin tinitingala ang mga wikang tinubuan natin. Tulad nga ng nabanggit ni Dr. Jovy Peregrino ng Departamento ng Filipino, kapag nagsasalita ka sa Ingles, ikaw ay tinuturing sosyal, elite, edukado at sophisticated. Kapag naman ikaw ay nagsalita ng Filipino, ikaw ay cheap, mababa at mukhang walang pinag-aralan. Ayus lang na magkamali sa Filipino, ngunit tila dudumugin ka ng taumbayan kapag nagkamali ka sa Ingles. Sa wika pa lang, mayroon na tayong matinding pagpapahalaga sa Ingles at pandidiri naman sa mga lingguwahe ng bansa. Mayroon pa rin tayong inferiority complex sa mga puti; ang kultura, lingguwahe at mga produkto ng mga Amerikano ay magaganda at abante habang ang sa mga Pilipino naman ay pangit at atrasado.

Hindi ligtas ang midya sa ugaling ito ng mga Pilipino. Ginagamit ang Filipino sa mga panggabing programa ng balita para mahakot ang “masa.” Samantalang sa cable naman, ginagamit ang Ingles sa halos lahat ng mga Pilipinong programa para magmukhang world-class. Ngunit hindi ba halos lahat rin naman ng manonood nito ay Pilipino rin? Kung Pilipino ang gagamitin sa mga programang ito, mangangahulugan ba na ang mga ito ay cheap, mababa at ­low-class? Ito rin kaya ang dahilan kung bakit walang broadsheet ngayon sa Maynila ang nasa Filipino?

Makikitang lubhang malalim na ang kaisipang maka-Amerikano sa mga Pilipino. Mahirap itong burahin, lalo na’t kahit ang mga nakatatanda, ang produkto ng mga Thomasites, na dapat ay nagwawasto sa atin ay silang tumatangkilik sa kulturang mananakop. Dagdag pa rito ang hindi pagpapahalaga mga asignaturang Kasaysayan at Filipino sa larangan ng edukasyon. Nawa ay matanto ng bagong administrasyon na kung talagang sila ay nagnanais ng pagbabago para sa mga Pilipino (at hindi para sa ikabubuti ng mga dayuhan), dapat nilang tutukan at lutasan, tulad ng sinabi ni Dr. Peregrino, ang pagiging DAYUHAN NG MGA PILIPINO SA SARILING BAYAN.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.