Alab ng panawagan: Ang pagsalubong ng UP sa Lakbayan ng Pambansang Minorya 2017

Photo by Keith Magcaling

Text by Andrea Jobelle Adan and Jemelle De Leon

Kasabay ng paglubog ng araw ang pag-angat ng libo-libong mga kamao, paglakas ng mga panawagan at paglagablab ng mga sulonagliliyab tulad ng diwa ng bitbit nilang mga kwento, karanasan, kultura at panawagan.

Narito na muli silanarito na ang sambayanan.

Mainit na sinalubong ng komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman ang humigit kumulang tatlong libong miyembro ng pambansang minorya na naglakbay mula pa sa iba’t ibang rehiyon sa bansa upang dumalo sa Lakbayan 2017. Dito nagkakaroon sila ng pagkakataong palakasin ang kanilang panawagan para sa hustisya, sariling pagpapasya, kapayapaan at karapatan sa lupang ninuno.

Sa nagdaang dalawang taon, nagsilbi ang Lakbayan bilang pagkakataon para sa mga pambansang minorya, na binubuo ng mga Moro, Lumad, katutubo sa Kordillera at ibang mga grupo sa Luzon, Visayas at Mindanao, upang direktang ipahayag ang tunay na kalagayan ng kanilang komunidad at manawagan sa gobyerno.

“Kaya ako sumama dito [ay] para bigyan ng hustisya ang nangyayari sa amin sa Mindanao,” giit ni Bai Jocelyn Agduhan ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association mula sa Bukidnon. Sa harap niya, tuloy sa pagbaga ang siga na ginagamit tuwing nakakatamasa ng pagkapanalo ang unibersidad sa mga larong pampalakasan.

Ngunit sa kasalukuyang dinaranas ng iba’t ibang komunidad sa bansa, mahaba-haba pa ang laban patungong tagumpay.

Isa sa mga pangunahing panawagan ng Lakbayan ng Pambansang Minorya ngayong taon ay ang pagpapatigil ng batas militar sa buong Mindanao. Mariin nila itong tinututulan dahil lalo lamang nitong pinalalala ang pang-aabusong dala ng militar at paramilitar; bala ang nagiging tugon sa kanilang mga lehitimong panawagan.

Ayon kay Geming Alonzo, mula sa Center For Lumad Advocacy Networking and Services Incorporated, 33 eskwelahan ng mga Lumad ang sapilitang ipinasara sa Sultan Kudarat. Kasabay pa nito ang pag-aresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa anim na boluntaryong guro. Dahil dito, kinailangan munang maudlot ang pag-aaral ng 1,328 na estudyanteng Lumad.

Buti na lang at sa pamamagitan ng Lakbayan, nabibigyan ng pagkakataon ang kabataan makapag-aral nang hindi nakukulong sa libro at silid-aralan.

“Nakikita nila na iba’t iba ring mga tribo ang apektado na iba’t iba ang isyung binibitbit, importante yan sa mga bata lalo na sa social studies na subject nila kasi hindi natin nilalayo yung mga kabataan na malaman yung tunay na kalagayan ng lipunan”, sabi ni Alonzo.

Para naman sa isang 17 taong gulang na Moro, ang Lakbayan ay isang pagkakataon para maituro sa iba ang katotohanan ng kanilang dinaranas sa Zamboanga.

Sariwa pa sa alaala niya ang pagkakadakip ng kanyang tiyuhin, pinuno ng kanilang komunidad. Kinuha umano ito ng mga armadong grupo, tinawag na miyembro ng Islamic State at inilayo sa kanila. Higit tatlong buwan matapos ang insidente, hindi na ito muling nakabalik pa.

“Isa siyang mabuting pinuno na pinatay na walang kasalanan. Lahat ng ginagawa niya ay para sa ikabubuti ng kanyang pinamumunuan,” giit niya. Naririto siya upang malinis ang pangalan ng tinitingalaan niyang tito. Naririto siya upang sabihing makatulong sa pagpapaliwanag sa ibang hindi maintindihan ang kanilang pakikibaka.

Sagot ng sambayanan

“In many ways, kahit na wala pang declaration ng martial law nationwide, marami ng katangian ng dictatorship ang openly nagagawa ni Pangulong Duterte,” paliwanag ni dating Bayan Muna Representative Teddy Casiño.

Ayon kay Casiño, kahit limitado sa Mindanao ang deklarasyon ng batas militar, marami sa nangyari noong panahon ng dating diktador at pangulong Ferdinand Marcos ang nangyayari muli ngayon sa pamamalakad ni Pangulong Duterte, katulad na lamang ng mga extrajudicial killings, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, at pinatinding giyera sa kanayunan.

At kung may isa pang itutulad sa madugong mga dekada ng batas militar noon, ito ay ang hindi natitinag at hindi mabubuwag na samahan ng masang inaapi.

Mula Luzon, Visayas at Mindanao ang mga miyembro ng pambansang minorya. Lahat sila’y may sariling karanasan, sariling kuwento. Ngunit noon pa ma’y kinilala na nilang hindi nila sarili ang pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan.

Nitong nakaraang taon lamang unang nakasama ang ibang miyembro ng pambansang minorya na hindi Lumad. Ayon sa panayam kay Sonny Serano noon, sa Lakbayan niya nakita na mali ang pag-aakalang terorista ang mga Moro, na iisa lang naman pala sila ng ipinapanawagan.

“Hindi pala kami nag-iisa, marami pala kami”, ani John Mar, isang Lakbayani mula sa Mindanao habang nakatingala sa unti-unting nagdidilim na kalangitan.

Natapos na ang paglagablab ng siga at lumalalim na ang gabi. Pero hindi  pa mahihimbing ang diwang mapagpalaya, ang diwang dala ng sama-samang pakikibaka.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.