Abot-kamay, lagpas sa larawan

ni Andrea Jobelle Adan

Aspalto at mga latag na tagpi-tagping tarpaulin, ilang mahabang tarapal na pilit pinatayo gamit kahoy, at mangilan-ngilang tent–iyan lamang ang kanlungan at panangga ng mga miyembro ng maralitang lungsod mula sa Bulacan at iba pang nayon.

Dinala ng mga miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), isang maralitang organisasyong naipagwagi ang demanda sa libreng pabahay sa Bulacan, at ng iba pang maralita ang dalawang araw ng kanilang buhay sa kahabaan ng Agham road.

Sa kalsadang ito, nagawa nilang makapagluto, makatulog at gumising para sa panibagong araw at pagkakataon lumaban.

Sa kalsada ring ito nagtapos ang milya-milyang martsa na umabot ng apat na oras, marating lang kanilang pagdadausan ng ilang programa at panawagan, mailapit lang sa mga taong duda sa kanilang kalagayan.

Hindi ito litrato sa Facebook.

Hindi ito maiikling segment sa balita o video.

Hindi ito batuhan ng sagot sa comments section.

Lahat ito ay nangyari nang harap-harapan noong Abril 29, 30 at natapos sa isang sa lumipas na Araw ng mga Manggagawa.

Lahat ito upang maiparinig sa mamamayang Pilipino at kinauukulan na narito sila, handang idepensa ang kanilang karapatan sa pabahay, ang kanilang karapatan sa buhay.

Ang problema diba alam naman natin na ang gobyerno, hindi naman tayo pinapansin dahil kung ikaw ay walang pera, alam mo na–talagang hindi tayo didinggin,” sabi ni Lea Marali, provincial president ng Kadamay.

“Sa kanila rin ay nagtulak na iyong kahirapan talaga,” dagdag ni Marali, isa sa mga tagapuno at isa sa maraming ina.

Tulad ni Marali, kinailangang pansamantalang lisanin ng iba ang piling ng mga anak, kapamilya, at mahal sa buhay upang makalapit sa kabisera.

Sa katunayan, ang unang araw ng kanilang Lakbayan ay ang ikatlong kaarawan ng kanyang lalaking anak.

Hindi man nakagkaroon ng selebrasyon ang bata, may kalungkutan pa ring ibinahagi ni Marali na hindi niya kapiling ang anak sa mahalagang araw.

Ayon sa kanya, pinapaalalahanan ng mga lider ang kanilang mga miyembro na kung maaari ay huwag na magsama ng bata, may sakit, at nakatatanda, para sa sarili nilang kaligtasan.

Ganunpaman, matatanaw pa rin sa kanilang hanay ang ilang mga matang sabik, wala pang isang dekadang nasisilayan ang mundo at mga kamay na dekadekada na kumakayod makaraos lang ang sa araw-araw.

Sa dagat ng mga nakataas na kamao, mayroong naguhit na sa mga nagbubukulang ugat ang masalimuot na kalahating daang taon, at mayroong mumunting kamay na hindi pa mabitawan ng mga magulang.

20170501_204432

(Kuha ni Andrea Jobelle Adan)

 

Wala sa edad ang pakikiisa

Ayon kay Marali, nais rin makiisa sa laban ng kanyang anak na lalaki sa high school.

“Nag-aaral sila. Pinagtiyatiyagaang pag-aralin kahit na pumapasok sila, nakakaraos sila sa sampung piso lang na baon,” ani ni Marali.

Sa paggawa raw ng school project nadadama ng anak ang kagipitan ng pamilya. Paliwanag ni Marali, hindi pa rin sapat ang kita ng asawa bilang merchandiser sa isang kilalang mall.

Paano pa kaya sa pagpasok ng kolehiyo, ani ni Marali.

Isang mapagpanggap na libreng edukasyong pangkolehiyo raw lamang ang ibinabandera ngayon. At para sa kanilang gipit, walang lebel ng pagpapanggap ang makapagtatago ng tambak na bayarin para sa karapatan sa edukasyon.

 

Ipinasa ng Kongreso noong Marso ang Affordable Higher Education for All Act. Nilalayon nitong gawing libre ang tuition sa mga state-subsidized ng unibersidad at kolehiyo. Bukod sa tuition, kinakailangan pa rin magbayad ng mga estudyante ng miscellaneous fees at iba pang bayarin.

Dahil dito, pati na rin ang kagustuhan sa isang abot-kayang edukasyon, ngayon pa lamang ay nagpapahiwatig na ng pakikiisa sa kolektibong pagkilos ang kanyang supling.

Hindi rin naman raw mapipigilan ni Marali ang anak, aniya, bakas sa mukha ang parehong pag-aalala at marahang pagmamalaki.

Hamon pa nga niya sa mga estudyante ng lungsod, “Ipaglaban din ng mga kabataan ang kanilang karapatan. ‘Wag matakot.”

Tulad ni Marali naniniwala si Len Serote, maybahay ng isang bus driver, na may puwang ang kabataan sa paglaban.

Isa lamang sa kanyang mga anak ang hindi nakayanang makadalo nang sila’y nagmartsa patungo sa Mendiola nitong nakaraang Araw ng Manggagawa.

“Pag lumaki na sila, ganito rin kasi ang kanilang dadanasin sabi niya, habang tinuturuan ang bitbit na dalawang taong gulang na anak paano itaas ang kaliwang kamao. Hindi raw sapat ang sweldong nakukuha ng kanyang asawa kaya hirap silang makawala sa kahirapan.

“Kaya kailangan rin nilang matuto lumaban,” dagdag ni Serote.

Makalipas ang ilang sandali, itinaas ng sanggol ang pareho nitong mga kamay, sabay ngiti nang may pagmamalaki.

Hindi naman magkamayaw ang ilang tao at mamamahayag sa paligid; maging sila’y nahihila ng imahe ng munting mga kamaong nakataas, ng sanggol na mas mauuna pang makabisado ang linya ng masa bago ang mga kantang pambata.

Sa hindi kalayuan, naglatag na ng banig ang ilang magsasaka mula Mindanao. Nakaupo nilang sinalubong ang programang inihanda, ang kanilang mga tuhod ramdam na ang lagpas limang dekada.

Ayon kay Salvador Barsibal Jr., bise presidente ng Marbai farmers mula sa Mindanao, hindi nila itinuturing na pabigat ang kanilang edad at pangangatawan. Anim na pung taon na si Barsibal, namumuti na ang buhok, at bahagya na nakayukod ang balikat.

Para sa iba, ang anim na pung taon ay palatandaan ng pagpapahinga, ng pagtigil sa trabaho at paggamit ng naipong benepisyo. Ngunit para kay Barsibal at sa iba pang magsasaka, hindi pa sila maaaring tumigil hangga’t hindi pa inaaksyunan ang kanilang mga hinaing.

“Pursigido talaga kaming pumunta” ani niya. Kailangan raw nilang personal maipaabot sa presidente ang kalagayan nila dahil hindi naman sila pinakikinggan ng ibang sangay ng gobyerno.

“Ang kanilang suporta ay wala sa aming manggagawa, kung ‘di nasa may-ari ng malalaking lupa,” paliwanag niya.

Bakas na rin ang pagod sa boses ni Barsibal, siyang magdamag nananawagan para sa magsasaka.

Ngunit nagagawa niyang iangat at palakihin ang tinig kasama ang iba sa sabay sabay na paghiling ng hustisya.

Ito ang natitirang puhunan ni Barsibal, nina Serote at Marali, at ng lahat ng mga miyembro ng maralitang lungsod: ang sama-samang pagpapanawagan, ang sama-samang paglaban.

Paninindigan nga ni Marila, ang tagumpay ay abot-kamay lamang kung lahat ay sabay-sabay mananawagan.

Hindi ito litrato sa Facebook.

Hindi ito maikling segment sa balita o video.

Ito ang organisadong panawagan ng KADAMAY at iba pang mga maralitang tagalungsod.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.