Nasaan na ang ‘Tinig’?

Sa gitna ng mga kasalukuyang pangyayari na sunud-sunod na kinaharap ng ating lipunan, ng Unibersidad at ng kolehiyo, nararapat lamang na nararamdaman din ang presensiya ng pahayagang pampaaralan upang siyang mag-ulat ng mga ito sa mga mag-aaral at maghayag ng mga saloobin tungkol sa mga ito. Tangan ninyo ngayon ang isang kopya ng inyong pahayagan–sagot sa mga katanungan sa isipan ng mga mag-aaral ng pangmadlang komunikasyon kung nasaan na ang Tinig ng Plaridel.

 

Nitong mga nagdaang buwan ay nagtataka ang karamihan sa mga mag-aaral sa umano’y tila pananahimik ng pahayagang ito–sa gitna ng pagkakabuwag sa mga tambayan ng mga organisasyong nakabase sa kolehiyo, sa laban ng mga mag-aaral laban sa pagtaas ng matrikula sa Unibersidad, at sa umano’y paglago ng ekonomiya na ipinagmamayabang ng kasalukuyang pamahalaan (na kontra naman sa mga datos na inilabas nang sumunod na araw tungkol sa pagtaas ng mga insidente ng pagkagutom ng mga mamamayan). Nangalahati na ang kasalukuyang taong akademiko ay hindi pa rin nakapaglalabas ng kahit iisang isyu man lamang ang TNP upang talakayin at ipahayag ang saloobin ng mahigit sanlibong mga mag-aaral na nasa kolehiyong ito.

 

Dalawang dahilan ang maiuugnay sa pagkakaantala ng paglabas ng inyong pahayagan.

 

Una, nakakalungkot, at higit pa’y nakakainis, na malamang walang tumutugon sa tawag ng Konseho ng mga Mag-aaral sa mga interesadong kumuha ng editoryal na pagsusulit para sa TNP–isang problemang nagtagal ng halos isang semestre. Aapat na mag-aaral ang sumagot sa panawagang pamunuan ang isang pangkat ng mga mag-aaral na patuloy na mag-uulat ng mga pangyayari at magpapahayag ng mga saloobin tungkol sa mga suliraning hinaharap sa kasalukuyang panahon.

 

Ikalawa, kahit na nagamit na ang lahat ng paraan–pakikipag-usap, text messages sa mga mobile phone, at maging ang e-mail sa Internet–upang malaman na naghahanap ng mga interesadong gumawa para sa pahayagan, nagtetengang-kawali pa rin ang mga mag-aaral–mga taong magiging bahagi ng isang industriyang ang pangunahing papel ay maging tagapagpamulat at tagapagbuklod ng sambayanan.

 

Sa huli, nagtapos ang unang semestre ng kasalukuyang taong panuruan nang walang nangyari–kung kailan kabubuo pa lamang ng pangkat na mamamahala sa TNP. At sa ngayon, lalabing-isang mag-aaral ang magtutuloy sa tradisyon ng matapang at responsableng pamamahayag. Kung tutuusin, maswerte na ang kasalukuyang pangkat dahil mas malaki ito kaysa nagdaang pamunuan na aanim lamang ang kasapi at dumepende sa mga kontribusyon mula sa ibang mga mag-aaral.

 

Oo at may pagkukulang rin ang mga bumubuo sa pahayagan ngayon. Hindi ito naging maagap sa pagkilos nito, at hindi nagamit ang iba pang paraan upang maipahatid sa mas nakararami ang tungkol sa TNP. Ngunit mas nakatulong kung mulat lamang ang mga mag-aaral tungkol sa pahayagang kanilang inaasahang lalabas nang regular. Kung sila ay tila inosente tungkol mismo sa TNP, paano pa kaya ang mas malalaking problemang panlipunan na haharapin ng mga mag-aaral?

 

Nakakabanas na isiping ganito na ang hitsura ng kolehiyong bantog sa pagiging ‘maalam, may pakialam.’ Naglalaho na nga bang unti-unti ang sinasabing ‘Tatak CMC’? Repleksyon na nga ba ito ng isang kolehiyong binubuo ng mga mag-aaral na pababa na nang pababa ang antas ng kamalayan sa mga nangyayari sa kanilang kapaligiran? Nasaan na ang aktibong pakikisangkot ng mga mag-aaral sa bawat pangyayaring makakaapekto sa buhay ng kolehiyo, ng Unibersidad, at higit sa lahat, ng bayan? Ang mga estudyante ng pangmadlang komunikasyon ay wala na nga bang pakiramdam? Manhid? Apatetiko? O sadyang nagbibingi-bingihan lamang?

 

Ito ang mga bagay na nagsisilbing hamon sa mga bumubuo ng lupong editoryal at mga kawani ng Tinig ng Plaridel. At ang kasalukuyang pamunuan ay gagabayan ng isang layunin: ang muling pagpapabalik ng karakter ng mga mag-aaral ng CMC – na maging maalam at may pakialam.

 

Bawat pahina ng bawat isyu ng TNP na lalabas ay maglalaman ng mga balitang masusing kinalap at sinuri ng mga kasapi nito. Iuulat nito ang mga pangyayaring nakakaapekto sa mga mag-aaral–sa lebel ng kolehiyo, ng UP, o pambansa man. Kalakip nito ang mga lathalaing patungkol sa mga isyu sa ating ginagalawang kapaligiran, at ang mga suliraning hinaharap ng industriyang kahahantungan ng mga estudyante–ang mass media. Ang mga pitak ng opinyon sa pahayagan ay lalakipan ng matapang na pag-aanalisa ng mga kasalukuyang isyu at suliranin. At upang mabalanse ang mga ito, magkakaroon ng mga seksyon na kung saan ay hindi lamang matututong bumuo ng kanilang sariling opinyon ang mga mag-aaral, kundi ang sila’y malibang at matuwa sa positibong paraan. Ang lahat ng mga ito ay nais maisagawa ng mga bumubuo sa TNP upang ibalik ang malaya, mapagpalaya at mapanuring kaisipan at karakter ng mga mag-aaral ng UP CMC.

 

At bilang tugon sa mga pagbabago ng kasalukuyang panahon, hindi lamang makikita ang Tinig ng Plaridel sa nakagisnan nitong anyo. Sapagkat ang dikta ng bagong henerasyon sa larangan ng midya ay ang konsepto ng pagsasaisa o convergence, magiging aktibo rin ang presensya ng pahayagan sa Internet. Inaayos na rin ang mga plano upang magkaroon ang pahayagan ng palatuntunan sa DZUP, ang opisyal na himpilan ng radyo ng Unibersidad. Palalawakin pa ng mga inisyatibong ito ang hangarin ng pahayagan na magsilbing instrumento ng malayang pagpapalitan ng mga kuru-kuro ng mga mag-aaral at maging ng mga guro at kawani ng kolehiyo na nais makisangkot sa usapang pampubliko.

 

Ngunit alam din ng kasalukuyang pamunuan ang mahalagang papel nito upang ituro ang responsableng paggamit ng midya bilang instrumento ng malayang pakikipagtalastasan. Dahil ang bawat pagkilos ay may kaakibat na responsibilidad na dapat gampanan, dapat na gabayan ang mga bumubuo sa TNP ng Philippine Journalists’ Code of Ethics, at ng sarili nitong kodigo ng mga etikal na katungkulan na bubuuin sa taong ito. Ang mga ito ay ipapakalat din sa mga mag-aaral upang kanila ring masuri kung nagagawa nang mahusay ng pahayagan ang mga tungkulin nito. Higit pa rito, walang sinusunod na saligang-batas ang publikasyon, at ito ay balangkasin at ayusin sa taong ito upang maging lalong maayos ang pagkilos ng mga kasapi ng TNP sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad.

 

Nagsisimula pa lamang ang laban para sa kasalukuyang pamunuan ng Tinig ng Plaridel. At hangad nito na mahubog ang mga mag-aaral ng Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon upang sila ay maging tunay na maalam at may pakialam. Sa ganitong paraan lamang mas lalong mapapalakas ang tinig–tinig ng isang matalino at matapang na bantay na tututol sa mga kamalian at kabulukang nangyayari sa kapaligirang kanyang ginagalawan.

 

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.

  • maskom estudent

    bakit ganyan ang editroial? masyadong mapangakusa. hindi ako parte ng TNP, dahil ba doon manhid na ako? wala na akong pakialam sa mga bagay bagay sa kolehiyo o as ating unibersidad?

    masyadong mapanghusga ang inyong editorial.
    “Nakakabanas na isiping ganito na ang hitsura ng kolehiyong bantog sa pagiging ‘maalam, may pakialam.’ Naglalaho na nga bang unti-unti ang sinasabing ‘Tatak CMC’? Repleksyon na nga ba ito ng isang kolehiyong binubuo ng mga mag-aaral na pababa na nang pababa ang antas ng kamalayan sa mga nangyayari sa kanilang kapaligiran? Nasaan na ang aktibong pakikisangkot ng mga mag-aaral sa bawat pangyayaring makakaapekto sa buhay ng kolehiyo, ng Unibersidad, at higit sa lahat, ng bayan? Ang mga estudyante ng pangmadlang komunikasyon ay wala na nga bang pakiramdam? Manhid? Apatetiko? O sadyang nagbibingi-bingihan lamang?”

    mas nakakabanas isiping mahigit isang-libong estudyante ang inisipan ninyo ng ganyan dahil.

    isa akong estudyante ng pangmadlang komunikasyon, at ito ang masasabi ko, hindi man ako parte ng TNP, HINDI AKO MANHID. HINDI AKO APATETIKO. AT MAY PAKIALAM AKO.

  • sa bagay maganda rin ang pamamalakad mo sna ikaw uli ang pangulo

  • sa bagay maganda rin ang pamamalakad mo sna ikaw uli ang pangulo

  • sa bagay maganda rin ang pamamalakad mo sna ikaw uli ang pangulo