Silakbo ng panawagan

Kuha ni Mikee Garcia
Panulat nina Jobelle Adan at Red Carao

Hindi na bagong tanawin sa Quezon City Circle ang parada ng pula’t dilaw. Gabi-gabi, maaaninag ang dagat ng pulang bituin sa kalsada dahil sa humaharurot na mga dyip at daan-daang mga kotse. Dadaan, aalis.

Ngunit isang gabi, dala ang nag-aalab na mga panawagan, pininta ng mga magsasaka ang QC Circle ng pula ng mga sulo. Bawat apoy, isang bituin. Bawat mukha, isang kwento ng pakikibaka. At nitong Lunes, dinala nila ang libo-libong mga kwentong ito sa Maynila para maghayag ng iisang mensahe:

Patuloy man ang pagtalikod sa kanila ng estado, hindi nila isusuko ang paglaban para sa lupa at karapatan.

“Sa araw na ito, libo-libong mga magsasaka, agricultural workers, mga sakada, peasant women, mga mangingisda, maralitang lungsod… Determinado tayong isulong ang ating laban hanggang sa tagumpay,” pambungad na mensahe ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Kasama rin ni Ramos ang iba pang tagapangulo ng iba’t ibang sektor sa agrikultura upang ipakita ang iisa nilang panawagan sa tinaguriang Lakbay Magsasaka. Dito, nagtipon ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, pinagkaisa ng iisang panawagan para sa lupa’t hanapbuhay.

Binubuo ng maraming sektor ang Lakbay Magsasaka tulad na lamang ng kabataan, mangingisda’t kababaihan.

“Kung hindi kikilos ang kababaihan, hindi pwedeng magtagumpay ang anumang kilos sa kanayunan,” paalala ni Zen Soriano, tagapungulo ng Amihan, pambansang kilusan ng kababaihang magsasaka.

Lumalaki ang panawagan para sa pagkakaisa, hindi lamang dahil sa patuloy na pang-aapi sa uring magsasaka, kundi dahil na rin sa tahasang pagbingi-bingihan ng estado.

“Nagpatawag nga ng dayologo itong si OIC Rosalino Bistoyong, ang pumalit kay Ka Paeng (Mariano),” anunsyo ni Jun mula KMP, “Pero hindi nila isinali ang organisasyon ng Kilusang Magbubukid sa Pilipinas at yung mga kasamahan natin sa Mindanao na mahigit isang linggo nang nagkakampuhan dito sa harapan ng DAR.”

Si Secretary Bistoyong ang pumalit kay Rafael ‘Ka Paeng’ Mariano nang ito’y tanggalin ng Commission of Appointments sa pwesto niya bilang kalihim ng DAR.

Mindanao ang may pinakamalaking ambag sa produksyon ng coconut, mais, saging, at iba pang pananim na madalas ilabas sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Office. Hindi magiging posible ito kung wala ang libo-libong magsasaka sa rehiyon.

Dagdag pa ni Jun, pinag-uusapan raw sa DAR ngayon kung papaano matatanggal ang mga administrative order na tinakda ni dating DAR Secretary Mariano, ang kauna-unahang secretary na nanggaling sa hanay ng mga magsasaka.

Liban pa sa kawalan ng lupa, dala dala ring panawagan sa Lakbay Magsasaka ang pagpapatigil ng walang habas na pagpatay sa mga lider magsasaka sa kanayunan, na nangunguna sa laban para sa kanilang mga batayang karapatan.

Iniulat ng Karapatan, isang organisasyong pangkarapatang pantao, na 91 na ang mga magsasakang napapaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Isa si Rose Lammawing sa mga magsasakang naglakabay mula sa kanilang probinsya patungo sa Maynila. Siya ay kalihim ng Innabuyog, isang organisasyon ng mga babaeng magsasaka sa Kalinga, Cordillera.

Sa kanilang lugar, talamak ang pagpatay sa mga diumano’y drug suspect, ngunit ang pinupuntirya naman ay puro magsasaka. ‘Di man sila nakararanas ng mismong presensya ng militar at pulis sa kanilang komunidad na sa ibang rehiyon ay pumipigil sa mga magsasaka na magorganisa, mayroon namang nabiktima na ng Oplan Tokhang sa kanilang lugar.

Dalawampung taon na si Lammawing sa Innabuyog, at sumali siya rito bilang isang ina na nakakaranas ng kawalan ng tulong mula sa gobyerno lalo na sa pagpapagamot at pagpapaaral ng kanyang mga anak.

“Kulang na kulang ang budget sa amin sa Kordilyera. Lalo na sa edukasyon. Kulang ang classroom at mga guro,” aniya. “Karamihan pa ng mga eskwelahan ay malalayo. Ilang oras ang nilalakad ng aming mga anak para lamang makapasok.”

Nananatili ring luma ang proseso ng pagsasaka sa Kordilyera, ani Lammawing. Wala silang ginagamit na modernong kagamitan, at sariling lakas lamang ang nagtataguyod ng produksyon sa kanilang lugar. Mataas din raw masyado ang halaga ng pangsaka nila’t mababa naman ang presyo ng kanilang produkto.

Ganoon pa man, tuloy lamang raw sila sa kanilang pag-alpas at pagtuligsa sa binging estado. Hanggang sa tagumpay.

 

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.