Muling Pagkabuhay: Pagpinta sa minorya ng Patay na si Hesus

By Andrea Jobelle Adan

Marami na ang naibansag sa Patay Na Si Hesus: sabi ng ilan, ito’y comedy film, o kaya nama’y isang pampamilyang labas; sabi ng maraming tanging poster lang ang nakita sa Facebook, isa itong paglapastangan sa katauhan ni Hesukristo.

Kung pagtutuunan naman ng pansin ang mensahe nito, makikitang isa sa layunin ng Patay Na Si Hesus ang pagbasag sa mababang pagkakakilanlan sa mga single mom, miyembro ng LGBTQIA+ at mga taong may kapansanan. Lahat ito habang maya’t maya pinahahalakhak ang manonood.

Sa Patay Na Si Hesus, dadalhin ng solo parent na si Iyay (Jaclyn Jose) ang tatlong anak na lalaki at alagang aso na si Hudas sa isang kakaiba at katawa-tawang biyahe mula Cebu patungong Dumaguete. Sakay ng isang orange minicab, dadayo sila ng milya-milya upang makita sa huling pagkakataon si Hesus.

Lumaking malayo ang loob ng tatlong magkakapatid na sina Bert (Vincent Viado), Jude (Chai Fonacier) at Jay (Melde Motañez) kay Hesus kaya labag sa loob nina Jude at lalo na ni Jay ang pagpunta. Kaya naman nang papaalis na ay kinailangan pang i-full body tackle ni Iyay si Jay. Napuno ng halakhakan ang sinehan habang minamasdan eksenang ito ni Jose, 2016 Cannes International Film Festival Best Actress.

Ngunit hindi ito pelikulang ihinulma upang makapagbigay tuwa lamang. Patay Na Si Hesus ang nag-uwi ng Audience Choice Award at Gender Sensitive Film Award sa 2016 QCinema International Film Festival at muli nitong napatunayan bakit sila ang nararapat.

Malinaw ang isa sa mga mensahe ng pelikula: hindi kaakibat ng pagiging ina ang paglimot ng babae sa kanyang sarili.

Ayon sa isa sa mga producer na si Moira Lang, malapit sa kanilang puso ang kwento ni Iyay bilang single parent. Mayroon kasi sa mga miyembro ng cast na pinalaki ng single mom, o kaya naman ay single mom mismo. Kita sa pelikulang nagamit nila ang kanilang mga karanasan upang bigyang makatotohanang hulma ang pagkatao ni Iyay.

Matapang na Tagalog si Iyay, kahit na ayon sa kaibigan niyang madre na si Lucy (Mailes Kanapi), malayo raw ang pagkataong ito sa Iyay na kilala niya noon. Kinailangan ni Iyay na ihulma ang kanyang sarili upang magsilbing ama at ina.

Ngunit hindi kinailangan ni Iyay isantabi ang kanyang sarili at ang kanyang paninindigan upang maging mabuting ina. Hindi niya ipinilit ang pagkakaroon ng buong pamilya para lamang mabigyan ng ama ang kanyang mga anak.

Sa panahong iba’t ibang pagkukutsa ang ibinabato sa mga single mom, kailangan ng karakter tulad ni Iyay na magpipinta ng mas makatarungang imahe ng kanilang karanasan. Makatarungan rin kumpara sa karaniwang imahe ang naging pagguhit kay Jude, ikalawang anak na lalaki ni Iyay.

Si Jude, isang callcenter agent, ay isa ring transman. Judith Marie ang ipinangalan ni Iyay sa anak pagkapanganak nito ngunit hindi ito tugma sa katauhan ni Jude. Sa kasalakuyan, nakatira si Jude sa isang apartment kasama ang kanyang partner na si Mary at ang anak nitong si Mia. Malayo itong pagganap sa isang ibang imahe ng mga miyembro ng LGBTQIA+ sa midya.

Hindi ginamit si Jude bilang punchline. Hindi rin gumamit ng maiinit na eksena ng pagtatalik ng babae sa babae upang makahatak ang pelikula. Ipininta si Jude kung paano ang pagpinta sa iba pang tao–nagtatrabaho, umiibig, nasasaktan–nang hindi kinakalimutan ang partikular na pang-aaping natatanggap ng mga napapabilang sa LGBTQIA+

Makatotohanan ang pelikula sa pagpapakita ng pagtanggap ng lipunan sa mga tulad ni Jude. Higit sa isang beses siyang nakatanggap ng mapang-usig na titig. Bagamat pabiro, nagkunwari pa si Sister Lucy na hindi nito nakikita si Jude, dahil ang huli niyang nakita ay si Judith Marie.

Ganoon pa man, hindi hinahayaan ni Jude na tawagin siyang ate, o kung ano pang pagkakakilanlan na hindi naman kanya. Nakakalambot rin ng puso ang pag-unawa ni Iyay, lalo na tuwing sinasabi nitong may tatlo siyang anak na lalaki kahit magsitaasan pa ng kilay ang iba.

Ganito rin para kay Bert, anak ni Iyay na may Down Syndrome, na ginampanan ni Viado, na nabubuhay ding may ganitong kapansanan. Dala ng problema sa genetics ang Down Syndrome at madalas naapektuhan nito ang itsura at pagdebelop ng kaisipan. Maliit ang tiwala ng pamilya kay Bert, kahit na siya lang sa tatlong anak ang sumuporta sa desisyon ni Iyay na puntahan si Hesus. Sa isang bahagi ng pelikula, inamin ni Iyay na inakala niyang magiging pabigat si Bert pagkapanganak niya rito. Ngunit kita sa pag-agapay ni Bert kay Iyay tuwing malulungkot ito na hindi balakid ang kanyang karamdaman sa kakayanan niyang tumulong sa pamilya.

 

Magkakaiba man ang kwento ng lahat ng taong mayroong Down Syndrome, ipinamalas ni Bert sa pelikula na mayroon siyang tanging kakayanan mabuhay nang masaya, makisalamuha sa iba, at sumayaw sa tugtog ni Britney Spears.

Marami pang mensaheng nakasingit sa katatawanan at halakhakan ang Patay Na Si Hesus. Hindi man ito perpektong pelikula na paminsan ay madaling mahulaan ang joke at linya, marami itong sinubukang puksain na stereotype o pagkakahon. Sa darating na Pistang Pelikulang Pilipino, siguradong isa ito sa mga kahuhumalingan at ikagagalak ng mga manonood.

Patunay na hindi kailangan isakripisyo ang tunguhin ng pelikula upang makapagpasaya ng masa.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.