Atleta ng Bayan: Sulong, kabataang Lakbayani

Kuha ni Keith Magcaling
Sulat ni Raneza Beatrice Pinlac

Tumatak sa isip ng madla ang karaniwang mukha ng isang atleta – tumatagaktak na pawis habang sumasabak sa palarong umaalab sa kanilang mga puso. Subalit para sa mga atleta ng bayan, ang laban ay higit pa sa hangganan ng kani-kanilang mga isport. Layon nilang magamit ito bilang kasangkapan upang magampanan ang kanilang tungkulin para sa bayan.

Sa ikatlong taon ng pagsasaganap ng sports clinic para sa mga kabataang Lakbayani noong ika-16 ng Setyembre, nagsilbing sinag ng pag-asa ang UP Men’s at Women’s Football Teams para sa 40 batang namulat sa isang mundong nadungisan ng militarisasyon at kahirapan. Kasangga rin ng mga koponan ang Gabriela Youth – UP Diliman sa kanilang matagumpay na pagkamit sa pakay ng programa.

Ilan lamang ang caterpillar drill at pagsasanay sa futbol sa mga aktibidad na inihanda ng mga organizer para sa mga batang lakbayani. IItinuro rin ng mga atleta ng bayan ang mga pangunahing kakayahan na mahalaga sa paglalaro ng kanilang isport tulad ng tamang pagsipa at pagpasa ng bola. Pagkatapos, namigay ang koponan ng mga mumunting regalo at pagkain para sa mga batang nakilahok sa kanilang sports clinic.

Madaling naaninag ang maliliwanag na ngiti ng mga batang punong-puno ng taos-pusong saya at pasasalamat sa mga atletang panandalian nilang nakalaro. Para naman sa mga atleta, pagkakataon ito upang ipadama sa mga Lakbayani ang kanilang mainit na pagtanggap sa kanila.

Ayon kay Kali Navea-Huff, punong-abala ng sports clinic at miyembro ng UP Women’s Football team, mahalagang nakikiisa ang mga atleta sa mga bata mula sa Save our Schools Network hindi dahil agad nitong mawawaksi ang problemang pasan ng mga bata ngunit upang maiparamdam na ligtas sila sa pansamantalang tahanan sa unibersidad.

Naniniwala ang mga atleta ng bayan na bukod sa pagbabahagi nila ng kaalaman tungkol sa futbol, nakapagbahagi rin sila ng pansamantalang pahinga para sa mga pagal na puso ng mga batang maagang sinubok ang hinagpis ng buhay.

“Higit sa pagpapahatid ng saya, nababalikan rin nila ang kanilang pagkabata,” pahayag ni Lian Valencia, kinatawan ng Gabriela sa sports clinic.

Namulat ang mga Lakbayani sa isang mundong puno ng takot at pangamba na dulot ng militarisasyon. Sila ay nakipagsapalaran tungo sa UP Diliman upang ibahagi ang kanilang mga karanasan sa ilalim ng karahasan at pang-aabuso ng militar. Minsan nang umabot sa kasukdulan ang karahasang buhat ng militar sa kabataan noong nabalita ang malupit na pagpatay kay Obillo Bay-ao, isang 19-anyos na estudyante.  

Nagpapasalamat naman si Ian Clarino, miyembro ng UP Maroon Booters, sa mga batang Lakbayani.

Ayon sa kanya, napaalala ng kanilang munting mga kalaro na dapat harapin ang buhay nang may pusong puno ng tapang at paniniwala na malalampasan nila ang bawat pagsubok na hahadlang sa kanilang pagabot ng kanilang mga pangarap.

Ang pagiging atleta ng bayan ay hindi lamang nasusukat ng kanilang nahahakot na panalo sa mga palarong kanilang sinasalihan dahil isa rin sa mga pangunahing gampanin nila ay ang magbigay serbisyo at tulong sa mga nangangailangan, ani Clarino.

Tunay na nakatatak sa isip ng madla ang larawan ng mga atleta na naglalaban-laban sa mga palakasan upang makamit ang kampeonato. Ngunit para sa atleta ng bayan, ang tunay na tagumpay ay natatamo sa pamamagitan ng pagiging katalista ng pasulong na pagbabago para sa kinabukasan ng ating bayan.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.