Mga munting tinig sa gitna ng unos

By Jerome Edward Ignacio

Sa huling gabi ng mga pambansang minorya sa UP Diliman ay makikitang masipag na tumutulong sa paglilinis sa harap ng maliit na entabladong ganapan ng kultural na pagtatanghal ang 14 taong gulang na si Angeline Corsado, isang Lumad mula North Cotabato.

Nakasuot ng bandanang pula at itim na damit at mistulang pagod sa isang araw na muling nagdaan, si Angeline ay tila mukhang mas bata para sa kanyang edad.

Bagamat marapat na nilulubos niya ang kanyang pagkabata, si Corsado ay nasa maingay na siyudad ng Maynila kasama ang humigit kumulang 3000 na mga katutubong lumalaban para sa kanilang mga karapatan.

“Sinama po kami dito para maikwento po sa inyo kung anong nangyayari sa aming paaralan dun [sa Northern Cotabato],” ani Corsado.

Hindi niya kapiling ang pamilya sa kanyang paglalakbay sa Maynila, ngunit kasama niya ang kanyang mga guro at kamag-aral na nais ipahayag ang kanilang mga kwento at karanasan sa kauna-unahang Lakbayan ng Pambansang Minorya, isang malawakang pagkilos ng mga katutubong grupo para sa sariling pagpapasya at kapayapaan.

Iniwan ni Angeline ang nag-iisang kapatid at mga magulang niya sa Davao kung saan sila lumikas matapos ang pandarahas ng mga militar sa kanilang paaralan.

“Isa po kami [sa] naharass kaya sinama ako dito,” ani niya.

Ayon kay Angeline, pinaparatangan ng militar na isang paaralan para sa mga rebelde ang kanilang eskwelahan na Mindanao Interfaith Services Foundation Incorporated (MISFI) Academy. ‘Di umano ay dito sila tintuturuan na bumuo at magkasa ng mga baril.

“Parang di na kami makapagayos sa pagaaral kasi di kami kortable kasi parati na lang po kaming nageevacuate, kasi yung mga militar ay palaging nandoon sa paaralan namin,” malungkot na ibinahagi ni Angeline.

Kagaya ni Angeline at iba pang estudyanteng kasamahan, noong 2014 ay sumama rin sa Manilakbayan ang mga mag-aaral mula sa Tribal Filipino Program of Surigao del Sur (TRIFPSS) at Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development  (ALCADEV) sa dating binansagang Manilakbayan upang ipanawagan ang pagtigil sa karahasan ng mga militar at paramilitar sa kanilang mga paaralan

Bagamat matagal na ang panawagang itigil ang pasismo sa kanilang mga katutubong komunidad, patuloy pa rin ang pamamayagpag ng pandarahas ng militar na siyang nakakaapekto sa mga kabataan gaya ni Angeline. Kahit pa nagdeklara si Pangulong Rodrigo Duterte ng unilateral ceasfire noong Agosto 20 bilang bahagi ng kasalukuyang nagaganap na usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at National Democratic Front (NDF), hindi pa rin  ito nakatulong sa pagkawala ng mga sundalo sa kanilang komunidad na siyang nagbabansag sa mga katutubo bilang miyembro ng New People’s Army (NPA).

Mariing itinanggi ni Angeline ang paratang ng mga militar sa kanilang mga guro, “[ang] tinuturo po nila ay kung anong ginagamit ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) [at] di po pagbuo’t pagkasa ng baril.”

Dahil dito, hindi maiwasan ni Angeline na magpahayag ng mga saloobin sa nangyayaring pandarahas ng mga militar sa kanilang paaralan.”Parati na lang po kaming hinaharass dun, masakit po samin yung harassin yung iba naming [ka]klase”.

Nang tinanong kung paano ang pandarahas na ginagawa sa kanila ng mga sundalo, sinabi ni Angeline na tinatakot sila ng mga ito.

“Kung hindi [daw] kami aalis sa aming paaralan ay papatayin daw po kami,” ani niya.

Dahil sa takot para sa kanilang kaligtasan at sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya, mabilis na lumikas sina Angeline at ang kanyang mga kasama papuntang Davao.

Alam ni Angeline at ng iba pang mga Lumad na may dalang bigat ang mga banta na ito sapagkat naging kabaha-bahala ang bilang ng mga katutubong napatay nang dahil sa pamamalagi ng militar sa kanilang mga lupang ninuno.

Noong unang walong buwan pa lamang ng 2015 ay may sa higit kumulang nang 13 na katutubo ang napaslang.

Pinaghihinalaan ang mga grupong paramilitar bilang sangkot sa mga karumal-dumal na pagpatay. Ayon sa grupong Human Rights Watch, sila ay pinalalakas ng militar upang puksain ang mga pinaghihinalaang rebelde.

Ayon sa testimonya ng mga Lumad, ang dahilan sa pagyabong ng militarisasyon sa Mindanao ay ang lumalagong interes ng mga malalaking kompanyang nagmimina sa mayayamang lupain ng mga katutubo.

Dahil dito, hindi sapat ang pang araw-araw na pagkain at tulong pinansyang natatanggap ng pamilya upang maging buo ang loob niya ukol sa kanilang kaligtasan sa  ni Angeline sa kanilang nilikasang tahanan sa Davao.

“Yung kaklase po namin [ay] nagkekwento samin, bandang alas-tres ng umaga, nakarinig [sila] ng hiyawan ng mga tao, nasusunog na daw yung kabilang building [at] di nila alam kung saan sila pupunta,” malungkot na ibinahagi ni Angeline.

“Akala nila [ay] komportable na sila sa Davao,” dagdag pa niya.

Pagtapos ng dalawang linggong pamamalagi sa Diliman at paglibot sa iba’t ibang paaralan upang maiparating ang kanilang mga kwento ay babalik na rin sa Davao si Angeline at ang kanyang mga kasamahan.

Subalit ang Davao ay hindi pa rin tahanan para sa munting Lakbayani.

“Makakabalik lang [kami] sa North Cotabato kung [kami ay] mabigyan ng hustisya,” ani niya.

Ayon sa datos ng GMA News, naghihintay pa rin ng hustisya ang humigit kumulang na 22 lumad na pinatay sa Cotabato mula 2010. Ngayong taon lang ay tatlo ang napatay at 116 ang sugatan sa nangyaring Kidapawan massacre matapos magpaputok ng mga pulis sa mga sibilyang humihingi lamang ng ayuda mula sa gobyerno.

Nang tinanong kung anong gusto niyang mangyari pagkatapos ng Lakbayang ito ay agad sumagot si Angeline,  “Sana po [ay] mawala na yung militar sa kabundukan,  sana umalis na po sila dun para makabalik na kami sa aming mga kabahayan at sa aming mga lupa.”

Malinaw sa isang batang kagaya ni Angeline ang kanilang ipinaglalaban.

“Gusto naming pumunta dito at sumama kasi gusto po naming makamit yung hustisya sa aming paarlaan na palagi na lang kaming hinaharass ng mga militar,” ani niya habang kitang-kita sa kanyang mga mata ang lungkot at takot na dulot ng sitwasyon sa bayang pinanggalingan.

Sa gitna ng pagsigaw ng pambansang minorya para sa kanilang karapatan sa sariling kapayapaan at pagpapasya, patuloy din na nananawagan ang mga tinig na gaya ng kay Angeline, mga tinig ng batang naipit sa isang sitwasyong pasan ng kanilang murang edad. Maliit man ang kanilang mga tinig, ito nama’y naglalaman ng mga kwentong hindi marapat na pagbingi-bingihan lamang.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.