Ang Unang Hakbang (My UPCAT Story)

(As thousands of students all over the Philippines take the University of the Philippines College Admission Test this weekend, TNP is posting an essay written in Filipino by one of its staffers recalling his experience in taking– and passing– the exam)

ni Luis Adrian Hidalgo

Armado ng kaalaman, hawak ang dalawang Mongol 2 na lapis at isang pambura, at may baon pang dalawang pakete ng Snickers bar, Skittles, kendi, ilang pirasong tinapay, tubig, at isang maikling panalangin: ganyan ko hinarap ang pinakamatinding pagsusulit na magtatalaga kung ano ang mangyayari sa susunod na yugto ng buhay ko – ang UPCAT o University of the Philippines College Admission Test.

Malamig ang simoy ng hangin noong umaga ng ika-1 ng Agosto 2009. Maaga pa lang ay gising na ako. Alas-tres pa lang ng umaga, dilat na ang mga mata ko, pero sa totoo lang, hindi ko talaga sigurado kung natulog pa ba ako noong gabi bago ang araw iyon. Buong buwan ng Mayo 2009 ang ginuguol ko upang paghandaan ang UPCAT, subalit hindi naalis sa aking dibdib ang pakiramdam na kulang pa rin ang ginagawa kong paghahanda. Kaya naman sa susunod na dalawang buwan, paunti-unti kong binalik-balikan ang lahat mga pinag-aralan ko.

Oo, LAHAT. Pero sa totoo lang, yung Math lang ang talagang tinutukan ko. Eh kasi naman, sino ba ang hindi nalulula sa mga numerong yan (maliban na lang kung sobrang talino mo at minamani mo na lang yun)? Numero pa nga lang, hilo na ako, eh ‘yun pa kayang may mga halong letra? Jusko po! Sakit sa ulo! Subalit sa kabila ng lahat ng iyon, pinilit ko ang sarili kong matutunan iyon dahil alam kong hindi basta-basta ang papasukin ko. Kailangan kong mapatunayan na karapatdapat ako maging iskolar ng bayan, at ang UPCAT ang unang hakbang para magawa ko iyon.

Alas singko ng umaga nang tumulak na kami ng tatay ko papuntang UP Diliman. Alas siyete kasi nang umaga ang itinakdang oras. Ayaw kong mahuli. Tandang-tanda ko pa sa alaala ko na nakikinig kami ng tatay ko sa kantang “A Nightmare to Remember” ng bandang Dream Theater. Umagang-umaga pa lang, rakrakan na ang pinakikinggan. Pero sa loob-loob ko, kinakabahan pa rin ako.

Pagdating ko sa Math Building, nakita ko ang daan-daang mga nagbabakasakaling makapasa sa UP. May ilang hanggang sa mga oras na iyon ay nag-aaral pa rin. May ilan namang nakikipag kwentuhan na lang sa mga kaibigan, at may ilang paikut-ikot lang parang ako. Pagpatak ng alas-sais, sinimulan nang papilahin ang mga tao. Maya-maya pa’y nasa loob na kami ng kanya-kanyang mga silid na dapat puntahan. Nasabi ko na lang sa sarili ko, “Heto na. Kaya ko ‘to. Kaya ko ‘to.”

Limang oras lang ang inilaan upang tapusin ang UPCAT. Grabe. ‘Yun na yata ang pinaka matagal na limang oras sa buong buhay ko, at ang UPCAT naman ang pinakamahabang pagsusulit na sinagutan ko. Sinikap kong masagutan nang mahusay ang bawat tanong. Talagang nasubok ang talino’t kakayahan ko sa pagsagot. May ilang bahagi na napakadali lang para sa akin, at siyempre, may mga bahaging natameme na lang ako (alam mo na kung alin ‘yun). Nakakatuyo ng utak!

Nakakaloka yung kalaban mo yung oras tapos nakikita mong wala ka pang kalahati ng pangkalahatang bilang ng lahat ng dapat sagutan! Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya pero sadyang hindi ko na kinaya. Sinagad ko na ang aking sarili. Ayaw ko mang gawin, sa kasamaang palad, napilitan ako mag “shotgun” sa pagsagot para lang mapunan ang mga blangko sa talaan ng sagot ko.

Lumipas ang limang oras at kinuha na ang mga papel. Nakaramdam ako ng saya at ginhawa dahil sa wakas, tapos na ang kalbaryo ko. Ngunit sa kabilang banda, kaba at takot ang nadama ko dahil walang kasiguraduhan sa susunod na mga buwan kung papasa nga ba ako o hindi. Magmula noon, inisip kong hindi ako papasa ng UPCAT kaya minarapat kong papasa dapat ako sa iba pang pupuntahan ko para may sasalo sa akin.

Lumipas ang panahon at tatlo pang pagsusulit ang sinagutan ko, pero wala kahit isa ang pumantay sa hirap na dinanas ko sa UPCAT. Isang araw noong Enero 2010, inabutan ako bigla ng aking guro ng mga papel. Hindi ko alam kung para sa ano ang mga iyon. Laking gulat ko na lamang nang makita ko ang logo ng Unibersidad ng Pilipinas – pumasa ako! Pagkauwi ko ng aming bahay ay tiningnan ko ang aking pangalan sa listahan ng mga pumasa sa Internet upang masiguro sa huling pagkakataon na pumasa nga ako, at nakita ko nga ang buong pangalan ko roon.

Halos tatlong taon na ang nakalipas at narito na ako sa pinakamahusay na unibersidad sa ating bansa – ang Unibersidad ng Pilipinas – nag-aaral ng kursong BA Journalism, at nangangarap na isang araw ay mapabilang ako sa mundo ng midya upang magmulat, maglingkod, at makibaka.

Si Luis Adrian Hidalgo ay nasa ikatlong taon sa kursong pamamahayag sa UP Diliman. Siya ay nagsusulat ng lathalain (features) para sa Tinig ng Plaridel.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.