What’s Your UPCAT Story: Sa Plaridel Hall

Last month, Tinig ng Plaridel put out a call for stories from past UPCAT-takers, encouraging them to tell us their motivations for taking the exam, their preparations for it, their results and their reactions. Some stories were triumphant, some hopeful, some bittersweet, but each one told of different experiences and different people. Before the University of the Philippines College Admission Test comes to challenge another round of examiners this Aug. 6 and 7, we take a look at how others faced it in the years before.

 

Sa Plaridel Hall

Ni Henna Rose Geronimo

Isa na siguro sa mga hindi ko malilimutang petsa ang August 7, 2010. Halos isang taon na rin ang lumipas pero malinaw pa rin ang lahat sa alaala ko.

Hindi biro ang mga pinagdaanan ko bago mag-UPCAT. Akala ko nga hindi ako makaaabot sa pasahan ng form. Pero noong Hunyo 27, 2010, natanggap ko ang pinakaaasam kongtest permit.

Matinding pag-re-review ang ginawa ko noon. Sa katunayan, bakasyon pa lang, inaral ko na ‘yung mga past lessons namin. Habang papalapit ang araw ng UPCAT, humingi ako ng payo sa mga kakilala kong nakapag-UPCAT na. Ilan sa mga ito ay ang pinsan kong UPCAT 2004 passer, ilan kong kaibigan at ang pinakamabigat sa lahat, si Ramon Bautista.

Nang dumating ang August 7, mag-isa akong bumiyahe mula Cavite hanggang Quezon City. Matinding kaba at excitement ang naramdaman ko noon. Sa kabutihang palad, kahitfirst time kong bumiyahe mag-isa papuntang QC eh nakarating ako nang maayos sa Mass Communication building. Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso ko habang papalapit kami sa Philippine Star Room.

Limang oras na tuloy-tuloy akong nag-shade ng mga bilog. Nahirapan ako sa ilang mga tanong lalo na sa Math. Nakakain ako habang nag-e-exam. Mga 5:00 p.m. kami natapos. Ang swerte ko nga dahil paglabas ko ng Plaridel Hall, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Wala pa naman akong dalang payong noon.

Ilang buwan ang lumipas. Araw-araw akong nagdadasal para sa results ng UPCAT. Enero 3, 2011 ang nakatakdang petsa ng release ng UPCAT results. Nagkaroon ng konting aberya sa UPCAT Online nung umaga kaya hindi ko pa nakita ang resulta. Kinabukasan nang madaling araw, dali-dali kong binuksan ang computer namin upang silipin kung nailabas na ang results. Meron na nga.

Hinanap ko sa name range ang apelyido ko. Habang binababa ko ang scroll bar, kabadong-kabado ako. Nakita ko ang pangalan ng best friend ko! Natuwa ako dahil nakapasa siya. Nang makita ko ang Geronimo, wala doon ang pangalan ko.

Sobrang lungkot talaga ang naramdaman ko ng mga panahong ‘yun. Gayunpaman, masaya pa rin ako dahil nakapasa ang best friend ko na nag-aaral na ngayon ng Linguistics sa UP Diliman. Habang ako, kahit paano ay maituturing pa ring Iskolar ng Bayan dahil kasalukuyan akong nag-aaral ng Broadcast Communication sa PUP. Sa totoo lang, kahit hindi naman ako pumasa, masaya pa rin ako kahit paano. Masaya ako dahil nakapasok ako ng Plaridel Hall na minsan na ring pinasukan at nilakaran ng mga iniidolo ko sa larangan ngmedia. At tsaka, yung mabigyan ka ng pagkakataon na makapag-UPCAT, malaking bagay na ‘yun sa akin.

Naniniwala ako na kung para sa iyo talaga ang isang bagay, mapupunta ‘yun sa iyo kahit ano man ang maging hadlang. Pangarap ko talagang mag-aral sa UP noon pa man. Pero dahil ganun nga ang nangyari, hindi natuloy ‘yung pangarap ko.

Pero hindi lang naman doon matatapos lahat ng ‘yun. Pwede pa naman akong mag-transfer o mag-masteral doctoral sa UP. Basta magsusumikap muna ako ngayon na magkaroon ng magagandang grades. Marahil, ang pag-aaral ko ngayon dito sa PUP ang magsisilbi kong gabay sa oras na mapadpad na ako sa University of the Philippines.

_____________

Si Henna Rose Geronimo ay kasalukuyang nag-aaral ng Broadcast Communication sa Polytechnic University of the Philippines. Mahilig siyang magsulat, at pangarap niyang maging isang mahusay at patas na journalist balang araw.

Author: TNP

The Official Student Publication of the UP College of Mass Communication.